Caught

425 20 1
                                    

ANDRUS

HINDI NAGING madali ang bawat araw na lumipas dito sa Elena. Kung mahirap na ang sitwasyon para sa aming mga rescuer, paano pa sa mga victim?

Hindi ko naiintindihan ang pakiramdam na mawalan ng tirahan, ari-arian, at ng mahal sa buhay dahil hindi ko naman 'yon naranasan. Kung nahahabag na ako sa tuwing nakikita silang humahagulgol at nagtatangis para roon, paano pa sila na mismong nakaranas no'n.

Mahirap.

Mahirap makitang ganito ang sitwasyon ng bayan namin. Nakapanlulumo. Makirot sa dibdib. Kapag naririnig ko silang umiiyak, naaalala ko ang dalamhati ng mga taong nakilala ko na nakaranas ng paghihirap sa kamay ng mga rebelde. Ganitong-ganito rin 'yon. Ang pinagkaiba lang, hindi rebelde ang kalaban namin sa digmaang ito. Matinding unos at pagsubok ang sabay-sabay naming haharapin.

"Heto ang listahan ng mga pangalan na hanggang ngayo'y hindi pa rin nakikita sa ilang bayan sa Elena," boses ni Captain Cervantes habang pinakikita sa amin ang isang excel file. Walang nagsalita ni isa sa mga kasama ko nang makita ang dami no'n. "Ang nangunguna sa paghahanap sa mga nawawala ay ang PNP. Kasama nila ang Philippine Coast Guard para mag-rescue sa mga posibleng na-trap sa kani-kanilang tahanan. Naka-standby naman ang air and naval asset ng AFP para magbigay ng suporta sa NDRRMC..."

Hindi ko na masundan ang sinasabi ni Captain Cervantes dahil napako na ang mata ko sa mga pangalang pinakita niya. Napakarami pa no'n, at hindi ko alam kung mahahanap namin silang humihinga pa...

Mabigat ang dibdib ko nang matapos ang tahimik na pagpupulong. Seryoso ang mukha naming lahat nang bumalik sa kani-kanilang gawain. Ang mga sundalong naatasan magbantay at maghanap sa gubat ng mga kailangang i-rescue ay agad sumunod sa akin.

Noong huli kong punta rito sa gubat, madulas na ang daan dahil sa pag-ulan. Ngayon, mas lalo pang dumulas at humirap ang bawat hakbang dahil sa mga nagtumbahang puno at nilipad na materyales galing sa malapit na kabahayan.

"Doon tayo," sabi ko sa mga kasama habang tinuturo ang daan sa kanlurang bahagi ng gubat. "May bakas pa ng nawasak na bahay roon kaya baka may naiwan sa loob."

"Okay, sir!"

Habang palapit sa pupuntahan, unti-unting kumakapal ang putik na dinadaanan namin. Halos lumubog na ang mga sapatos namin dahil doon.

"T-Tulong!"

Nagkatinginan kami ng mga kasama ko nang marinig ang tinig ng isang babae mula sa 'di kalayuan. Mas lalo pa kaming naalarma nang sundan ito ng iyak ng isang sanggol!

"Go, go!" utos ko habang minumuwestra ang daan patungo sa pinanggalingan ng boses.

Paglapit namin sa bahay na nadaganan ng malaking puno, nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang babae na nakahiga sa lupa.

Nakadagan sa paa niya ang nawasak na pinto na pinatungan pa ng malaking sanga ng puno. Katabi niya ang isang sanggol na nakabalot pa ng basang tela ng kurtina habang umiiyak.

Nang makita kami ng babae, tuluyan na siyang humagugol habang nanghihinang tinataas ang kamay para maabot kami.

Kating-kati akong lumapit para makuha sila ngunit kapag pumasok kami, maaaring may magalaw na parte sa bahay na mas lalong magpalala sa sitwasyon nila sa loob. Kailangan muna namin aralin maigi ang itsura ng wasak na bahay para malaman namin kung paano sila ire-rescue nang hindi napapahamak.

"T-Tulong! K-Kahit 'yong a-anak ko na lang po ang kunin n'yo!" sigaw ng babae na mas lalong nagpagulo sa isipan ko. Hindi ako makapag-concentrate dahil sa pagkataranta, lalo't makulimlim pa ang kalangitan at maaaring bumuhos na naman ang ulan!

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon