The Wishing Stone

4 0 0
                                    

May isang kwentong kumakalat sa buong campus na may isang bato sa gilid ng bundok na gumagawa ng milagro. Ang tawag sa bato na ito ay wishing stone kung saan maaaring humiling ang kahit sinong tao ng bagay na inaasam nila, ngunit ano man ang hihilingin mo sa bato ay kabaliktaran nito ang matutupad. Pinag-uusapan ito ngayon sa buong campus ng mga kaklase at schoolmates ko. Hindi naman ako ganoon kainteresado sa kwento dahil hindi naman ako mahilig sa mga milagro na iyan at malamang ay hindi totoo ang kumakalat na kwentong ito. Hindi naman ako panatiko ng mga supernatural events o kung ano mang tawag doon.
"Clinton! Sumama ka sa amin sa linggo", sabik na sabik ang kaibigan kong si Dina habang papalapit sa akin hawak-hawak ang isang magazine.
"Saan naman tayo pupunta?", makikita sa mukha ko na hindi ako interesado sa kung ano mang binabalak nilang puntahan. Halos lahat naman ng pinuntahan naming lugar ay sumama lang ako kahit labag sa loob ko. Wala naman kasi akong mapapala kung tatanggi ako sa mga ito, lalo lang nila akong bubuwisitin at ipipilit nilang kailangan kong sumama.
"Dito oh!", pinakita niya sa akin ang picture ng isang bato na nasa gilid ng bangin. Sa hitsura nito wala namang gaanong kakaiba bukod sa mukha itong sinadyang ilagay doon at hindi basta tumubo langsabagay hindi naman talaga natubo ang bato.
"Sa wishing stone. Usap-usapan ito ngayon sa buong campus. Tara Clint subukan nating pumunta", sumingit sa gilid ni Dina si Gab na katabi ni Hazel. "Tayong apat nila Dina at Hazel ang pupunta."
"May magagawa ba ako? Basta sagot niyo pamasahe ko ha?"
"Walang pamasahe kasi sasama si kuya kaya yung kotse niya yung gagamitin natin", sabik na sabi ni Dina.
"Ang bilis namang pumayag ni kuya Billy."
"Matitiis niya ba ang maganda niyang kapatid?"
"Wala naman siyang magandang kapatid ha", pagkatapos kong sabihin iyon ay inupakan ako ng hampas ni Dina. Tumunog kasunod noon ang bell hudyat na mag-uumpisa na ang klase. Wala namang masyadong nangyaring kakaibang bagay noong araw na iyon. Gaya ng normal na araw ay magkakasama kaming lima hanggang matapos ang klase pati na rin sa pag-uwi. Natatapos lang sa ganoon palagi ang araw namin.

Dumating ang araw ng linggo, nagising ako ng maaga kumpara sa ibang linggo na dumating. Sino ba namang hindi magigising ng maaga kung pinuntahan ka agad ng mga kaibigan mo dahil excited sila sa pupuntahan namin ngayong araw, hindi naman ganoon kalayo mula sa lugar namin ang nasabing wishing stone, mahigit isang oras lang ang byahe mula sa bahay pero siniguro nilang sasama ako kaya sinadya na nila ako sa bahay para gisingin at siguruhing sasama ako ano man ang mangyari.
Mabilis kong ginayak ang sarili ko at naghanda ng mga bagay ba dadalhin ko para sa trip na ito. Dito na sa bahay nag-agahan ang apatkasama na si Kuya Billy, habang hinihintay nilang matapos akong mag-ayos ng sarili ko. Sa aming anim na pupunta sa wishing stone na iyon ay ako lang yata ang walang balak na humiling ng kahit na anong bagay. Bukod sa hindi ako interesado ay wala namang masyadong issue sa buhay ko na kailangan kong ihiling sa kahit anong bagaykuntento na lang rin siguro ako sa kung anong meron ako ngayon. Sigurado rin naman akong hindi tutuparin ng batong iyon ang kahit anong bagay na hihilingin mo. Ano nga namang magagawa ng isang bato para matupad ang hiling ng isang buhay na nilalang?
Natapos ako sa paggagayak, wala akong masyadong dala bukod sa cellphone at sarili ko. Nagdala na rin ako ng isang maliit na bag na naglalaman ng pamalit na damit, pocket money, bimpo, alcohol at isang payong para in case na umulan ay may magagamit ako. Hindi ko na ginaya sina Dina at Gab na mukhang magha-hiking sa laki ng bag na dala, balak yata nilang manirahan sa tabi ng wishing stone sa dami ng laman ng bag na bitbit nila. Kung titingnan mo ang dala nilang bag at susubukang buhatin masasabi mo sigurong nasa loob ng bag na iyon ang bahay nila. Mabuti na lang at nasa matino pa akong pag-iisip para iwasang magdala ng ganoon karaming bagay. Hindi naman lahat ng laman noon kailangan.
