Kabanata 32

Depuis le début
                                    

Binigyan ko ng pilit na ngiti dahil sa hiya si Agustin at kaagad na yumukod kahit na nahuli na ako.

Nagmistulang haleya ang aking mga binti at nanginig. Mukhang wala na itong mga buto dahil sa kabang aking naramdaman.

Umabante na ang bawat pares upang salubungin ang isa't-isa kung kaya naman ay nakigaya na rin ako. Upang mawala ang kahihiyan ay naroon pa rin ang aking mga ngiti.

Hindi bale na at matisod o magkamali basta't maganda at may poise pa rin ako.

Nagkalapit na kami ni Agustin na ilang sentemetro na lamang ang pagitan naming dalawa. Mukhang wala siyang kaalam-alam na hindi pala ako marunong sumayaw at sobra na ang aking kaba rito dahil nakangiti at patuloy lamang ito habang nakatingin sa akin.

Napailing na lamang ako saka ginagaya at sinusundan ko siya at minsa'y sumusulyap sa mga katabi nang sa gayon ay makasayaw man lamang ako ng medyo maayos.

Magkatabi at nakaharap kami sa kasalungat na direksiyon pagkuwa'y magkasabay naming itinaas ang kanang kamay at pinagtagpo ang bawat pulsuhan habang ang mga katawan ay sumasabay sa malumanay ngunit may kasiglahang ritmo ng musika.

Ganoon rin ang ginawa sa kabilang mga kamay at ang mga paa'y humahakbang paatras at paabante nang nagpalit na naman kami ng puwesto.

Dalawang beses ding inulit iyon at maya-maya pa ay magkaharap na kami sa isa't-isa. Kasabay niyon ang paghawak niya sa aking kaliwang palad at ang kaniyang kabilang kamay ay sa aking beywang. Inilagay ko rin naman ang aking kanang kamay sa kaniyang balikat.

Ilang sandali kaming mistulang lumulutang sa ere at dumuduyan. Nakangiti lamang kami sa isa't-isa at dinadama ang sayaw.

Aatras. Aabante. Bitaw ang isang kamay at lalayo. Ikot pabalik sa kaniya at haharap sa iisang direksiyon. Atras. Abante. Gilid. Ikot sa kinatatayuan. Bitaw. Balik sa kaniya. Hawak sa balikat. Atras. Abante. Gilid. Atras. Abante.

Inuulit-ulit na bulong at pagsaulo ng aking isipan sa bawat susunod na hakbang ng sayaw. Lihim na lamang akong napangiti nang animo'y natanggalan ng tinik ang aking dibdib nang kahit papaano ay medyo alam ko na ang sayaw.

"Hindi mo ba talaga ako hinihintay man lamang, Binibini?"

Kaagad na nagdugtong ang aking mga kilay nang marinig ko ang kaniyang tanong. Natawa rin ako't iniiling ang aking ulo.

Hindi pa talaga siya nakakalimot sa paksang iyan?

Nakangisi siya na parang nagbibiro ngunit seryoso ang kaniyang boses. Kaya't napailing nalang ako at tumitig sa kaniya.

"Alam mo, bilang kaibigan kasi minsan iniisip din natin ang kanilang kalagayan. Kaya, medyo nag-alala rin kaya ako sa iyo baka kung ano na ang nangyari sa iyo sa iyong lakad," tugon ko.

Kahit pa man ako ay hindi pa tapos sa pagsasalita ay mas lalo pa siyang napangiti dahil sa kaniyang narinig. Mukha itong engot.

"Iyan nga ang aking iniisip eh. Mabuti na lamang at may kaibigan akong katulad mo, Binibini," aniya sa pagitan ng patuloy naming pagsasayaw.

"Martina," pagtatama ko.

Isang kilay niya ang napaangat at bahagyang nawala ang kaniyang ngiti, indikasyong hindi niya naunawaan ang aking nais na sabihin.

"Ang sabi ko, Martina na lamang ang itawag mo sa akin. Magkaibigan na naman tayo, hindi ba?" pag-uulit ko.

Napanguso siya pakaliwa at napatingin sa malayo, "Ngunit, ang pagtawag ko sa iyon ng binibini ay isang paggalang. Iyong ang nararapat, Binibini," katwiran niya pa at mas diniinan pa ang salitang iyon at bumalik ang tingin sa akin.

Sa Taong 1890Où les histoires vivent. Découvrez maintenant