EPILOGUE

2K 91 33
                                    

Sa taong 2030, isang malaking kaganapan ang sumira sa mundong kinagagalawan ng tao, isang pagbagsak na bunga ng mga pinakamatalinong hayop sa lahat: ang tao. Mula sa 205,000,000 na bilang ng tao, umabot na lang sa higit 1,000 ang nabubuhay pa sa Pilipinas, isang malaking kabawasan sa dating malaking bilang ng nabubuhay rito.

Nagpatuloy iyon hanggang sa kasalukuyan. Lagpas isang buwan na ang nakakalipas ngunit patuloy pa rin sa paglaban ang mga tao. Patuloy pa rin sila sa paglaban para sa kanilang mga buhay. Hanggang sa may pag-asa pa sila na magiging maayos ang lahat, hindi matatapos ang buhay ng mga tao sa mundo. Nagkalat ang mga carrier sa paligid at hamak na mas malaki ang bilang nila kaysa sa mga noncarrier.

Wala nang ligtas sa panahong ngayon. Walang sinuman ang nakakasiguro na makakaligtas sila. Walang buhay ang hindi masisira ng pandemyang ito. Katulad na lang nito ang hindi matapos-tapos na laban sa pagitan ng mga hindi infected na tao. Ang laban na dapat ay laban sa mga carriers ay nag-abot na rin sa kanilang mga sarili; sa kanilang mga kapwa.

Sa mundo kung saan nangingibabaw ang kasakiman, inggit at paghihiganti, tao mismo ang sisira sa kaniyang sarili. Tao mismo ang sisira sa kaniyang kapwa. Kakaunti na lamang ang nagnanais na panatilihing ligtas ang mundo. Kakaunti na lamang ang naghahangad ng normal at payapang buhay.

Hindi kabilang doon ang mga tao sa Fumetsu Corporation, isang makapangyarihang kompanya na pinamumunuan ng isang Pilipino at isang Hapon; isang pagtutulungan na siyang nagdala sa tao sa bingit ng kamatayan. Ang tanging ninanais nito ay maging makapangyarihan at magsimula ng bagong mundo kung saan ito ay pinamumunuan ng mga imortal, mga taong may gintong mga mata.

Si Sergio Santiago, ang isa sa mga namumuno nito, ay kasalukuyang nakamasid sa bintana ng kaniyang silid. Isang malaking opisina iyon na puno ng mga imahe ng mga diyos ng Griyego. Sa gitna nito ay ang kaniyang desk na gawa sa marmol at sa likod nito ay ang pader na gawa sa salamin na siyang ginagamit niya upang makatanaw sa siyudad na nasira na ng pandemya.

“Magagawa rin namin ang matagal na naming hinahangad,” bulong nito sa sarili.

Nakarinig siya ng katok sa malaking pinto na gawa sa pinakamahal na kahoy na nabibili pa sa Amerika. Agad namang pumasok si Alison. Iba na ang kaniyang kasuotan. Sa halip na itim na leather jacket at maong ay nakaputi na ito. Puting Amerikana at palda. Nakasuot din siya ng puti at matayog na heels. Hawak-hawak niya ang parte kung saan siya nakatamo ng saksak mula sa imortal na nakatakas.

“Sir Sergio, nagawa po nina Ayen, AJ at Shikko na makatakas,” pagbabalita niya. “Sa engkuwentrong iyon ay napatay po si Red, ang Amerikanong may kakayahang kontrolin ang mga carrier.”

“Ano’ng sinabi mo?!” nangagalaiting tugon ni Sergio. Mabilis siyang naglakad papalapit kay Alison at hinawakan ito sa leeg. Nagsimulang mawalan ng hininga ang babae. “'Di ba sinabi ko sa inyo na kailangang dalhin niyo siya ng buhay rito? Nagkaroon ang kapatid mo na dalhin siya pero ano ang ginawa mo? Hinayaan mo lang siyang mamatay!”

Hinawakan ni Alison ang kamay ni Sergio na nakahawak ng mahigpit sa kaniyang leeg. Nagpumiglas siya pero hindi siya makawala. “H-hindi namin mako-kontrol ang s-situwasiyon, Sir. Ma-maraming carriers sa paligid!”

Binitawan ni Sergio ang babae at sumisigaw na lumapit sa desk nito. Lumalabas na ang ugat nito sa mukha at leeg dahil sa matinding galit. Sinimulan niyang itapos ang mga bagay na nakalagay sa kaniyang desk, tulad na lamang ng mga papel at seramiko na palamuti. Pagkatapos niyon ay pumikit siya at huminga ng malalim. Humarap muli siya kay Alison na naka-upo sa sahig at umuubo, nagpupumilit na makahinga ng maayos.

“Ang mga imortal na naririto sa loob ng Fumetsu Corporation, nahanap niya na ba sila?” tanong niya. Kapansin-pansin na malumanay na muli ang kaniyang pananalita.

Contagio (Pandemia #2)Kde žijí příběhy. Začni objevovat