Case #1: The Curious Case of Lucas Santiago

25 4 12
                                    

Napabalikwas ako ng bangon at malakas akong napasinghap nang maramdaman kong parang may kakaibang pwersa na humila sa akin.

Hindi pa ako tuluyang nakaka-recover nang marinig ko ang boses ni mama na tila ba ay may kinakausap na ibang tao.

Doon ko napagtanto na nasa isang kuwarto ako na madilim. Nang malingon ako sa kanan ay nakita ko si mama sa may pintuan ng kuwarto, at may kausap siyang estranghero.

"Isang linggo na ang nakalipas, ngunit bakit hindi pa rin siya nagigising?" Puno ng pagkabalisa ang kanyang boses kung kaya't nag-alala ako.

Umalis ako sa hinihigaan ko at lumapit ako kay mama. "Ma, wag ka na malungkot, gising na po ako."

Pero hindi niya ako pinansin, isang bagay na siyang nagpataka sa akin.

Nagsalita ang kausap ni mama, na para bang wala ako sa tabi nila. "Misis, ginagawa po namin ang lahat para magising ang anak n'yo. Pero masiyadong malakas ang pagkakauntog niya mula sa aksidente, kaya ang pinaka-mainam na magagawa natin ay ang maghintay sa kanyang paggising."

Pilit akong tumawa para isipin na nagbibiro ang doktor. "Anong pinagsasasabi n'yo? Nandito ako, gising ako, nasa likod ninyo ako!"

Tumaas na ang aking boses ngunit wala pa rin akong nakuhang atensyon. Tumalikod lamang si mama sa doktor at pumasok na siya sa kuwarto.

Lumingon ako sa direksyon na pinuntahan ni mama, at halos matanim ang aking mga paa sa sahig. Nabalot ako ng kaba at hilakbot nang makita ko ang aking sarili na nakahiga sa isang kama, punong-puno ng aparato sa paligid, at may tubo sa bibig.

"H-Hindi." Napaatras ako habang umiiling. "Imposible ang ganito. Sa palabas lang nangyayari ang mga 'to!"

Mabilis akong lumapit sa katawan ko at idinikit ko ang sarili ko rito para makabalik ako, ngunit biglaan akong nakaramdam ng pwersa na nagtulak sa akin palayo.

Batid ko ang pagtama ng aking likod sa pader. At kahit kakaibang pangyayari iyon ay hindi ko na pinansin dahil nakatuon lang ang pansin ko sa katawan ko.

"Lucas, gumising ka na," sabi ni mama na lumuluha. "Hinihintay ka namin, kaya please, gumising ka na, anak."

Humagulgol nang malakas si mama sa katawan ko. Subalit kasabay ng kanyang pag-iyak ay ang biglaang pagtawa na aking narinig.

Hindi galing kay mama ang pagtawa dahil umiiyak pa rin siya. Pero napansin ko ang isang malaking anino sa ilalim ng hospital bed.

Sobra ang pagkaitim ng anino, at alam kong hindi gawa ng kama ko 'yon.

Hindi ako makagalaw sa kinaroroonan ko habang naririnig ko na palakas nang palakas ang pagtawa na aking naririnig. Tawa ito ng isang matanda, at nakakakilabot kung mapapakinggan ng ibang tao.

Napansin ko ang unti-unting paggalaw ng anino, at nakita ko ang paglapit nito sa akin.

Sinubukan kong tumakbo palayo, ngunit napako ako sa pwesto ko, hanggang sa bumangon ang anino at humarap sa akin.

Nagmistulan itong imahe ng isang babae na nakasuot ng itim na dress at itim na belo. Hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawa at natabunan niya ang tunog ng iyak ni mama.

Hindi ko alam kung anong klaseng nilalang ito, pero shit lang, sobrang natatakot ako!

"S-Sino ka?" Lakas-loob kong tanong rito. Tumigil lang siya sa pagtawa at bigla akong sinakal.

Kinapos ako ng hininga sa kanyang ginawa at nagpumilit akong magpumiglas ngunit mas malakas sa akin ang nilalang na ito.

Putek, sinong nasabi na manakot lang ang alam gawin ng isang black lady?

Mamamatay na ako sa ginagawa niya!

"Anak ng araw," sambit nito sa akin sa mabababg boses. "Akin ang iyong kaluluwa!"

Hindi na ako nakapagsalita pa dahil bigla na lang akong nabitawan ng black lady at nahila palayo sa kanya. Nakita ko pa ang galit nitong mukha bago nagliwanag ang lahat.

P*tang*na, anong nangyayari?

The Third Eye Society ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon