Chapter 10

664 58 10
                                    

"Daan muna tayo sa Bigbox, titingin lang ako ng pangregalo kay Fatima," aniya habang naglalakad palabas ng school compound.

Pagdating pa lang niya kaninang umaga sa school ay nasabi na kaagad sa kanya ni Vince na pagkatapos ng CAT formation ay sa bahay ng mga ito sila tutuloy dahil birthday ng nakababatang kapatid nito. Bilin na bilin daw ni Fatima na pumunta siya. Sa kanilang magkakaibigan ay siya ang malapit sa immediate family ni Vince.

"Hindi na kailangan," anito, kinuha ang rifle na hawak niya, isinama sa rifle na hawak sa kanang kamay bago umakbay sa kanya, "Kaninang umaga ay ibinigay ko na ang necklace na regalo natin. Five hundred ang bili ko doon. Bayaran mo na lang ako ng ambag mo."

"Okay," aniya, hindi maunawaan ni Sherin kung bakit bahagya siyang naasiwa sa pag-akbay ni Vince gayong dati naman na iyong ginagawa ng kababata.

"Kuya, arkilahin ka na namin. Sa A. Bonifacio Street kami," ani Vince pagsakay sa tricycle. Inilagay nito ang rifle sa gilid ng sidecar at itinuwid ang mga paa. Gustuhin man ni Sherin na maglagay nang maliit na espasyo sa pagitan nila ni Vince ay hindi niya nagawa dahil muling umakbay sa kanya ang kababata.

"Nga pala, noong nakaraan ko pa gustong itanong sa iyo, sino 'yong kasama mo sa bahay niyo last week?" anito na bumaling sa kanya.

"Si Sabrina. Pinakilala ko naman siya sa inyo, di ba?" pinanatili ni Sherin ang tingin sa unahan.

"Gaano na kayo katagal magkakilala? At bakit hindi mo sinabi sa akin na may bagong kaibigan ka pala? Palagay ko, kung hindi ko inabutan sa bahay niyo 'yong bagong kaibigan mo, hindi mo siya ipakikilala sa akin. Tama ba?"

Kunot-noong nilingon niya ang kaibigan, "Bakit ang dami mong tanong, Vicente?"

"Nagtataka lang ako. Dati naman wala tayong lihiman, di ba? Bakit parang nitong mga nakaraan linggo, ang daming nangyayari sa iyo na hindi ko na alam."

Huminga siya nang malalim at muling ibinaling sa harapan ang mukha. Hindi niya matagalan na gano'n kalapit ang mukha ni Vince sa kanya, "Ipaalala ko lang sa iyo na nitong mga nakaraang linggo, ikaw ang busy sa panliligaw mo kay Dahlia. Oh, eh, kumusta naman? Sinagot ka na ba?"

"Hindi pa. Pero feeling ko, malapit na."

May kumudlit sa puso ni Sherin na agad niyang binalewala, "Good for you kung gano'n."

"Eh, ikaw? Kaya ba walang effect sa iyo ang mga pagpapapansin ni Jason dahil si Sabrina ang gusto mo?"

"Ang ingay ng tricycle, hindi kita maintindihan," pagkukunwari niya. "Mamaya na tayo mag-usap." Bahagya pa niyang nilakasan ang boses.

Pero hindi ang inaasahan niya ang ginawa ni Vince. Lalo itong lumapit sa kanya at bumulong, "Si Sabrina ba ang talagang crush mo?"

Sa pakiwari ni Sherin ay tumayo ang lahat ng balahibo sa katawan niya nang dumampi ang mainit ni hininga ni Vince sa may tainga. Kahit may kasikipan sa loob ng tricycle ay pasimple siyang umusod palayo sa kaibigan, "Ano naman sa iyo ngayon kung si Sabrina ang crush ko?"

Kahit hindi siya nakatingin ay ramdam na ramdam niya ang matiim na pagtitig nito, "Naninibago lang ako. Kabisado ko ang mga tipo mong babae, eh."

Kumunot ang noo niya, napilitang lingunin ang kababata, "Bakit? Maganda naman si Sabrina, mabait at saka matalino. At higit sa lahat magkasundo kami."

Maging si Vince ay nagsalubong din ang kilay, "Crush mo nga talaga siya kung gano'n?"

"Eh, ano naman sa iyo kung crush ko siya? Bakit ba tanong ka nang tanong tungkol kay Sab?"

Cheatmate (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon