18 Letters

0 0 0
                                    

01

Parang kahapon lang noong una kitang nakita. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noon. Masiyado pa tayong bata para maisip kong pagmamahal na agad iyon. Hindi pa uso sa isipan ko ang salitang pag-ibig. Siguro ay nabighani lang ako sa kakaiba mong ganda na tumutunaw sa aking puso.

Sa bawat panahon na makikita kita noon ay parang may kakaibang pwersa na nagpapagaan sa pakiramdam ko. Masaya ako na masilayan kahit sa kaunting pagkakataon lang ang mukha mo. Masaya ako na malaman na iisa lang ang mundong ginagalawan natin.

Nauna kong nakilala ang nakatatanda mong kapatid bago kita makilala. Hindi sumagi sa isipan ko noon na magkikita tayo, na magugustuhan kita. Sa bata kong isip ay pawang mga paglilibang lang ang umiikot. Mas importante pa ang paglalaro sa akin kumpara sa pag-iisip kung may tao ba akong mamahalin.

Sa mga hindi inaasahang pagkakataon siguro nagkakaroon ng kabuluhan ang ilang mga bagay. Gaya ng kung paano nagkaroon ng kabuluhan ang pagkakilala ko sa nakatatanda mong kapatid ganoon din nagkaroon ng kabuluhan ang mga araw na nagpapalipas ako ng oras sa computer shop para kahit sa maikling panahon lang ay masilayan ko ang iyong mukha. Iniisip ko tuloy kung noong mga panahon ba na iyon ay napapansin mo rin kaya ang presensiya ko. May mga pagkakataon kaya na sa tuwing magkakatagpo tayo sa computer shop ay nakikita at namumukhaan mo ako? Iyon ang hiling ko noon na alam kong natupad.

02

Alam kong kilala mo na ako bago pa man magkaroon ng koneksiyon ang mga pamilya natin. Naging kaibigan ko na ang nakatatanda mong kapatid bago pa man ako pormal na nakapagpakilala sa iyo. Nagkataon lang din siguro na nagkaroon ng koneksiyon ang mga pamilya natin na naging dahilan para kahit papaano ay maging malapit ako sa iyo.

Hindi nagtagal, nang sa tingin ko ay napansin ng mga kapatid ko na may kaunti akong pagtingin sa iyo, ay madalas na nila akong asarin at ilapit pa lalo sa iyo. Noong mga panahon na iyon ay nagsisimula pa lang akong magbinata. Hindi pa rin ako sigurado sa kung ano ba talaga ang nararamdaman ko para sa iyo. Takot din akong aminin sa iyo na mayroon akong kaunting pagtingin sa iyo dahil halata naman sa mga kilos mo na hindi ka interesado sa akin.

Naalala mo ba noong mga panahon na sinubukan kong manghiram ng libro sa iyo? Kinakabahan pa ako noon. Hindi ko pa alam kung paano ako magsasalita para lang ipaalam sa iyo na kailangan kong manghiram ng libro. Imbis na ako ang pumunta upang manghiram sa iyo ng libro ay ipinaabot ko na lang ang sulat sa isa sa iyong kakilala. Natawa ako nang gabi na ibibigay mo sa akin ang libro. Pagbukas ko pa lang ng cover ay nakita ko agad ang sulat na sagot mo sa sulat ko sa iyo. Maikli ang mensahe pero naging dahilan ito ng bahagyang kilig. Hindi ko inaasahan na makatatanggap ako ng sulat mula sa iyo. Sinubukan ko pa itong itago sa maikling panahon ngunit naiwala ko rin ito.

P.S. Tama ba yung pagkakaalala ko? Medyo malabo na sa alaala ko yung mga nangyari pero alam kong naaalala mo iyon.

03

Tumagal ang mga panahon. Madalas tayong nagkikita. Medyo dumadalas ang pagkikita ng mga pamilya natin pero bihira pa rin tayong mag-usap. Hindi ko alam kung nahahalata mo ba na may gusto ako sa iyo o wala kang pake kung magkaroon man ako ng gusto sa iyo.

Nagkaroon na ako ng bahagyang kasiguruhan na nahuhulog na ako sa iyo. Hindi ko alam kung dahil lang ba sa madalas kitang makita, dahil lang ba sa pang-aasar sa akin ng mga kapatid ko o talagang nahuhulog na ako sa iyo. Hindi na siguro iyon mahalaga. Gusto ko lang iparating sa iyo noon na may isang tao na nakatingin sa iyo, na may pakialam sa iyo kaya may mga bagay akong ginawa upang mapalapit pa sa iyo.

Gumawa ako ng kwintas para ibigay sa iyo. Gamit ang isang nylon at beads na pagmamay-ari ng ate ko ay gumawa ako ng kwintas na sa tingin ko ay magugustuhan mo. Kahit hindi ako gaanong marunong ay pinilit kong makabuo ng isang kwintas para lamang ibigay sa iyo. Hindi ko alam kung magugustuhan mo ang kwintas na iyon pero natuwa ako nang tanggapin mo iyon. Kahit papaano ay para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan nang kunin mo iyon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 11, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

TresWhere stories live. Discover now