Ang aming mga mata.

Kahit ilang metro ang layo namin sa isa’t-isa at mayroong mga panauhing bahagyang nakatabon sa pagitan naming dalawa ay hindi naging hadlang iyon upang manatili ang aming mga titig sa isa’t-isa.

Ang aking puso, bagama’t malakas ang tugtog ng orkestra, mga tawanan, at usapan ng mga tao sa paligid ay naririnig ko ang mistulang pagtatambol nito sa loob. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ito ay parang sumali sa isang paligsahan ng karera sa bilis ng tibok nito.

Ano ang dahilan nitong aking nararamdaman? Nakainom ba ako ng maraming kape kanina?

Nanatiling nakatitig lamang ang kaniyang mga mata sa akin. Tila ba’y hindi natitinag sa mga sinasabi ng ibang mga panauhin sa kaniyang paligid. Tila mayroong nais na sabihin ang kaniyang mga mata at mayroong hinahangad na ipahiwatig ang kaniyang mga titig.

Hindi maaari. Ano naman ang kaniyang sasabihin sa iyo? Nawawala na ang iyong katinuan, Chestinell.

Kaagad akong napailing at mabilis na nag-iwas ng tingin. Itinuon ko nalang iyon sa labas ng bintana at pilit na tinatanggal ang mga bara sa aking dibdib. Inalis ko ang lahat ng mga iniisip ko at kinakalma ang aking nagngangalit na puso dahil sa kaba.

“Inyong pagmasdan, tila ba’y mapupunit na ang mukha ni Binibining Clara ngayon,” rinig kong komento ni Carolino ilang sandali pa.

Napairap naman ako sa narinig. Pakialam ko?

Pinansingkitan ko ng tingin at tila ba’y masasaksak na sila buhat nito dahil inihilig ko ang aking ulo sa kanilang banda at pinagmasdan ang kanilang grupo.

Nakangiti na nga nang malapad si Clara dahil nasa kaniyang gilid na ang kaniyang pinakamamahal na kasintahan. Kasama nila ang kani-kanilang pamilya na masayang nakikipag-usap sa isa’t-isa.

Maya-maya pa ay naglakad na paalis ang Don at Donya Varteliego papunta sa mesa na kung saan naroon ang mga kilalang personalidad sa bayan. Tumalikod na rin ang magkakapatid na Varteliego at napalingon sa gawi namin na tila ba’y alam na alam kung saan na kami nakapuwesto kahit maraming bisita ang naririto. Ngunit, naiwan si Joaquin kasama ang pamilya ni Clara.

Naglakad na papalapit ang tatlong magkakapatid na panay pa ang ngiti kina kuya. Tumayo naman  ang apat at kaagad na binati, nakipagkamay at niyakap ang mga bagong dating.

Sabay naman kaming tumayo ni Ate Guada at nakangiting bumaling sa kanila. At bilang paggalang at respeto ay hinalikan nila ang likod ng palad ni Ate Guada. Napangiwi tuloy ako dahil  sa kanilang mga ngusong nagkahalikan na roon.

Napabaling naman sila sa akin hudyat na ako naman ang babatiin nila. Mabilis akong napailing at itinaas na lamang ang aking palad. Nu-uhh.

“Huwag na iyon, apir na lamang,” ani ko na ikinahila ng kanilang mga kilay pataas ay napatingin sa akin na para bang dalawa na ang aking ulo.

“Ang sabi ko mag-apir nalang tayo. O kaya mag batian na lamang tayo ng walang halikan sa likod ng palad,” paliwanag ko.

Natawa naman sila at nagsipagtanguan.

“Kung ganoon, magandang gabi na lamang sa iyon, Binibining Martina,” paunang bati ni Kuya Luis. Sumunod naman kaagad sina Leon at Gabriel na lahat ay nginitian ko pabalik at binati.

“Binibini? Ano ba kayo? Masyado pa rin kayong pormal. Martina na lamang,” wika ko saka umupo pagkatapos.

Sumunod naman kaagad sila ng upo. Magkatabi pa rin ang magkasintahan, at kasunod ni Kuya si Carolino, Leon, Marco, Kuya Luis, Gabriel, Kuya Lucio at ako. May dalawang bakante pang upuan, sa pagitan ni Kuya Lucio at Gabriel, at sa kabilang dulo ng mesa sa tabi ni Carolino.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon