27: RYOKOU WO TANOSHIDE KUDASAI

1.5K 72 4
                                    

AJ

 

Tunog ng mga baril at ingay ng mga carrier ang tanging maririnig sa paligid. Ang mabilis na pagtibok ng aming puso ang pumipintig sa aming mga tenga. Tila mabilis ang oras. Hindi na namin alintana kung ano pa ba ang nangyayari sa paligid. Para sa amin, isa itong malaking laban. Para sa amin, isa itong giyera na dapat naming pagtagumpayan.

Hindi ko pa rin matanggap na nagpauto ako sa aking damdamin. Akala ko’y si Hope na ang nakita namin kamakailan lang. Nagkakamali ako. Kamuntikan ko pang ilagay sa kapahamakan ang buhay ko at buhay ng aking mga kasama. Ipinangako ko sa aking sarili na hindi na mangyayari ulit 'yon.

At ngayong may bagong kapahamakan ang aming kinakaharap, kailangan ko ulit gumawa ng aksyon. Ito kami ngayon, isang bagong pakikipaglaban ang aming isinasagawa. Napapaligiran nila kami. Wala kaming magawa kundi ipaglaban ang aming sarili.

Nang marinig ko ang sigaw nina Ayen, Katie at Jeck, alam kong may kailangan kaming gawin. Humarap ako kina Shikko, Jopet at Michael at sinabihan silang ihanda ang kanilang armas. Pagkatapos ay sinalubong ko ang tatlong babae.

Kumapit naman sa akin si Ayen at nahihingal na nagsalita. “May mga carrier na paparating at ang dami nila!”

Naisipan ko na bumalik sa aming sasakyan at lumayo sa lugar na ito ngunit huli na ang lahat. Narinig ko ang sigaw ni Jeck at napansin kong nakaturo siya sa isang direksyon. “M-mayroon din doon,” nauutal niyang sabi. Nang sinundan ko ang kaniyang tingin, nakita ko ang mga carrier na paparating. Pinalilibutan na nila kami.

“Ang dami nila! Hindi natin sila kaya!” sigaw ni Shikko na halatang natataranta. “Paano nila nalaman na nandito tayo?”

“Wala akong ideya,” sagot ko. “Pumasok tayong lahat sa kotse. Kailangan nating makaalis dito.”

“Pero paano?” tanong ni Michael. “Napapaligiran na nila tayo. Kahit na gumamit tayo ng kotse, tiyak na mapipigilan nila tayo. Kung susumahin, aabot sila sa dalawang daan!”

“Kung hindi natin magagawang makaalis dito, lalaban tayo,” sabi ko.

“Nahihibang ka na ba?!” bulyaw ni Katie. “Ilang daan ang bilang nila, pito lang tayo!”

“May naiisip ka bang plano?” tanong ko sa kaniya. Pinagsingkitan niya ako ng mga mata. Huminga ako ng malalim. “Wala nang tanging paraan. Kung papasok man tayo sa kung aling building dito, tiyak mas lalo tayong makukulong. Mas lalong wala tayong kawala. Ang tanging paraan ay ang labanan sila.”

“Pero paano kung mayroon pa?” biglang sabi ni Ayen. “Makakaalis tayo dito gamit ang sasakyan. 'Yon na lang ay kung may papayag na manatili sa taas nito habang ito’y nagmamaneho.”

“Ano ang naiisip mo, Ayen? Sabihin mo na, wala na tayong oras,” wika ko.

“Ito 'yon,” pagsisimula niya. “May dalawa o tatlo na nasa itaas ng sasakyan habang umaandar ito. Iyon ay para may bumawas sa mga carriers at mapigilan ang paglapit ng karamihan sa kanila sa sasakyan natin. Sa ganoong paraan, madali tayong makakaalis dito.”

“It might work out,” pagsisingit ni Katie. “Ang kailangan lang natin ay ang mga magaling gumamit ng baril kahit na nakapuwesto sa isang bagay na gumagalaw. Sa kasong ito, sina Michael at Jopet ang mga iyon. Puwede ka ring tumulong sa pagbabawas ng mga carrier, AJ. Ako na ang magmamaneho.”

Tumango ako. Mukhang magiging  maayos ang kalalabasan ng kanilang plano. “Sige, gawin natin 'to.”

Nagmadali kaming lumapit sa sasakyan. Pumasok na ang iba sa loob samantalang kami naman nina Jopet at Michael ay pumuwesto na sa itaas ng sasakyan. Ako ang malapit sa harapa, si Jopet ang nasa gitna, samantalang si Michael naman ang nasa bandang likuran. Bago pa man umandar ang sasakyan ay nagsimula na kaming magpaputok.

Contagio (Pandemia #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon