24: IT'S NOT EASY BEING AN IMMORTAL

1.4K 68 14
                                    

MACKY

Hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko. Nakapaligid sila sa amin. Wala kaming kawala. Heto kami ngayon, naglalakad sa isang sementadong tulay papunta sa lugar na hindi namin alam. Natatakot ako para sa sarili ko. Natatakot ako para sa ate ko.

Yakap-yakap ako ng ngayon ng nakakatanda kong kapatid na si Alison. Nakamasid lamang siya sa mga armadong lalaki na nakapalibot sa amin. Simula nang kunin kami ay hindi siya lumayo sa aking piling. Nakaikot ang kanyang mga kamay sa aking katawan at mahigpit akong niyayakap. Bagama’t tirik ang araw ay mararamdaman mo pa rin ang lamig sa paligid pero wala pa ring tatalo sa lamig dulot ng takot na nararamdaman ko ngayon.

Kapansin-pansin na nakasuot ng gas masks ang mga kalalakihang nakapalibot sa amin. May dala silang mga armas, mga hindi matukoy ka kalibre ng baril. Nagmamasid sila sa paligid. Matapos magsimula ang outbreak, naglipana na ang mga tinatawag na infected sa buong parte ng Maynila. At ngayo’y naglalakad kami patungo sa isang lugar na tinatawag nilang Fumetsu matapos atakihin ng mga infected ang sinasakyan namin kanina. Dalawa sa kanilang mga kasama ang namatay dahil sa insidenteng iyon. At ngayon, apat na lamang silang kasama namin.

“Ano’ng gagawin nila sa atin, ate?” tanong ko sa aking kapatid.

“Hindi ko alam, Macky. Pero gagawa tayo ng paraan para makatakas sa sitwasyon natin ngayon. Asahan mo ‘yan,” sagot niya.

Tumango na lamang ako. Tinignan  ko ang lalaki na nasa tabi ko. Natuon ang aking mga mata sa hawak niyang baril. Gusto ko ‘yong agawin. Gusto ko ‘yong kunin. Gusto kong umalis sa poder nila kasama ang aking ate. Ngunit hindi ko magawa. Nauunahan ako ng takot.

“Macky,” narinig kong bulong sa akin ni Alison.

“Ano ‘yon?” mahina kong tanong. May nais siyang sabihin sa akin ngunit ayaw niyang marinig ng mga lalaking kasama namin.

“Pagkabilang ko ng tatlo, kailangan mo tumakbo. Kailangan mong makalayo dito. Humingi ka ng tulong sa kahit na sino. Magtago ka. Aagawin ko ang atensyon nila,” wika niya.

“Pero...”

“Walang pero-pero, Macky. Kailangan mong makatakas. Huwag kang mag-alala, hahanapin pa rin kita. Gagawa ako ng paraan para magkasama tayong muli,” pagdidiin niya. “Maliwanag ba?”

Tumango na lamang ako. Pero nagsimula nang umagos ang luha sa aking mga mata. Alam ko na ang ibig sabihin nito. At hindi ko gusto ang binabalak ng ate ko. Nagsimulang bumilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko alam kung dahil ba sa gagawin ng kapatid ko o dahil sa makakatakas ako mula sa mga taong ito.

Humawak ako sa braso ni Alison at hinigpitan ‘yon. “Huwag mo akong iiwan, ate,” pagmamakaawa ko. “Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung maghihiwalay tayo.”

Ngumiti ang aking ate. Isang matamis na ngiti na pansamantalang nagpakalma sa akin. “Magagawa mong mabuhay, Macky. Magtiwala ka sa sarili mo. Hahanapin kita.”

“Ate...”

“Humanda ka na.” Pinutol niya ang aking pagtangis. “Isa... Dalawa...”

Tila natigilan ako sa paghinga. Unti-unting nialis ng aking ate ang kanyang braso mula sa pagkakayakap sa akin. Sa bawat hinga ng aking ate, gano’n din ang pagtibok ng aking puso. Hindi na siya nakatingin sa akin. Nakapokus na siya sa lalaki na aking katabi. Hindi ko gusto na ganito humantong sa huli ang lahat. Ni hindi ko alam kung ano nga ba ang kailangan nila sa akin.

“Tatlo.”

Mabilis na hinila ng ate ko ang baril ng lalaki. Itinutok niya ito sa baba ng lalaki at ito’y pinaputok. Halos sumabog ang itaas na parte ng ulo ng lalaki. Bukod sa dugo, alam kong may parte rin ng utak ang tumilapon paitaas. Hindi ko mapigilang mapatakip ng bibig habang hinihila ako ng aking kapatid palayo sa kanila. Pinagmasdan ko ang pagbagsak ng lalaking binaril ng aking ate at halos hindi ko na matukoy pa ang itsura nito dahil sa dami ng dugo.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now