CHAPTER 30: Part 3 - EVERYTHING

9 0 0
                                    


Kailangan ba talaga na magdusa

Sa sakit na di dapat iniinda


Mga pusong nais lamang umibig

Bakit kasawian ang pilit pinahihiwatig


Katanungan ng Pagtatagpo

Iisang bagay ang aking napagtanto


Marahil ay may katotohanan ang isang dahilan

Kung bakit ang mundong ito'y minsang tinawag na lupang-luhaan

- Mayari


Narrator's Point of View

Ang TUNAY na naganap

Mga putok ng pistola at nagkukumahog na mga kabayo ang naghaharing ingay sa buong Julieta. Tunay na kaguluhan ang bumabalot sa buong bayan.

Kasalukuyang nasa kalagitnaan ng labanan ang dalawang naggigiriang panig at sa pagkakataon pa ring yaon ay nanatiling nakaaangat ang pwersa ng Prayle at ng kanyang kapitan.

"Makakayanan natin ang pansamantalang pag-antala ng kanilang pwersa mula sa tuluyang pagtawid ng Fuente Bravo ngunit batid kong hihintayin lamang nila tayong mapagod bago sumulong." Usal ni Don Tancioso.

"Gayoong kamatayan din lamang ang ating kahaharapin, bakit hindi pa natin isagad sa rurok ang ating mga sarili habang hindi pa nawawala ang natitiri nating mga lakas." Tuwirang mungkahi ni Don Deopherio na tila ikinakaba ng lahat gayunman ay hindi tinutulan.

"Di ko ibig na malagutan ng hininga nang parang isang walang labang kuting. Kung kikitlin man nila ang aking buhay ay titiyakin kong babaon muna sa kanila ang aking kuko't pangil." Pahayag pa nito bago sumakay sa isang kabayo na siya nitong pinatakbo kasabay ng pagpapaputok ng kanyang pistola.

Nanlaki naman ang mata ng lahat nang gawin iyon ng señor kung kaya't wala na rin silang napamilian pa kundi ang sundan siya sa bingit ng walang kasiguraduhan.

"Ituon ninyo ang inyong mga punglo sa gurang na iyon! Isang daang reales ang matatanggap ng sinumang makakapag-bigay sakin ng kanyang ulo!" Turan ni Padre Villegas na dahilan ng dagliang pagpapaulan ng bala ng mga soldados tungo kay Señor Suviaga.

"Geronima! Ang señor!" Sigaw naman ni Ylisea nang makitang nahulog si Don Deopherio  mula sa natumba niyang kabayo.

Dulot nito ay agad na tinawag ng Binibining Baltimorre ang mga guardia personal na malapit sa kanya upang tulungan siyang magpaputok sa direksyon ng mga nais pumaslang kay Don Deopherio.

Sa kalagitnaan ng pangyayaring iyon ay tinulungan naman ng dilag na Concepcion ang abuelo ng kanyang kaibigan at dinala ito sa likod ng isang puno habang patuloy na nagaganap ang palitan ng putok ng mga guardia personal at mga soldados.

SERENDIPITY || The Adventures of My Astral BodyWhere stories live. Discover now