Anger

547 26 1
                                    

ANDRUS

SINULIT NAMIN ni Annika ang natitirang araw bago ang flight niya papuntang New York. Sandali lang naman daw siya roon dahil aasikasuhin lang niya ang pagre-resign at ang mga gamit sa condo, gaya ng napag-usapan namin. Ngunit kahit sandali lang 'yon, hindi ko pa rin mapigilang manghingi ng oras kasama siya.

Simula nang maging kami, masasabi kong maraming nagbago sa akin. Kung noon ay nagdadalawang-isip pa ako sa maraming bagay pagdating sa relasyon namin, ngayon ay nawala na 'yon sa paningin ko. Hindi ko na nakikita ang pagkakaiba namin. Hindi ko na nararamdaman na malayo siya sa akin. Hindi ko na naiisip na maaaring mawala siya sa piling ko.

Higit sa lahat, nagbago rin ang lawak ng pagmamahal ko sa kanya. Mas tumindi ito ngayon. Mas sumiklab, mas lumalim, at mas tumibay. Pakiramdam ko'y walang makasisira nito sa akin. Ngayon ko lang nalaman na maaari pala talagang tumindi pa nang husto ang pagmamahal sa isang tao habang lumilipas ang panahon.

"Pupunta ba ulit si Annika rito?" tanong ni Mama paglabas ko ng kuwarto. Nasa sala siya ngayon, nanonood ng TV. "Para makapaghanda naman ako ng pagkain."

Lunes ngayon kaya may pasok ako. Mamayang gabi ko pa mabibisita si Annika kaya baka sa hapunan ko na siya madala rito.

"Mamayang hapunan, nandito siya."

Ngumiti lang si Mama at tumango. Lumapit naman ako sa kanya bago humalik sa pisngi.

"Aalis na po ako."

"Sige, mag-iingat ka."

Pagsakay ko sa sasakyan, sakto naman ang pagtunog ng aking cellphone na nakapatong sa passenger seat. Nasulyapan ko roon ang pangalan ni Dajani. Binuhay ko muna ang makina ng sasakyan at pinaandar ito bago sinagot ang tawag.

"Anong kalokohan ito, Andrus?" bungad niya habang magulo ang kanyang linya. "Bakit ang daming pulis dito sa labas ng bahay?"

Huminga ako nang malalim bago nagsalita, "Pinadala ko 'yan upang bantayan ka at ang pamilya mo. Alam mo naman kung para saan, 'di ba?"

"Ha? Hindi na kailangan! Baka nalilimutan mo na sundalo ako. Kaya kong protektahan—"

"Alam ko, Dajani. Pero hayaan mong protektahan ka ng—"

"Andrus!" singhal niya. "Hindi na nga sabi kailangan nito! Okay na 'yong binigyan mo kami ng bagong matitirhan para sa proteksyon namin, hindi na kailangan pang ipabantay kami sa mga pulis. Nag-abala ka pa!"

Ngumisi ako. Kung alam lang niya na hindi naman talaga ako ang tao sa likod ng lahat ng ito.

Plano ni Captain Cervantes lahat ng nangyayari. Kailangan lang malaman ni Dajani na ako ang may pakana nito para maisip niya na ayaw pa rin siyang paniwalaan ng aming kapitan.

Bakit? Para mapanatili ang sikretong plano nina Governor Hilario, Spencer, Tito Alvaro, Tito Marcel, at Captain Cervantes. Sa katunayan, ito raw ang revised plan nila nang malaman ko ang lahat.

Nang ipagtapat sa akin ni Tito Alvaro ang lahat noong gabing pumunta ako sa bahay ng mga Faustino para sabihin ang tungkol sa amin ni Annika, nagpasya akong puntahan sina Captain Cervantes at Spencer bago umuwi. Hindi ko na pinaabot kinabukasan dahil atat na atat na akong malaman ang totoo.

Gabi na 'yon ngunit malakas ang pakiramdam ko na magkasama pa rin silang dalawa sa iisang lugar. Police station ang agad kong pinuntahan ngunit nang makitang sarado na ang opisina ni Spencer, nagmadali naman akong pumunta sa headquarters.

Tama nga ang hinala ko dahil pagpasok ko sa malamig na opisina ni Captain Cervantes, naabutan ko silang dalawa ni Spencer na nag-uusap. Ang hindi ko inasahan ay ang presensya ni Tito Marcel.

The Sound of GunfireWhere stories live. Discover now