CHAPTER 30: Part 2 - AMOR

Start from the beginning
                                    

*~~~~~~~~~~~~*~~~~~~~~~~~~*

Nasa kalagitnaan na si Parim'nawa at Ganok sa pagbagtas sa kagubatan subalit nang matanaw ng ba-i ang kanyang balayon ay napagpasyahan nitong lumihis ng daan at bagkus ay sa iba ito pumaroon. Sinabi nito sa kanyang kasama na tutungo sila sa ama ni Magayon upang ihatid ang isang nakadadalamhating balita.

Saglit lang ang lumipas at nakarating na nga roon ang dalawa. Kumatok si Ganok at tinawag ang datu na naging sanhi nang kanilang pagkabugtaw. Nagulumihanan si Rumanggol sa napaka-agang pagpunta roon ng anak ng Lakan ngunit kalaunan ay pinapasok niya ito. Pumungko silang dalawa sa harapan ng datu't dayang at akma niya na sanang ibibigay ang liham ngunit inutos muna ni Parim'nawa na ipatawag ang ama't ina ni Arsisa at Silangyaw na siya naman nitong sinunod.

Maya-maya pa ay bumalik muli si Ganok sa balay ni Rumanggol at Makilas kasama ng mag-anak ni Datu Halaphaw at Kalubkob. Nagsisulod na silang lahat kasama ng mga katanungan sa kanilang mga isipan sa maliit na pagtipon sa kanila ni Parim'nawa. Maayos na umupo ang mga ito sa loob ng balay at nang matiyak na ni Ganok na walang sinuman ang nakasunod sa kanila ay doon na nito ibinigay ang huling liham ng tatlong magkakaibigan para sa kanila.

Sa pamamagitan ng munting ilawan ay magkakasabay nilang binasa ang mga nakasulat roon at nang matapos nila iyon ay saka naman nagsalita si Parim'nawa. Maluha-luha nitong ipinaalam ang karumaldumal na sinapit nina Arsisa, Magayon at Silangyaw sa kamay ng mga kawal-intsik.

Nagdulot ng labis na hinagpis at galit ang mga winika ng binibini sa kanila. Gusto man nilang salakayin ang Pilak-Balayon ng mga sandaling iyon ay walang silang magawa kundi ang sarilinin ang pighati pagkat alam ng mga ito na mawawalan ng katuturan ang pagkawala ng kanilang mga namayapang anak kung pipiliin din nilang dumarang sa kapahamakan.

Kaya naman nang gabing iyon ay napagkasunduan nilang lumikha ng isang madunong na hakbangin upang maibigay ang katarungan sa kanilang mga napaslang na minamahal nang hindi sila nanganganib.

*~~~~~~~~~~~~*~~~~~~~~~~~~*

Sa pagputok ng araw ay ipinatawag ng Lakan ang tatlong datu at ang kanilang mga mag-anak upang magtungo sa Pilak-Balayon. At sa pagdating ng mga ito ay bumungad sa kanila sina Arsisa at Silangyaw na kapwa nakapikit na ang mga mata. Dahilan para mabilis na dumalagan habang tumatangis si Dayang Linak-gan at Hingliw patungo kay Silangyaw at ganoon rin naman ang ginawa ni Dayang Aransina at Kansinay sa bunso nilang ba-i.

Nakaalalay lang ang mga datu sa likuran ng kanilang mga bana ngunit di na rin mapigilan nina Kalubkob at Halaphaw na mapaluha sa kanilang mga labis na kinakalingang supling. Samantalang napayakap na lamang si Dayang Makilas sa kanyang kabiyak kasunod ng paghagulgol.

Itinuran ni Datu Anarong sa kanilang dalawa na pinaslang ni Wang Ji si Magayon habang papatakas ito mula sa kanila; taliwas sa kung anong tunay na naganap. Nakapopoot mang pakinggan ang kasinungalingan ng kanang kamay ng Lakan ay pansamantala na lamang muna nilang kinimkim ang mga ito.

Naroroon din si A-ngalang ng mga pagkakataong iyon at nakita niya rin ang mga walang buhay na katawan ng dalawa. Matalim siyang tinitigan ni Parim'nawa nang mga oras na iyon dahilan para umalis siya mula sa Punong Bulwagan subalit agad siyang sinundan ni Parim'nawa hanggang sa maabutan siya nito sa isang silid at doon ay hinagupit niya ng isa muling sampal ang anak ni Anarong.

Walang salita ang lumabas sa bibig ni Parim'nawa o kahit pa kay A-ngalang nang maganap iyon pero kapwa may mga luhang nangingilid sa kanilang mga mata. Agad namang bumalik ang ba-i ng Lakan tungo sa punong bulwagan at iniwan siya roon ng mag-isa.

Pagkatapos ng mga oras na iyon ay isinaayos na nila ang paglilibing sa mga namayapa. Nilimpyuhan at nilambungan nila ang mga ito ng mga malilinis na kasuotan bago ibinalot sa isang banig. Nagluksa ang mga banawang pinamumunuan ng mga datu sa kasagsagan ng pagdadala kay Arsisa at Silangyaw sa kanilang mga huling hantungan.

SERENDIPITY || The Adventures of My Astral BodyWhere stories live. Discover now