25: THE LAST OF US

3.8K 71 27
                                    

KATIE

Ang pinakamasakit na puwedeng mangyari sa buhay ng isang tao ay marahil ang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Ang mapahiwalay lamang sa kanila ay sapat na upang magdulot ng matinding sakit. Kung hindi man pisikal ay emosyonal at mental. Mas masahol pa ito sa sugat na iyong matatamo. Sa pasa na puwede mong makuha. Sa sunog na mararanasan mo. Sa bawat pagtapak o pagyurak sa iyong pagkatao. Tila nga pag-ibig ang isa sa pinakamakapangyarihang bagay sa mundo.

Puwede kang buhayin nito. Puwede mo namang ikamatay din.

Nang mahanap namin ang sasakyan na ginamit ni Macky para makalayo sa Salvador gamit ang isang tracking device, alam ko na ang magiging kakahantungan ng lahat. Nakita naming sira ang naturang sasakyan. Bumangga ito sa isang pader at nagliyab ang kabuuan nito. Walang kahit ano’ng senyales ng buhay doon. Kahit katawan nila ay hindi na namin nakita. Marahil ay naabo na sila dahil sa unang tingin pa lang, matinding apoy ang tumupok sa sasakyan.

Napansin kong nanginginig si Ayen nang makalapit siya sa sasakyan. Hindi rin lumaon at nagsimula na siyang umiyak. Yumuko siya at sumigaw ng malakas, ang kanyang pagtangis ay marahil maririnig kahit sa kabilang kanto ng kalsadang ‘yon. Hindi ko kayang tumingin pa sa kanya. Para ring hinihiwa ang sarili kong puso kapag nakikita ko ang kanyang pag-iyak at naririnig ang pagtawag sa kanyang kasintahan. Lumayo ako sa sasakyan at napatingin sa sarili kong repleksiyon sa salaming pader ng isang abandonadong café.

Tumabi sa akin si Jeck. Pinagmasdan ko ang kanyang repleksyon. Naka-pigtails na ang kanyang mahabang buhok at nakasuot siya ng brown na vest na nakaibabaw sa puti niyang t-shirt. Nakasuot naman ako ng asul na longsleeves. Pareho kaming nakasuot ng asul na maong at itim na boots. May hawak siyang itak bilang sandata at isang pares ng pistol naman ang akin.

“Sa tingin mo, wala na talaga sila?” tanong niya.

Napakibit na lang ako ng balikat. “Marahil. Walang nakakaalam. Mas mabuti na magmasid na lang tayo sa paligid para malaman kung nandito ba siya o hindi,” sagot ko. “Kung nandito man si Red, marahil nandito rin si Macky. Kailangan nating maging maingat.”

“Sana nga buhay pa sila o kahit si Red man lang. Pero malaki ang tyansa na isa na siyang carrier. Hindi na natin siya puwedeng ibalik sa Salvador. Mas pipiliin ng Konseho na patayin na lamang siya para maiwasan ang posibleng outbreak sa loob,” wika niya.

“Mag-iisip tayo ng paraan para ibalik siya sa ayaw at sa gusto ng Konseho,” baling ko. Sawa na ako sa palaging pagbibigay ng utos ng Konseho. ‘Yon lamang ang ginagawa nila. Kami ang gumagawa ng aksyon. Desisyon lamang ang kanilang ibinibigay. Halos palpak naman ang mga ibinibigay nilang kautusan. Hindi na talaga ako nagtitiwala sa kanila.

Napansin kong ngumiti si Jeck. “No’ng una talaga kitang nakilala, alam ko nang ayaw mo sa—”

“Bitawan mo ako! Hahanapin ko si Red sa ayaw man o sa gusto mo!”

Lumingon ako at nakita ko si Ayen na nagpupumiglas mula sa pagkakahawak ni Shikko. Mukhang may sagutang nagaganap at halatang galit na si Ayen. Puwersahan niyang inialis ang kamay ni Shikko sa kanyang braso at naglakad palayo mula sa lalaki. Sumunod naman ‘to sa kanya.

“Delikado kung mag-isa ka lang maglilibot sa paligid, Ayen! Maraming carrier!” pagrarason ni Shikko.

“Wala akong pakialam! Hindi ako naniniwalang patay na si Red. Nangako sa akin. Alam kong hindi niya ako iiwan!” wika ni Ayen. Pinunasan niya ang mga luha sa kanyang pisngi at pinahid sa suot niyang pula at fit na sleeveless shirt.

Gusto pa siyang pigilan ni Shikko ngunit pinigilan siya ni AJ. Sa isang tingin pa lang nito sa naka-mohawk na lalaki ay tumigil na siya. Tinitigan na lamang niya ito habang naglalakad palayo sa pinangyarihan ng insidente. Huminga ako ng malalim. Hindi ko maaaring hayaan na mapag-isa si Ayen sa paghahanap sa kanyang kasintahan na hindi namin alam kung buhay pa ba o hindi.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now