22: OUT OF THE WALLS

1.5K 73 9
                                    

AI

Alas-kuwatro pa lang ng umaga ay nagsimula na kaming mag-impake. Bagama’t kulang kami sa tulog, kailangan na naming umalis ng maaga para hindi kami abutan ng gabi sa daan. Mas mabuti na ito upang may oras pa kaming makausap ang mga namumuno sa Navy Unit bago kami pumalaot papuntang Sangre Island sa Bataan.

Naglalagay na ako ng mga damit sa pinahiram sa aking maleta. Mabuti na lamang at taos-pusong nagbigay ng mga damit ang mga tao dito sa Salvador, isang bagay na ikinagagalak ng aking puso. Hindi ko inaasahan na maluwag ang pagtanggap nila sa amin no’n. Hindi lang talaga maiiwasan na may mga taong mga hindi nila katulad, mga taong malihim at may maitim na balak.

Kakaunti lamang ang dadalhin kong damit dahil hindi rin naman kami magtatagal. Sila Dr. Octavia ang maghahanda ng hazmat suits na gagamitin namin kapag pinuntahan namin ang isla. Inaasahan namin na kung iyon ang pinagmulan ng Cirvak virus, maaaring may mga carrier do’n. Mas mabuti nang maging sigurado kaysa maging hindi kami handa sa maaaring mangyari.

“Ready na ako,” narinig kong boses mula sa likod ko.

Nang lumingon ako, nakita ko si Tao na nakasandal sa pintuan. Nakasuot na siya ng berdeng vest at pulang shorts. May suot din siyang bonnet sa ulo. Mukhang aakyat lang siya sa bundok. Hindi ko mapigilang mapangiti.

“Ang pangit ng suot mo,” komento ko.

“Hey, don’t be so rude. Matagal ko nang gustong suotin ito, noh,” wika ni Tao sabay ayos sa vest niya na mukhang gusot pa.

Napailing na lang ako at nagpatuloy sa pag-impake. “Tulungan mo na lang sina Dr. Octavia sa pag-iimpake. Marami tayong dadalhin pagpunta sa islang ‘yon.”

“Marami na sila. Ayaw ko nang makigulo pa.” Lumapit siya sa puwesto ko at umupo sa higaan katabi ng maleta ko. Tila may nakita siya sa tumpok ng mga damit na hindi ko pa nailalagay. Isang pirasong papel ang kanyang pinulot at tinignan. “Sila ba ang mga magulang mo?” pagtatanong niya matapos niya itong titigan.

Sinilip ko ang papel na hawak niya. Iyon ang artikulo na nakuha ko sa opisina ni Dr. Tomou sa St. Padre Pio Research Institute and Medical Hospital. Hanggang ngayon ay pinanghahawakan ko pa rin ‘yon, umaasa na tuluyan kong madidiskubre ang tungkol sa research na isinagawa ng aking mga magulang. Sa buong buhay namin na nakatira rito sa Pilipinas, wala man lang binanggit ang mga magulang ko tungkol sa isang isla na tinatawag na Sangre Island.

Doon kaya nila ipinagpatuloy ang research nila tungkol sa Cirvak virus? Doon kaya isinagawa ang eksperimento sa mga imortal na kabataan? Ano kayang lihim ang tinatago ng mga magulang ko sa lugar na ‘yon?

“Okay ka lang ba, Ai? Ang lalim yata ng iniisip mo,” biglang tanong ni Tao. Nang tinignan ko siya, nakikita ko ang kanyang concern sa kanyang ekspresyon.

“Naaalala ko lang ang mga magulang ko at ang eksperimento nila tungkol sa Cirvak. Kung nagawa silang patayin ni Dr. Tomou dahil sa virus na ‘to, marahil may mas malalim pang dahilan. Hindi ko matukoy pero sa islang ‘yon natin malalaman ang kasagutan. Hindi na ako makapaghintay na makatapak sa lugar na ‘yon,” sagot ko.

“Sa tingin mo, alam ng Fumetsu Corporation ang tungkol sa islang ‘yon. Kung doon gumawa ng mga experiments sina Dr. Tomou at ang mga magulang mo, sa malamang napuntahan na nila ang lugar na ‘yon,” baling ni Tao.

“Kaya kailangan nating mag-ingat. Hindi natin alam ang galaw ng mga kalaban natin. Marahil wala na tayong mahahanap doon pero nagbabaka sakali pa rin ako. Kailangan nating maging handa sa mga mangyayari.” Nang mailagay ko na ang mga gamit ko sa maleta ay isinara ko na iyon. Kinuha ko ang papel mula sa kamay ni Tao at inilagay iyon sa aking bulsa. “O siya, kunin mo na ang mga gamit mo. Puntahan na natin sina Dr. Octavia.”

Contagio (Pandemia #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon