Chapter 19: Thank me later

8 3 3
                                    


[Chapter 19]

"Balik sa upuan," utos ni Ms. Aira at pumasok sa loob ng silid namin.

Napapalunok na lang ako habang tinitingnan sina Luke at Francis na kaharap ngayon ang dalawang baril na hawak ng dalawang tauhan ng pamilya ko na kasama ni Ms. Aira. May takip ang ibabang bahagi ng mukha nila kaya hindi ko malaman kung sila rin ba 'yung dalawang lalake na kumuha sa katawan nila Brent at Rence kanina.

"Balik!" Muli pang utos ni Ms. Aira na ngayon ay sinunod na nila Luke at Francis dahil sa takot. Sinundan pa sila ng isang tauhan ng pamilya ko hanggang sa makaupo sila sa upuan nila. Habang muli namang bumalik sa labas ang isa at mukhang doon magbabantay.

Naglakad papunta sa teacher's desk si Ms. Aira habang nakahawak sa kaniyang leeg. Huh! Buti nga sa kaniya.

Kaya rin siguro ayaw niyang hintayin pa namin kanina sina Brent at Rence dahil alam niyang sila na iyong nasa mga kahon. Magpasalamat siya dahil sinampal at sinakal ko lang siya. Mabuti at hindi ko pa siya pinatay.

Nang mapatingin siya sa gawi namin ni Tens at magtama ang mga tingin namin ay tinaasan ko siya ng kilay. Tiningnan naman niya ako ng masama pagkatapos ay inirapan. Inirapan ko na lang din siya kahit hindi siya sa akin nakatingin.

"'Wag kayong mainip. Papalayain din namin kayo mamaya. Hindi nga lang para umuwi kundi para maglaro," nakangising wika ni Ms. Aira. Napatingin ako sa mga kaklase ko nang mapansin na hindi sila kumibo. Hindi sila kumontra sa sinabi ni Ms. Aira. Anong nangyayari? Nasaan na 'yong mumurahin siya sa tuwing binabanggit niya ang tungkol sa laro?

Kahit naguguluhan at nagtatakha ay hindi na lang din ako kumibo at muling tumingin kay Ms. Aira na mas lalong lumawak ang ngisi niya.

"Kailangan ko lang munang sabihin at gawin ang sinadya ko dito," muling saad ni Ms. Aira. At katulad lamang ng inaasahan ko, walang kumibo. Napatingin din ako kay Tens na nasa tabi ko pero tahimik lang din ito habang masamang nakatingin sa gurong kasama namin ngayon sa loob.

Magsasalita na sana muli si Ms. Aira pero inunahan ko na siya. Kanina pa talaga ako nagtatakha sa nangyari kanian.

"Sandali. Bakit umuwi ang ibang mga estudyante? Anong ginawa niyo? Anong kwento na naman ang sinabi niyo sa kanila?" seryoso kong tanong. Napa-irap naman sa akin ang huli pero sinagot naman ang katanungan ko.

"Sinabi namin na walang klase. Para maging tahimik at atin lamang ang buong paaralan," tugon sa akin ni Ms. Aira at muli na namang sumilay sa kaniyang labi ang isang ngisi. "'Wag kayong mag-alala, ginawa namin iyon upang hindi sila madamay sa anumang mangyayari."

Hindi na ako nagsalita pa at muling pinakiramdaman ang mga kaklase ko. Pero hindi pa rin sila kumikibo. Tsk! Natatakot ba sila dahil may dalang baril ang mga kasama ni Ms. Aira.

"Anong sadya mo?" tanong ni Jewel kay Ms. Aira.

Napangiti naman ang huli bago sumagot. "Nandito ako para tanungin kung sino sa inyo ang gustong magboluntaryo," sagot ng guro na ipinagtakha namin.

"Mag-boluntaryo? Para saan?" Naguguluhan din na tanong ni Tens.

Bigla akong nakaramdam ng takot. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Alam kong parte pa rin ito ng laro.

"Magboluntaryo sa pagbibigay ng daliri para kay Antonnette..." nakangising tugon ni Ms. Aira na mas lalong nagdala sa akin ng takot. Tumayo na rin ang mga balahibo ko sa kamay at maging sa mukha ko.

Napansin ko rin na kinilabutan ang mga kaklase ko sa sinabi ni Ms. Aira sa amin.

"Kung wala kayong nalalaman, ang kaklase niyong si Antonnette ay namatay sa comfort room sa ground floor. Nanlaban siya kaya naman ay tinanggalan siya ng daliri bilang parusa," pagbibigay paliwanag ni Ms. Aira sa amin.

Trust No OneDonde viven las historias. Descúbrelo ahora