"Tagal mo namang magbihis, pre. Mas mabilis pa yatang maligo sa'yo itong si Dina. Daig mo pa ang babae sa tagal mong maligo", pabirong sabi sa akin ni Gab.
"Si Dina? Hindi kasi naghihilod yan kaya mabilis yan maligo."
"Hoy ang kapal mo ha. Hindi ako naghihilod kasi wala naman akong libag."
"Kita mo na umamin ding hindi siya naghihilod."
"Lah. Ang kapal talaga ng mukha nito. Singkapal ng libag niya."
"Wala na kong libag. Hinilod ko na."
"Aguy, hindi pala naghihilod si Dina e. Kaya pala ang gaspang ng balat", panggagatong ni Gab sa pang-aasar ko.
"Sige magtulong kayong dalawa."
"Hoy kayong dalawa, nakalimutan niyo yatang nandito ako", paninindak na sabi ni Kuya Billy pero alam naming biro lang din iyon kaya sabay kaming tumawa ni Gab. "Alam kong hindi naghihilod itong si Dina pero wag niyo namang ipamukha sa kanya", lalong lumakas ang tawa namin nang sumali sa pang-aasar si Kuya Billy kay Dina.
"Si kuya nakisali na naman. Kainis talaga."
"Oh tama na yan, tara na. Nandito naman na yung hinihintay natin e", yaya ni Kuya Billy sa aming lahat. Agad naman kaming nagsunuran papuntang Van. Kanya-kanya rin kaming pili ng puwesto sa loob. Naupo ako sa pinakalikuran sa tabi ng bintana kung saan ako lang mag-isa ang naroon.
Naging matahimik ang umpisa ng biyahe namin, marahil ay wala pang gustong magsalita o walang mai-topic ang isa sa amin. Nakatulala lang ako sa labas ng bintana habang nakain ng almusal ko, medyo lutang pa ako. Medyo natutuwa ako sa tuwing tinatanaw ko ang mga lugar na nilalakad ko araw-araw sa labas ng sasakyan. Nakakatuwang isipin na ang daan na inaabot ng kalahating oras ko kung lakarin ay mabilis na dinadaanan ng sasakyan kung nasaan ako naroon ngayon. Nabasag ang katahimikan nang magsalita si Hazel.
"Ano bang balak niyong hilingin?", hindi ko alam kung tama ba na tinanong niya kung ano ang hihilingin ng bawat isa sa amin, hindi rin ako sigurado kung may isa mang may lakas ng loob para sumagot o sasagot kaya sila ng totoo sa nasabing tanong. "Ako kasi gusto kong hilingin na sana maging sikat akong singer in the near future", alam kong totoo ang sinabi niya na hiling niya. Mula pa noon ay gusto na niyang maging professional singer at hindi naman maitatanggi ang kagandahan ng boses niya. Hinintay kong sumagot ang iba, nabalot na rin ako ng curiosity sa kung ano bang hihilingin ng iba pa naming kasama.
"So, kabaliktaran yung hihilingin mo? Kasi di ba yung kabaliktaran lang ng hiling mo yung tinutupad ng wishing stone?", napailing ako sa pagpapaalala ni Dina sa bagay na iyon. Hindi namang kailangan na ipaalala pa iyon dahil alam kong alam naman ng bawat isa sa loob ng van ang bagay na iyon. Ngayon dahil pinaalala niya iyon ay nawala ang magandang mood na binigay ni Hazel sa pagsasabi nito ng huling niya.
"Oo nga pala paano niyo ba nalaman na yung kabaliktaran lang ng hiling yung tinutupad ng wishing stone?", tanong ni Gab. Isang magandang paraan para isalba ang magaan na atmosphere na sinira ni Dina.
