3

1.6K 80 8
                                    

HINDI mapuknat ang tingin ni Wilt kay Aline. Kasalukuyang abala ang dalaga sa paghahanda ng makakain ni Lola Ancia na isang linggo nang nakauwi sa villa mula sa ospital. Nanghihina pa rin ang matanda ngunit paunti-unti nang bumabalik ang sigla at lakas.

Nakahinga nang maluwag si Wilt nang malampasan ng pamilya nila ang kamuntikan ng pagkawala ng haligi at ilaw ng kanilang pamilya. Alam nilang lahat na matanda at mahina na si Lola Ancia ngunit wala pang handa sa pamilya na mawala ang kanilang lola. Sa palagay niya ay walang magiging handa kailanman.

Nagpasalamat siya sa naging desisyon niyang umuwi sa villa nang gabing iyon. Mabuti na lang at napagdesisyunan niyang sumabay kay River imbes na gamitin ang isa sa mga sasakyan ng kanyang ama. Nang mabanggit ni River sa kanya na patungo rin ito sa Mahiwaga, nakisabay na lang siya. Naisip niya na hindi naman magiging problema ang sasakyan sa villa.

Kauuwi lamang ni Wilt galing ng Boston. Doon siya kumuha ng kanyang master's degree. Nagtapos na siya noong isang taon pa, ngunit hindi pa siya handang umuwi sa Pilipinas kaya napagpasyahan niyang maghanap muna roon ng trabaho. Ang idinahilan niya sa kanyang ama, nais muna niyang maranasang magtrabaho sa iba bago magtrabaho sa isa sa mga kompanya ng pamilya. Nais niyang maramdaman ang hirap ng paghahanap ng trabaho katulad ng iba. Nais niyang maging independent kahit na sandali lang. Kaagad naman siyang pinayagan ng ama, kaagad naintindihan.

Nagpasalamat si Wilt na sa telepono lamang sila nagkausap na mag-ama, kundi malalaman nitong nagsisinungaling lamang siya. Hindi siya umuwi dahil hindi pa siya handang umuwi. Hindi pa siya handa noon na harapin si Aline.

Bunso si Wilt sa apat na magkakapatid at madalas sabihin ng ibang tao na siya ang pinakamatalino sa lahat. Mula pagkabata, siya ang palaging may academic award. Nakakuha siya ng scholarship sa unibersidad sa ibang bansa. Isa siya sa mga nangunguna sa klase. Ngunit sa palagay niya, pagdating sa buhay at pag-ibig ay siya ang pinakabobo. Hindi niya kayang diskartehan ang kanyang buhay. Mahusay lang siyang magkabisa ng mga teorya ngunit palpak siya sa pagsasagawa niyon.

Nahigit niya ang kanyang hininga nang hindi sinasadyang bumaling sa direksiyon niya ang mga mata ni Aline. Nakangiti ang dalaga ngunit nang magsalubong ang kanilang mga mata ay kaagad nabura ang ngiting iyon. Lumamlam ang kinang sa mga mata ni Aline hanggang sa tuluyan iyong nagdilim. Hindi naglipat sandali, iniiwas nito ang mga mata sa kanya. Muling napangiti ang dalaga nang akbayan ni Seth, ang isa sa mga identical triplets na pinsan niya.

Tila may malaking kamay na dumaklot sa puso ni Wilt at mariin iyong piniga. Sa kanya lamang malamig si Aline. Kinagigiliwan at kasundo ni Aline ang lahat sa villa maliban sa kanya. Kinakausap at nakikipagbiruan ito sa mga pinsan niya ngunit hindi sa kanya. Nakita niya kung paano makipagkulitan si Aline sa iba ngunit kaagad na nagmamaliw ang sigla tuwing nahuhuli siya nitong nakatingin.

Isang linggo na silang magkasama sa villa ngunit hindi pa rin sila nagkakaroon ng pagkakataong makapag-usap. Ni hindi siya matingnan ni Aline. Hindi ito makatagal na kasama siya. Iniiwasan siya ng dalaga. Alam niyang napapansin ng lahat ang nangyayari sa pagitan nila ngunit wala namang nagkokomento ukol doon.

Natanto ni Wilt na hindi lang siya bobo, duwag din siya. Pinalampas niya ang isang linggo na walang ginagawa. Hinahayaan lamang niyang makaalpas si Aline sa kanya, makaiwas nang walang kahirap-hirap. Hindi niya pinipilit ang dalaga na makipag-usap. He repeatedly told himself that he owed this to her. Hindi dapat pinipilit si Aline kung ayaw makipag-usap, kung hindi pa ito handang harapin siya. Ngunit sa likod ng isipan niya, alam niyang naduduwag lamang siya. Natatakot. Sinusurot ng budhi. Nahihirapan sa katotohanang nasaktan niya si Aline nang labis.

But it had been two years! Dapat ay handang-handa na si Wilt. Dapat ay nalikom na niya ang lahat ng tapang at lakas ng loob na kailangan. Masyado na niyang pinatagal ang lahat. Kung mas patatagalin pa niya, baka tuluyan nang mawala si Aline sa kanya.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن