13

1.5K 80 43
                                    

NAGMAMADALING pinalitan ni Aline ang scrubsuit na suot ng puting unipormeng bestida. Katatapos lang ng duty niya sa ospital at kababasa rin lang niya ng message ni Kiyora. Nasa labas daw ang dalaga at sinusundo siya. Kasama nito si Adler. Manonood daw sila ng sine at kakain sa labas.

Pagkatapos niyang magpaalam sa clinical instructor niya ay nagmamadaling lumabas siya sa operating room. Nakasalubong niya ang nakangiting si Doc Gary sa pasilyo. Kaagad niya itong binati at nginitian.

"Oy, nandito ka pala, hindi mo sinabi." Inakbayan siya nito. "Tamang-tama, breaktime ko. Ililibre kita ng merienda sa canteen. Tara." Aakayin na sana siya nito patungo sa canteen ngunit pinigilan niya.

"Hindi puwede, eh. 'Sensiya na. Nagmamadali ako. Nasa labas si Ki. Nagyayayang manood ng sine. Ngayon lang lumabas ng villa 'yon kaya sasamahan ko na."

"Gano'n ba? Sige, samahan na lang kita hanggang sa parking lot. Nami-miss na kita, eh." Pinisil nito ang pisngi niya. "Kumusta naman ang panliligaw sa 'yo ni Wilt?"

"Hindi siya nanliligaw," giit niya. Kay Gary naikukuwento ni Aline ang lahat ng nangyayari sa kanila ni Wilt. Ang batang doktor din ang madalas na magpayo sa kanya.

"Nanunuyo, nanliligaw, pareho lang 'yon. Lalaki ako kaya makinig ka sa 'kin."

Paglabas nila sa ospital ay kaagad nilang nakita ang sasakyan ni Adler. Bigla siyang natigil sa paglapit nang makita si Wilt na nakasandal sa sasakyan. Nakatingin ito sa kanila ni Gary. Napagtanto niyang nakaakbay pa rin sa kanya si Gary kaya naiilang niyang pinakawalan ang sarili.

Masiglang binati ni Kiyora si Gary at niyayang sumama sa kanila, ngunit tumanggi ito dahil limitado lang ang libreng oras ng doktor. Tahimik na tahimik lamang si Wilt.

Nagpaalam na sila kay Gary at lumarga na. Si Adler ang nagmamaneho. Nagtungo sila sa pinakamalapit na mall. Pagdating doon, kaagad na humiwalay sina Adler at Kiyora sa kanila ni Wilt.

Ilang na ilang si Aline at tila ganoon din si Wilt. Ilang minuto muna silang tahimik na nag-ikot-ikot bago nito binasag ang katahimikan.

"Coffee?" tanong nito. Napadaan kasi sila sa isang coffee shop.

Tumango na lang si Aline. May bakanteng booth sa dulo at doon nila piniling maupo. Kahit na paano ay may privacy sila. Pagkatapos nilang um-order ay namayani na naman ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

"Bakit ka sumama?" tanong niya sa munting tinig. Nasanay na kasi siyang ipinasusundo o ipinahahatid lang siya ni Wilt sa mga pinsan nito.

Nagkibit-balikat si Wilt. "Gusto kitang makita."

"Ideya mo ang pagpunta rito?"

Umiling si Wilt. "It's Kiyora's. Kahapon pa niya niyayaya si Adler. Naisipan kong sumama para madaanan ka na rin namin. I hope you don't mind."

Iling lang ang naging tugon ni Aline doon.

Huminga nang malalim si Wilt bago nagsalita. "Is he your boyfriend?"

"Si Gary? Nasagot ko na yata ang tanong na 'yan. Hindi. Magkaibigan lang kami."

"But you like him?"

"Siyempre. Mabait siya at masarap kasama. He's a good friend."

"Kaibigan lang talaga?"

Napabuga ng hangin si Aline. "Oo, magkaibigan lang kami." Madali para sa kanya na magsinungaling at sabihing may espesyal na namamagitan sa kanila ni Gary. Ganoon marahil ang gagawin ng mga babaeng kapareho niya ng sitwasyon. Madaling ipakita kay Wilt na kahit na inayawan siya nito noon, may isang lalaki na nagkakagusto sa kanya. Magiging masarap siguro sa pakiramdam na malaman na nagseselos at nahihirapan si Wilt. Ngunit sa bandang huli, alam pa rin sa sarili na niloloko lamang niya ang kanyang sarili. Sa palagay niya ay mas maiging maging tapat siya.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora