Chapter 2-1: A Professional Consultation

Start from the beginning
                                    

Tumango na lang ako sa sinabi niya. Mas marami siyang alam eh. "Maliligo po muna ako, kayo na po muna ang bahala kay Lucas. H'wag n'yo po siyang aawayin."

Halatado ko ang kaba sa mukha ni Lucas. "S-Samantha, ayaw kong maiwan dito."

Tinuro naman siya ni papa. "Psst! Huy! H'wag mong sabihin na gusto mong samahan sa banyo ang anak ko?"

Sinamaan ko ng tingin si papa. Kahit kailan talaga walang preno ang bibig niya, nakakahiya kay Lucas!

Mabils namang umiling si Lucas. "Hindi po!"

Bumuntong-hininga ako at iniwan ko na lang sa sala si Lucas kasama sina mama.

Isa sa mga rules sa bahay namin ay maligo kaagad pagkauwi galing sa eskwela o sa trabaho para maitaboy ang negative energy.

Kapag may mga bisita na dumadating tuwing birthdays at iba pang okasyon, madalas magsawaga ng orasyon at magpa-insenso sina mama at papa.

Nang matapos akong maligo, pinatuyo ko muna ng blower ang buhok ko saka ako lumabas ng banyo. Nadatnan ko silang lahat sa hapag-kainan at sabay-sabay silang lumingon sa akin.

May inabot sa akin si mama na dalawang platong may mga pagkain. Na-gets ko naman na kaagad na gusto niya akong magbigay ng atang para kay tito Atanacio.

Normal na ang routine na ito sa bahay namin. Hindi naman kailangan ng mga multo na kumain. Pero mahilig kasi sa pagkain si tito Atanacio kaya palagi kaming nag-aalay ng atang sa kanya.

Ang atang ay isang paraan ng pag-aalay ng pagkain sa patay. Kadalasan itong ginagawa ng mga normal na tao tuwing may okasyon, upang hindi magtampo ang mga yumaong mahal sa buhay.

Tinignan ko ang dalawang plato na dadalhin ko sa may altar kung saan naka-pwesto ang picture ni tito Atanacio. "Tito, mukhang madami kang kakainin ngayon ah."

Pumalatak si tito Atanacio sa akin. "Para sa kasintahan mo yung isang plato, Samantha."

"Kay Lucas po?" Nang makita kong sumama ang tingin ni papa, agad akong dumepensa. "Teka, hindi ko po siya boyfriend!"

"Maghanap ka pala muna ng litrato ni Lucas, anak," utos ni mama kaya ibinaba ko ang mga plato sa lamesa. "Ipi-print ko, send mo na lang sa akin sa messenger."

Tumayo si mama at nagpunta na siya sa kuwarto. Sinunod ko na lang ang pinapagawa ni mama, iniiwasan ang mapanghusgang tingin ni papa.

Hindi naman ako nahirapan na maghanap ng picture ni Lucas. Pinili ko 'yung picture niya na half body na nakasuot ng senior high school uniform ng Louise Academy, at sinend ko na kay mama 'yon.

Ilang sandali pa ay bumalik si mama na may hawak na picture frame at nandoon ang litrato ni Lucas na sinend ko. Inilagay niya ang picture frame sa tabi ng picture frame ni tito Atanacio. Saglitan siyang nag-usal ng dasal, pagkatapos ay tumango siya sa akin.

Kinuha kong muli ang mga plato at inilagay ko na 'yon sa altar, sa tapat mismo ng mga picture frame.

Pagkatapos no'n ay kumain na kami. Gulat pa noong una si Lucas nang malaman niya na pwede pala siyang kumain kahit kaluluwa siya. Naiyak pa nga siya, kaya inasar tuloy siya ni papa.

Sinuway naman ni mama si papa at matiwasay kaming nakakain ng hapunan.

Nang matapos kami ay ako ang naghugas ng mga pinggan habang kausap ni mama si Lucas.

"Magkasama kayo ng iyong tito Atanacio sa tuwing gabi," bilin niya kay Lucas. "Hindi natutulog ang mga kaluluwa, pero mainam na matulog ka. Dahil baka ang hindi mo pagtulog habang kaluluwa ka, ay siyang maging dahilan ng hindi mo pagbalik sa iyong katawan."

"Opo tita...?"

Ngumiti si mama. "Melizza, tawagin mo akong tita Melizza."

Nahihiyang tumango si Lucas. "Ah, opo, tita Melizza."

"Maaari kang matulog sa bakanteng kuwarto na katabi ng kuwarto ni Samantha. Kung hindi ka kumportable, pwede ka rito sa sala." Saglit na sumulyap si mama sa akin. "Hindi ko man gusto, ngunit pwede ka ring matulog sa kuwarto ng anak ko, pero hindi kayo pwedeng magtabi, at babantayan ka ni Atanacio."

Sumabat naman si tito Atanacio. "Ate, bakit ka naman po papayag na matulog ang binata sa kuwarto ng iyong anak."

Napahinga nang malalim si mama. "Para masanay si Samantha sa mga multo. Mukhang magaan ang loob niya kay Lucas, maaring daan ito para hindi na siya matakot."

"Takot po si Samantha sa mga multo?"

"Gano'n na nga. At kung sakaling gusto niyang maging isang Baylan katulad ng kanyang ama, dapat ay sanayin niya ang makisalamuha sa mga kaluluwa."

"Baylan? Parang albularyo po ba 'yon?" tanong ni Lucas.

Napatawa naman si tito Atanacio. "Ngayon ko lang na naman ulit narinig ang salitang albularyo. nakakatawang bata ito."

"Pero ang astig naman ng magiging career ni Samantha," manghang sabi ni Lucas at tumingin siya sa akin. "Samantha, kapag kailangan mo ng assistant, i-hire mo ako ha."

Pinunasan ko ang kamay ko at umalis na ako sa lababo nang matapos akong maghugas ng mga pinggan. "Sinasabi ko sa'yo, hindi mo na ako maaalala paggising mo kaya malabo na maging close tayo pagkatapos ng kasong ito."

"Ang nega mo naman, Samantha," sabi niya sa akin. "Pero matutulog kami sa kuwarto mo ngayon ha."

Tumango na lang ako sa kanya at inanyayahan ko siya na sundan ako sa kuwarto ko. Nang papasukin ko sila, walang hiya si Lucas na lumibot at tinignan ang mga gamit ko.

"Wow! may sofa ka pala rito sa kuwarto mo." Pagkatapos ay natuon ang pansin niya sa mga bookshelf ko. "Andami mo na palang nabasang libro, Samantha. Halos lahat ata ng libro sa bookstore nabili mo na."

"Hindi pa. May mga libro pa ako na hindi nabibili," saad ko habang inaayos ko ang higaan ko. "Diyan ka sa may sofa matulog."

Tumango lang si Lucas. Nagpunta siya sa may sofa at dinaldalan na naman niya ako. "Anong libro ang kasalukuyan mong binabasa ngayon?"

"Mga libro ni Rick Riordan," sabi ko kahit na feeling ko ay hindi niya kilala ang author na 'yon.

"Ano sa mga libro niya ang binabasa mo?"

Kumunot ang noo ko sa kanya. "Yung Kane Chronicles. Teka, mahilig ka rin ba magbasa ng libro?"

"Oo naman!" proud niyang sabi. Umirap naman si tito Atanacio sa kanya at hindi na nagsalita. "Doon pa lang ako sa pang-apat na libro ng Percy Jackson series."

"Hindi halata sa mukha mo na nagbabasa ka ng libro," komento ko.

Mahina lang siyang natawa. "Recently lang naman ako nahilig magbasa ng libro."

"Kailan ka nag-umpisa na magbasa ng libro?" tanong ko.

"Ha? Ah, nung end of school year nung Grade 9 ako." Nakita ko ang matamis niyang ngiti, na para bang may naalala siyang isang magandang pangyayari. "Kapag naibalik na ako sa katawan ko, Samantha, mag-usap tayo sa library tungkol sa mga libro na gusto nating basahin."

"Kapag naalala mo ako, sige," sabi ko at humiga na ako.

Napangiti ako, hindi ko alam na mahilig din pala siyang magbasa ng libro. Hindi kasi halata sa kanya, akala ko siya yung tipo ng tao na mas mahilig sa mga outdoor activities.

Kung maaalala niya ako, hahayaan ko siyang daldalan ako tungkol sa libro na binabasa niya. At ayos lang sa akin kahit maghapon ay tungkol sa mga libro ang pinag-uusapan namin ni Lucas.

Sana nga ay maalala niya ako kapag naibalik na siya sa katawan niya.

The Third Eye Society ClubWhere stories live. Discover now