"Sabi kasi sa akin, yung unang humiling doon ay humiling na sana h'wag na niyang makita yung babaeng nanloko sa kanya pero kabaliktaran yung nangyari. Imbis na hindi na niya makita yung babae ay naging katrabaho at kapitbahay niya pa kaya lagi niyang nakikita yung babae na kasama yung pinalit sa kanya, ang worst pa lagi niyang nakikitang masaya yung babae sa iba", paliwanag ni Dina. Hindi ko alam kung bakit pero wala akong naramdaman sa kuwentong iyon, para sa akin ay walang dating at parang simpleng kwento lang. "Pagkatapos noon sinubukan ng iba na humiling ng kabaliktaran ng gusto talaga nilang mangyari at natutupad lahat ng gusto nila. Doon nagsimula na dapat kabaliktaran ng gusto mong mangyari ang hihilingin mo sa wishing stone", dagdag pa nito.
"So, ano nga ang hiling niyo?", ulit ni Hazel sa tanong nang may masayang ngiti.
"Ako gusto kong magkaroon ng maganda at sexy na girlfriend", sabi ni Gab na kumagat pa sa labi.
"Kadiri ka naman."
"Anong kadiri don? Eh yun naman talaga yung hiling ko."
"Ikaw Kuya Billy? Anong hiling mo?", tanong ni Gab na katabi ni Kuya Billy.
"Hihilingin kong maging successful yung inuumpisahan kong business."
"Nako Kuya, hindi mo na kailangang humiling, sa galing mong yan hindi mo ba kayang gawin yon? Kahit wala yang wishing stone magiging successful ka for sure", may pambobola sa salita ni Gab. Normal na sa kanya iyon kaya nga maraming kaibigan ito e. Hindi ko nga alam kung bakit sa amin madalas sumama ito kahit na hindi kami kasing sikat ng iba niyang kaibigan e.
"Para sigurado. Gusto ko lang ring subukan yung wishing stone. Effective daw kasi sabi ng kaibigan ko."
"Ikaw naman Clint. Anong hihilingin mo?", tanong sa akin ni Dina sabay lingon sa direksyon ko.
"Hindi ko rin alam e. Siguro hihilingin ko na lang na magkaroon ako ng superpower."
"Pwede ba yon? Parang ang imposible naman."
"Alam mo kung totoo yang wishing stone na yan matutupad yung hiling ko kahit na imposible pa."
"May point", pagsang-ayon sa akin ni Hazel.
"Effective naman daw sabi ng kaibigan ko", singit ni Kuya Billy sa sinabi ko. "Yung kaibigan ko kasi humiling na sana gumaling siya sa skateboarding. Gumaling naman siya ang kaso masyadong yumabang kaya ayun nadisgrasya. Kahapon lang."
"Yun lang", dismayadong sagot ko sa sinabi ni Kuya Billy.
Naging tahimik ulit ang byahe pagkatapos noon. Hindi ulit nagsalita ang bawat isa sa amin. Marahil ay naging awkward ang lahat nang marinig ang kwento ni Kuya Billy. Bumalik na lang ako sa pagdungaw sa bintana habang iniisip kung ano ba talaga ang gusto kong hilingin pero wala talaga akong maisip. Wala ba talaga akong gustong hilingin o ayaw ko lang aminin sa sarili ko na may kulang sa akin at may gusto pa akong makamit bukod sa mga bagay na mayroon na ako ngayon. Sinandal ko ang ulo ko sa salamin ng bintana at ipinikit ko ang mata ko para sana bumawi ng kahit kaunting idlip pero hindi ako makaidlip sa pag-iisip ng maaari kong hilingin.
"Kuya Billy, wait lang. Stopover muna tayo dito", nagulat kaming lahat nang biglang magsalita si Dina. Pinatigil niya ang sasakyan sa isang gift shop kung saan nagbebenta sila ng mga souvenir na may kinalaman sa wishing stone.
Bumaba kaming lahat para tumingin sa loob ng souvenir shop. Maraming mga bagay na pwedeng mabili na may kinalaman sa wishing stone ang itinitinda sa lugar na ito. Mula sa maliliit na bagay hanggang sa pinakamalaki ay may kinalaman sa wishing stone. Pumukaw sa pansin ko ang isang key chain na naka-frame at mukhang mahal ang presyo. Hinipo ko ang frame dahilan para may maramdaman akong malamig na hangin na nagpatayo ng balahibo ko. Lumingon ako sa paligid saka ko muling sinuri ang key chain na naka-frame at kinilatis ko ito. Parang normal na piraso ng bato lang naman na tinusukan ng alambre para maging key chain.
