Napaisip ako sa kaniyang sinabi. Hanggang ngayon kasi, wala kaming maisip ni Link kung sino ang p’wedeng maglagay no’n. Hindi p’wedeng si Demzell, ‘gaya ng ginawa ko kay Thrizel, minanmanan ko rin ang aking kapatid dahil maghanap na naman ng gulo. Sa ngayon, wala pa talaga akong alam kung sino ang naglagay.

Napatigil kaming dalawa ni Link sa pag-iisip nang bumukas ang pinto. Nakita namin si Phryx na walang kaayos-ayos hanggang ngayon. Kung ano ang hitsura niya sa paaralan, gano’n pa rin. Kailan ba balak maglinis ng lalaking ‘to sa kaniyang katawan?

"Ang ingay niyong dalawa, anong kailangan niyo?" Seryoso ang kaniyang pagtatanong. Pinaparating sa aming hindi niya gustong makita kami ni Link dito sa harap ng kaniyang bahay. Kabisado ko na itong si Phryx.

"Maling bahay yata ang napuntahan natin." Nagtaka ako dahil sa sinabi ni Link. Anong mali? Nasa harapan na namin si Phryx. "Hindi naman nakikipagkaibigan si Thrizel sa marungis." Napatampal ako ng noo dahil sa kaniyang sinabi, ako ang nahiya. Nasa harap namin si Phryx!

"Uhm, I’m sorry to what Link sa—"

"Pumasok kayo sa loob, hindi ako nakikipag-usap sa labas." Dire-diretsong pumasok si Phryx sa loob. Hindi na hinintay ang magiging sagot namin ni Link kung susunod ba kami o hindi. Pero, pumasok din kaming dalawa.

Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng bahay ni Phryx, napakalinis. Ang may-ari lang talaga ang dugyot. Joke. Hindi ko ugaling manglait. Nandidito ako para magtanong. Pinaupo niya kami sa sofa, umupo kaming dalawa ni Link. Maya-maya lang, naglapag siya ng dessert at juice sa aming harapan.

Umupo siya sa single sofa. "Anong kailangan?"

Nagkatinginan pa kami ni Link. Nag-iisip kung sino ang magtatanong kaso abala ito sa pagkain kaya ako na. "Nakasama mo ba si Thrizel?"

Ngayon lang nagbago ang kaniyang reaksyon. Ang kaninang seryoso ay nagtaka. "Bakit ko isasama rito sa bahay ang kapatid ni Thrale? Kung lumayas si Thrizel, labas na ako ro’n. Huling kita namin ay sa coffee shop."

"Nagsasabi ka ba ng totoo?" Tanong ni Link. Ang dami pang laman ng bunganga. Gutom ba ito?

"Maaari na kayong umalis, kung tungkol sa babae ang gusto niyong itanong. Wala akong intere—"

"Sigurado kang hindi rito pumunta si Thrizel?" Ngumisi ako sa kaniya. "Kilala na kita, Phryx. Ang sabi mo, kung lumayas si Thrizel, labas ka na ro’n. Tinanong lang kita kung nakasama mo ba si Thrizel, alam mo naman yata na may mali ka sa sinabi mo, ‘di ba? Paano mo malalaman na naglayas si Thrizel kung ang tagal mo na siyang hindi na kikita. Wala kang close sa pamilya nila, nalaman mo lang dahil sa ‘yo tumakbo ang babaeng ‘yon." Tumingin ako sa kusina, may sampayan doon. "Nilibot ko ang paningin ko sa loob ng bahay mo, hindi para purihin sa kalinis, para maghanap ng p’wedeng patunay na rito nga pumunta si Thrizel. Damit ni Thrizel ang nakasampay, ‘di ba? Hindi mo ako malilinlang."

Natigilan kaming dalawa ni Link nang bigla itong tumawa. Base sa kaniyang pagtawa, para niya kaming pinaglalaruan. Anong gustong ipahiwatig nito? May mali ba akong sinabi? Tama lang ang pinagsasabi ko.

"Hindi kita malilinlang pero baited ka." Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Hindi ko pa talaga kilala ang lalaking ‘to. "Hindi ba halata na sinadya kong sabihin na lumayas si Thrizel? Kung tinatago ko, sinong tanga ang magbibigay ng clue? At iyong sampay? Itatanggi kong hindi ko nakasama rito si Thrizel pero mag-iiwan akong ebidensya? Masyado mo akong ginagawang bata, Dominic. Kumuha ako ng juice at dessert sa kusina, sinampay ko na rin ang damit ni Thrizel para ipaalam sa inyong nakasama ko nga ang babaeng ‘yon."

Sumeryoso ang boses ni Link. "Anong ibig mong sabihin?"

"Ako nga ang tinakbukan ni Thrizel, hindi na kataka-taka sa akin kung may pupunta rito. Anong mali sa pagtulong ko sa kapatid ni Thrale? Kailangan talaga akong puntahan dito, huh?"

Loving My Brother #1: Thrale's StupidityWhere stories live. Discover now