Intention

566 42 5
                                    

ANDRUS

KATAHIMIKAN ANG nanaig sa loob ng ilang oras na paghihintay sa pagtila ng ulan. Palipat-lipat ang tingin ko sa patak ng ulan at kay Annika na tahimik nakaupo sa tabi ko. Bumuntong-hininga ako nang maisip na siguro'y pinalala ko lang ang sitwasyon dahil sa mga sinabi ko.

Wala akong balak na sabihin sa kanya iyon ngayon. Hindi talaga ngayon dahil alam kong may pinagdadaanan siya. Ayaw kong makadagdag sa mga iisipin niya, ngunit nang makita ko ang lito sa mga mata niya, hindi ko na napigilan ang sariling umamin.

Ayaw kong isipin niya na ginagawa ko ito dahil pamilya ang turing ko sa kanya, o dahil anak ang turing sa kanya ni Mama. Ayaw kong isipin niya na gano'n dahil hindi naman talaga gano'n ang nararamdaman ko. Higit pa ro'n ang lahat ng ito. Mas malalim pa ro'n ang dahilan ng lahat ng ito.

Tinanggap ko ang pananahimik niya pagkatapos kong umamin. Naiintindihan ko dahil alam kong okupado pa ang utak niya, at ayaw kong isipin niya na nagmamadali ako. Ngunit sa totoo lang, ayaw ko nang umasa.

Magugustuhan din ba niya ako? Imposible. Hindi ako mayaman tulad ng pamilya niya. Hindi parehas ang mundong ginagalawan namin. Hindi ako kailanman na-insecure sa kung ano'ng mayroon ako ngunit dahil sa nararamdaman ko para kay Annika, parang wala akong maipagmamalaki.

Marangal naman ang trabaho ko ngunit sa tuwing naiisip kong magkatabi kami ni Annika, parang ang layo pa rin talaga. Kung sakali namang maglapit kami, maiintindihan kaya niya ako? Siya, maiintindihan ko. Uunawain ko siya palagi. Pero siya kaya?

"Tumila na ang ulan," pagbasag niya sa katahimikan. Binalingan ko siya ngunit diretso lang ang tingin niya sa kawalan, ayaw akong gawaran ng sulyap kahit saglit.

Tumango ako at iniwas na rin ang tingin sa kanya. Tanggapin mo, Andrus. Kasalanan mo kaya siya ganyan sa 'yo.

"Iuuwi na kita sa inyo. Siguradong nag-aalala na si Tito Alvaro."

Tumayo ako kaya tumayo na rin siya. Naglakad siya palabas kaya sinundan ko siya. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya, nagbabaka-sakaling tumingin din siya sa akin ngunit hindi niya ginawa.

Nice, Andrus. You really did a great job!

"Ayaw ko pang umuwi," aniya sabay yuko. "Puwede bang... sa inyo muna ako?"

Nanlaki ang mata ko. Kung kanina'y nagagawa ko pang ibaling ang atensyon sa iba, ngayon ay nanatili na lang talaga kay Annika ang mata ko. Sinubukan kong hulihin ang mata niya ngunit mas lalo lang siyang umiwas.

"Magagalit ang papa mo," mariin kong sambit.

Nagtangis ang bagang niya at mas lalo pang yumuko. "I don't want to see him."

Pumikit ako at umiling. Hindi ibig sabihin na ayaw niyang makita ang tatay niya ay puwede na siyang hindi umuwi.

"Annika, kailangan mong umuwi. Magagalit—"

Nag-angat siya ng tingin sa akin dahilan upang makita ko ang pinaghalong lungkot at galit sa mga mata niya. "Akala ko ba gusto mo ako? Ayaw kong umuwi kaya dapat pinagbibigyan mo ako!"

Mabilis naghari ang galit sa akin dahil sa sinabi niya. Kung kanina'y tinitimbang ko pa ang sitwasyon, ngayo'y hindi ko na kayang pigilan ang emosyon ko.

"Kahit gusto kita, hinding-hindi kita pagbibigyan sa gusto mong mangyari, Annika. Ihahatid kita sa inyo dahil iyon ang tama."

Akala ko'y matatauhan siya ngunit mas lalo lang akong nairita nang makita ang ngisi sa labi niya.

"Kung gano'n, hindi ako aalis dito! Matutulog ako sa barong-barong kung kinakailangan!"

Tumalikod siya at akmang babalik sa loob kaya hinawakan ko agad nang mabuti ang braso niya. Hinatak ko siya paharap sa akin dahilan upang magulantang siya. Gusto kong ngumisi dahil nakita ko ang takot sa mukha niya para sa kaya kong gawin ngunit dahil nag-uumapaw ako sa galit, pinanatili kong seryoso at madilim ang aking tingin.

The Sound of GunfireWhere stories live. Discover now