8: DAMAGED PEOPLE

2.1K 81 10
                                    

MACKY

Lumabas na ang resulta ng autopsy.

Napag-alaman na ang nakita naming bangkay sa Disposal Area ay si Sebastian Guinez, edad 47 at miyembro ng Council. Buong araw na pala siyang nawawala at nakita na lamang namin siya na duguan at nakasabit na para bang isang hayop na kinatay. Ayon sa mga doktor, namatay sa sobrang pagka-ubos ng dugo matapos laslasin ang leeg nito. Hindi ko na inalam pa ang ibang detalye dahil sa mahirap intindihin.

Nakatitig na lang ako sa nakatayong memoir na gawa sa marmol. Nakapaskil ito sa pader katabi ng pintuan palabas ng Salvador. Doon nakalagay ang mga pangalan ng taong nasawi na nakatira sa Salvador simula nang itinayo ito. Mahigit isang daan ang nakalagay na pangalan doon.

At mukhang madadagdagan pa.

Nasilayan ko ang pangalan ng aking ina. Maribeth Alonzo. Nagpakamatay isang taon na ang nakakalipas. Hindi ko makakalimutan ang karanasang iyon at ang nangyari sa aking ina. Ang ina ko na lang ang nagpapalaki sa akin matapos mamatay sa isang aksidente ang ama, labinglimang taon na ang nakakalipas. Simula nang mangyari ang pandemya ay pinilit ni ina na ako'y iligtas sa kamay ng mga carriers hanggang sa punto na nakarating kami ng Salvador.

Malugod kaming tinanggap ng Konseho dahil sa kakaunti pa lamang ang nakatira doon at kakagawa pa lang ang malalaking pader na naka-ikot sa tatlong gusali sa loob niyon. Naging volunteer ang aking ina sa pagbabantay, ngunit hindi pa rin nito kinaligtaan ang tungkulin bilang isang ina sa akin.

Tinuruan din niya ako na gumamit ng pana dahil bihasa siya sa archery noong panahong nasa kolehiyo pa lang siya. Karaniwang pamamana ang ginagamit ng ina dahil sa hindi ito maingay at madaling gawan ng pana kumpara sa bala ng mga baril na limitado lamang at mabilis maubos.

Akala ko magiging okay ang lahat. Akala ko magiging ligtas na kami sa loob. Dumating ang araw na hindi ko inaasahan. Bumalik sa aming silid ang aking ina na puno ng pasa at umiiyak. Tinanong ko siya kung ano ang problema ngunit binaliwala niya lamang ako. Nangamba ako dahil sa nakikita ko ang takot sa mukha ng aking ina, isang bagay na hindi ko pa nakikita sa kanya sa buong buhay ko. Naisip ko na isa itong malaking problema kaya agad ko itong ipinagbigay alam sa Konseho.

Ngunit hindi nila ako pinansin. Binaliwala nila rin ako gaya ng pagbabaliwala sa akin ni ina tungkol sa usaping ito.

"Hindi namin pwedeng pakialaman ang sitwasyong kinalalagyan ng iyong ina kung hindi niya ito ipagbibigay alam sa amin," wika ni Father Eric.

"Pero..." Hindi ko na magawang magrason. Mas mataas sila. Hindi nila ako pakikinggan.

"Marahil mali ang nakita mo. Marahil may personal na problema ang ina mo, Macky. Hangga't hindi nakakabahala sa Salvador ang pangyayari, hindi namin 'yon pwedeng pakialaman," sagot ni Dr. Octavia.

Bumalik ako sa silid at naabutan si ina na umiiyak muli. Sinubukan ko siyang tanungin ngunit hindi na naman niya ako sinasagot. Alam kong may tinatago siya. Malakas ang kutob na hindi ito maganda. Pinilit kong alamin ang katotohanan ngunit hanggang ngayon ay hindi ko iyon nalaman. Hanggang sa kanyang kamatayan ay wala akong sagot na nakuha mula sa aking ina. Bakit kaya niya ito tinatago sa akin? Anong alam niya? Bakit siya nagpakamatay?

Oo, nagpakamatay ang aking ina dahil 'di umano sa matinding depresyon. Walang may alam. Walang gustong malaman ang katotohanan. Maliban sa akin. Pinipilit ko pa ring intindihin kung bakit nagpakamatay ang aking ina.

"Tinititigan mo na naman 'yan?"

Hindi ko namalayan na katabi ko na pala si Ronald. Nakatingin din siya sa memoir na aking tinititigan. Gaano siya katagal nang nasa tabi ko? Marahil hinihintay niya ang sagot ko dahil sa tahimik lamang siya.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now