Muli kong nilibot ang paningin para maghanap pa ng bagay na magugustuhan ko. Gusto ko sanang bumili ng bracelet pero ayaw kong bumili ng kahit anong may kinalaman sa wishing stone dahil hindi talaga ako kumbinsido na totoong tumutupad ito ng kahilingan. Wala akong nakitang interesanteng bagay bukod sa naka-frame na key chain kaya lumabas na lang ako. Dito ko na lang sila hihintayin sa van habang namimili sila ng souvenir sa loob. Hindi ko pa rin alam kung anong hihilingin ko. Hanggang ngayon pinag-iisipan ko pa rin iyon habang nakasandal ako sa van at minamasdan ang nga nagdaraang mga tao at sasakyan.
Natapos ang halos kalahating oras kong paghihintay nang sabay-sabay lumabas sa gift shop ang apat dala ang dalawang plastic bag kung saan nakalagay ang mga pinamili nila sa loob. Makikita sa hitsura ng mga mukha nila ang saya dahil sa mga pinamili nilang mga bagay. Wala naman akong nakikitang espesyal sa mga iyon. Bukod sa mga drawing ng wishing stone na naka-imprenta dito ay wala nang kakaiba sa mga iyon. Mabilis nilang narating ang kinaroroonan ko at ng van.
"Clint, para sa'yo", ibinigay sa akin ni Dina ang isang bracelet na may kakaibang hitsura. Hindi ito gaya ng ibang mga item na makikita mo sa loob ng gift shop, wala itong design ng wishing stone, gawa sa kahoy na beads ang bracelet na may nakaukit na mga simbolo sa bawat piraso ng beads. Sinuot ko agad ito dahil wala naman akong nakikitang dahilan para tanggihan ko ito.
"Salamat."
Muli kaming sumakay sa van at pumwesto sa kanya-kanyang naming pwesto kanina. Muli kong isinandal ang ulo ko sa salamin ng bintana at tumingin sa labas ng sasakyan para tingnan ang tanawin sa bawat dadaanan namin. Mas mabagal ng kaunti ang takbo ngayon ng sinasakyan namin kumpara kanina. Dahil siguro sa basang kalsada. Umulan ba rito kagabi? Bakit dito lang ang basa?
Dumaan na ang sasakyan namin sa medyo liblib na bahagi kung saan puro puno at bato na lang ang makikita mo sa labas ng sasakyan. Sa tingin ko ay nasa eksaktong paanan na kami ng bundok. Bukod sa wala nang establisimyento ang makikita mo sa lugar ay halos matakpan na ng mga puno ang sidewalk at puro mga dahon at tangkay na ang nasa kalsada. Kung titingnan ay medyo nakakakilabot nga sa lugar na ito, kaya siguro nabuo yung kwento tungkol sa wishing stone ay dahil mukhang pinamumugaran nga ng mga elemento o lamang lupa ang bundok kung saan matatagpuan ang wishing stone.
"Babagalan ko pa yung takbo ha? Pataas na yung kalsada e", sambit ni Kuya Billy sa amin habang binabagalan ang takbo ng sasakyan.
"Bakit Kuya? Excited na ako e", tanong ni Dina sabay inilapit ang mukha sa balikat ng Kuya niya.
"Basa yung daan tapos pataas pa. Gusto mo madisgrasya tayo kapag nagkataon?", sagot ni Gab sa tanong ni Dina.
"Ano ba naman yan."
"Okay lang. Siguro ten minutes nandoon na tayo."
Umiral na naman ang pagka-brat nitong si Dina, gusto siya lagi ang masusunod. Wala naman siyang magagawa kung kailangan naming bagalan, para rin naman sa kaligtasan namin iyon. Wala rin naman akong pake kung matagalan kami sa pagpunta roon, wala rin naman akong hihilingin e. Habang nagpapatuloy kami sa biyahe ay mas lalong tumatarik ang kalsada kaya kinailangang ibalik ni Kuya Billy ang takbo ng sasakyan kaninamas mabilis kaysa sa takbo namin ngayon.
"Malapit na tayo. Pagkaliko doon, kaunting takbo pa nandoon na iyon", saad ni Kuya Billy.
"Yes! At last!"
Natatanaw na namin ang lilikuan namin. Malapit na kami sa sasadyain naming lugar. Nang marating ng sinasakyan namin ang palikong bahagi ng kalsada ay nagulat kami sa kasalubong naming sasakyan. Dala ng gulat ay nawalan ng kontrol si Kuya Billy sa manibela kaya gumewang ang sinasakyan namin. Dala ng bilis ng sasakyan namin pati na rin ng madulas na kalsada ay umikot ang van at tumama sa barikada sa gilid ng bangin. Hindi ko na nasundan ang mga nangyari hanggang sa namalayan ko na lang na gumugulong na ang sasakyan. Nakita ko na lang sina Dina at Hazel habang umiikot ang mga katawan nila sa loob ng van. Nakailang beses ding gumulong ang sasakyan nang biglang tumama ang ulo ko sa isang upuan dahilan para mawalan ako ng malay.
Minulat ko ang mata ko kasabay ng pag-inda ko sa sakit ng ulo ko. Alam kong ilang beses tumama ang ulo ko sa iba't ibang bahagi ng sasakyan. Hindi lang ang ulo ko ang masakit kundi pati na rin ang ibang bahagi ng katawan ko dahilan para hindi ako agad makagalaw sa pwesto ko. Bukod sa pagsakit ng ulo ay hindi ko rin maimulat ng todo ang mata ko, may mga bahagi pa sa paningin ko na mapula kaya kinapa ko ang noo ko para tingnan kung gaano karaming dugo ang natulo mula sa noo ko. Hindi ganoon karami pero sapat na ito oara matabunan ang paningin ko kaya agad ko itong pinunasan.
Naalala ko ang iba kong kasama sa tumaob na sasakyan kaya kahit hirap ay pinilit kong tumayo sa kinaroroonan ko. Habang hatak-hatak ang isang binti ay naglakad ako papunta sa nakataob na sasakyan upang puntahan ang iba ko pang mga kasama. Nakarating ako sa sasakyan pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. Natatakot ako. Natatakot ako na tingnan kung ano ang nangyari sa iba ko pang mga kasama. Natatakot akong silipin ang loob ng sasakyan, parang may mabigat sa dibdib ko dahilan para hindi ko maigalaw ang katawan ko. Kahit na nasa harapan ko na lang ang nakataob na sasakyan ay wala akong lakas ng loob para silipin ang loob nito.
Mahigit sampung minuto rin ang lumipas at saka ko lang nahugot ang lakas ng loob ko para sumilip sa loob ng van. Bumungad sa akin ang mukha ni Dina, nakamulat ang mga mata habang may natulong dugo mula sa bibig at mga mata nito. Sa likuran niya ay naroon si Hazel na naiipit sa pagitan ng bubong at ng upuan at pilipit ang mga braso nito na tila durog na ang mga buto.
Hinanap ko kung nasaan sina Kuya Billy at Gab dahil ang dalawang babae lang ang nasa loob ng nakataob na van. Inikot ko ang paningin sa kalsada upang hanapin ang kinaroroonan ng dalawa ko pang kasama hanggang sa napukaw ang paningin ko ng isang tela na nakasabit sa barrier sa gilid ng bangin. Kung hindi ako nagkakamali ay pilas iyon ng damit na suot ni Gab. Sigurado akong kay Gab na damit iyon.
Kahit hirap sa paglalakad ay hinatak ko ang binti ko patungo sa direksyon na iyon. Dumungaw ako sa bangin ngunit wala akong nakita kundi mga piraso ng damit na suot ni Gab at mga putol na sanga mula sa mga puno na nasa bangin. Hindi ko makita ang pinakaibaba ng bangin dahil sa kapal ng puno dito ngunit sigurado akong dito bumagsak ang katawan ng dalawa ko pang kasama. Sumikip lalo ang dibdib ko. Hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ang buong katawan ko sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko ngayon. Halos maghabol na ako ng hininga dahil sa pagkabigla sa mga nangyari.
Uminit ang mukha ko at nanlabo ang aking paningin kasabay nito ay ang unti-unting pagbuhos ng ulan sa buong paligid. Halos wala na akong makita dahil sa ulan dagdag pa ang hamog na unti-unting namumuo sa kalsada.
Napukaw ang atensiyon ko nang makita ko ang wishing stone sa di kalayuan, kahit na hirap maglakad ay naglakad ako patungo rito. Hatak-hatak ang paa ay mabagal akong tumungo sa kinaroroonan ng nasabing bato. Kung titingnan ang pwesto ng bato ay mas angkop isipin na paradahan ito ng mga nasisiraang sasakyan na may harang na bato lang sa gilid sa tabi ng bangin. Sa kabilang bahagi naman nito ay may hagdan na gawa rin sa bato paakyat sa isang bahay na may malaking bakuran. Sa mismong tapat ng bahay na ito nakalagay ang wishing stone kaharap ng bangin. Marahil ang may-ari ng bahay na ito ang nagpasimula ng kwento nang sa gayon ay may pumuntang tao para bumisita sa kanila lalo na't wala namang ibang bahay sa bahaging ito ng bundok.
Napasalampak ako sa lupa sa harapan ng bato. Hindi ko alam kung bakit pero kahit na naulan ay dama ko na uminit lalo ang mukha ko, namalayan ko na lang na humahagulgol na ako at humihikbi ng matindi. Halos isubsob ko na rin ang mukha ko sa lupa, hindi ko na alam ang gagawin. Masyadong mahirap para sa akin na makita ang mga kaibigan ko na mawalan ng buhay.
"Sana hindi na lang kami pumunta dito", putol-putol na sabi ko kasabay ng mga paghikbi.
"Anak, ayos ka lang ba?" narinig ko ang boses ng isang matanda na sa tingin ko ay nakatayo na sa gilid ko. Hindi ko siya nilingon o tiningnan man lang. Nanatiling nakayuko ang ulo ko at nakatingin sa lupa habang minamasdan ang patak ng ulan. "H'wag kang mag-alala parating na ang tulong", hindi na ako nagkaroon ng lakas pa para magsalita bagkus ay nagpatuloy lang ako sa pag-iyak.
Naaninag ko sa gilid ng paningin ko na humarap ang matanda sa wishing stone saka siya nagpakawala ng buntung-hininga.
"Alam mo ba ang kwento ng batong ito?", umiling ako sa tanong niyang iyon. "Matagal na panahon na ang lumipas nang magsumpaan ang dalawang magkasintahan na ang isa't isa lang ang mamahalin nila sa tanang buhay nila. Sa kasamaang palad, namatay ang babae. Dito siya inilibing ng kanyang kasintahan dahil dito sa lugar na ito kung saan makikita ang buong lugar ay dito sila nagsumpaan. Kalaunan nakahanap ng mapapangasawa ang lalaki at katagalan ay namatay rin ang lalaki, pero bago siya pumanaw sinabi niya 'hindi ko man natupad ang pangako ko sa babaeng pinakamamahal ko, gusto kong tuparin ang hiling ng iba kahit nasa kabilang buhay na ako'. Dito rin siya inilibing."
Humina ng bahagya ang pag-iyak ko ngunit lumakas naman ang buhos ng ulan. Nanatiling nakatayo sa gilid ko ang matandang lalaki at nakaharap pa rin siya sa wishing stone habang nakatanaw sa malayo. Hindi ko pa rin sinusubukang tingnan ang hitsura niya dahil gusto ko munang iiyak ang bigat sa loob ko.
"Alam mo bang ganiyan din ang iyak ng unang lalaking humiling sa batong ito?", muling nagsalita ang matanda pahiwatig ng panibagong kwento nito. "Iniwan siya ng babaeng minahal niya ng lubos. Ganiyan din ang iyak niya noon. Ang hiling niya sana hindi na niya makita ang babaeng nanakit sa damdamin niya pero hindi iyon ang nangyari. Naging katrabaho niya ang lalaking ipinalit sa kaniya ng babae, magkapitbahay pa sila dahil ang kompanya ang nagbigay sa kanila ng tirahan. Kaya yung hiling niyang hindi makita ang babaeng nanakit sa damdamin niya ay hindi natupad, bagkus kabaliktaran pa ang nangyari. Dahil doon, nag-umpisa ang paniniwala na kabaliktaran ng gusto mong mangyari ang hihilingin mo dito sa bato."
"Totoo po ba iyon?", nagkaroon ako ng lakas para magtanong ng maiksing tanong.
"Hindi. Kung ano ang laman ng puso mo ay iyon ang tutuparin na hiling ng batong ito. Gaya ng lalaking iyon. Humiling siya na sana ay hindi na niya makita ang babaeng nanakit sa kanya pero sa puso niya ay gusto niya pa itong makita kaya ganoon ang naging kapalaran niya. Pero iba ka, hijo, ang laman ng puso mo ang hiniling mo kaya sa pangalawang pagkakataon tutuparin ko ang hiling mo", nagulat ako sa mga huling salitang sinabi ng matanda kaya napatingin ako sa kanya ngunit bago ko pa man makita ang mukha niya ay bigla na siyang naglaho kasabay ng pag-ihip ng hangin.
Siya ba yung lalaking sumumpa ng pag-ibig sa lugar na ito? Bakit sabi niya pangalawang hiling ko na 'to? Bago ko pa man mahanap sa sarili ko ang sagot ay nawalan na ako ng malay at bumagsak ang katawan ko sa lupang kinaroroonan ko ngayon.

TresWhere stories live. Discover now