9

1.4K 68 4
                                    

NAPATITIG si Aline sa isang lalaking kilalang-kilala niya ngunit tila estranghero sa kanya. Sinuyod niya ang kabuuan nito—mula ulo hanggang sa paa at mula paa hanggang sa ulo. Nasalubong ng mga mata niya ang magagandang mata na tila labis na naaaliw sa kanyang ginagawa. Mga matang wala nang salamin. Ibinaba niya ang mga mata sa malapad at maskuladong dibdib.

Natatawang inilahad ni Wilt ang mga brasong namumurok sa muscle. "Tititigan mo na lang ba ako, Al?"

Napakurap-kurap si Aline. Hindi niya sigurado kung ano ang gustong mangyari ni Wilt. Nagpapayakap ba ito kaya nakalahad ang mga braso? Teka, si Wilt nga ba ang nasa harap niya? Nasaan na ang salamin nito sa mga mata? Ano ang nangyari sa katawan nito?

Inudyukan siya nitong lumapit. "Come on, baby. Nangangawit na ako rito." Halos umabot hanggang sa tainga nito ang ngiti.

Ano na rin ang nangyari sa pananalita ng binata? Saan na napunta ang mahiyaing Wilt? Parang hindi niya ito kilala.

Nanlumo ang mukha ng binata. "Hindi mo na ako mahal?"

Unti-unti nang napangiti si Aline. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Ang tagal niyang pinanabikan ang pagdating ng araw na iyon, ngunit ano ngayon ang ginagawa niya? Para siyang tanga sa kanyang mga tanong. Naninibago lang siya marahil.

"Are you coming or not?"

Sinugod niya si Wilt ng yakap. Napaigik ito nang sumalpok ang katawan niya rito ngunit hindi nawalan ng balanse. Pumaikot sa leeg nito ang mga braso niya. "Kuya Dudes, is that you?" pagbibiro pa niya.

Natawa ito habang iniyayakap ang mga bisig sa kanya. Kaagad nakaramdam ng luwalhati si Aline mula sa init ng katawan ni Wilt. Nararamdaman niya ang matitigas na muscles.

"Did you miss me?" bulong nito sa kanyang tainga.

"Sobra!" masayang bulalas niya. "Sobra-sobra." Para ngang gusto niyang maiyak sa sobrang kaligayahan. Hindi niya mapaniwalaan na nayayakap na niyang muli si Wilt pagkatapos ng dalawang taong pagkakalayo.

Nang sabihin ni Wilt na magbabakasyon ito ay labis-labis ang naging kaligayahan ni Aline. Sabik na sabik siyang makita at makasama ito. Kanina pa niya inaabangan ang pagdating nito. Labis lang siyang nagulat sa transpormasyon ni Wilt.

Alam ni Aline na hindi na katulad ng dati si Wilt dahil sinasabi nito iyon sa kanya sa telepono. Nakita na rin niya ang ilang larawan ng binata sa Facebook. Nang binisita ni Kuya Eduardo si Wilt noong nakaraang taon ay naikuwento nito sa kanya na malayong-malayo na si Wilt sa dating hitsura. Late-bloomer daw si Wilt. Ngunit iba pa rin pala kapag nakita na niya sa personal ang mga pagbabago. Iba pala kapag nararamdaman ang mga muscle. Nakakapanibago dahil nasanay siya sa payat nitong katawan.

Hinagkan ni Wilt ang sentido ni Aline. Hindi mapigilang kiligin ni Aline—literal na kinilig. "I've missed you, too. I've missed you so much, Aline."

Mas hinigpitan niya ang pagkakayakap sa binata. Kung maaari lang ay ayaw na niya itong pakawalan. Nanikip ang dibdib niya, nahihirapan siyang huminga. Dahil iyon sa labis na kaligayahan. Ang sabi ng marami, napaparupok ng malayong distansiya ang pagmamahalan ng dalawang puso. Sa palagay niya ay mali ang mga ito. Sa kaso nila ni Wilt, mas tumibay ang pag-ibig nila sa isa't isa.

"TALAGA? Wow, after all these years. Ano ang isinagot mo? Ano ang nararamdaman mo?"

Nagkibit-balikat si Aline sa mga tanong ni Wilt. Nasa isang patag na open field sila nang hapong iyon. Hinihintay nilang dumating ang mga batang tuturuan nito ng football. Nag-iba na talaga ito. Kung dati, libro ang pinagkakaabalahan, ngayon ay sports na. Bola na ang palaging hawak, hindi na libro. Nasanay na rin siya roon. Natanto niya na hindi lang ang geek na Wilt ang mahal ng kanyang puso, pati na rin ang jock na Wilt.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