13: ONLY THE GOOD DIE YOUNG

1.6K 74 12
                                    

AJ

 

Hindi mapaglagyan ang galit na nararamdaman ko. Hindi ko matanggap na nawala si Hope dahil sa akin. Tila isa akong baliw na hinahanap-hanap siya ngunit wala akong kahit anong ebidensya sa kung nasaan siya ngayon. Ang kinatatakot ko ay baka nakuha siya ng mga taga-Fumetsu. Pero mahirap isipin na ganoon na lang kami kabilis nakuha. At bakit siya lang?

Abandonado ang kalye na tinatahak namin ngayon. Mga kotse lamang ang nakaabang sa amin. Puno ng alikabok ang paligid. Sira ang mga salamin ng mga gusali sa paligid. May mga tumbang poste. Sa kalayuan ay doon nagsasama ang mga kalye upang maging isa lamang. Sa paningin ko’y wala sa tamang anyo ang paligid. Dala siguro ito ng matinding init sa kadahilanang tirik ang araw.

Sabihin nang baliw ako pero desperado na akong mahanap si Hope. Nagsimula na akong magsisigaw sa bawat hakbang na tinatahak namin. Walang sumasagot sa akin ngunit ang pagbalik ng sarili kong boses.

“AJ, tama na ‘yan! Baka may mga carriers sa paligid!” sigaw ni Shikko na humarang sa harap ko.

“Baka marinig niya tayo, Shikko! Malay mo hinahanap niya tayo ngayon,” pagrarason ko.

“Kung gayon, dapat matagal na niya tayong nahanap! May nangyari sa kanya, AJ! Kinakabahan ako pero ayaw kong ipasintabi ang kaligtasan natin. Tandaan mo, hindi na tayo katulad ng iba,” wika niya sabay tingin kay Kate na mukhang takot at naguguluhan.

Huminga ako ng malalim. Hindi ko mapigilan ang emosyon na nararamdaman ko. Sa tingin ko’y tutulo ang luha mula sa aking mga mata. “Wala akong pakialam sa mga carriers. Kailangan kong mahanap si Hope!” sigaw ko. “Hope, nasaan ka?! Hope!”

“Itigil mo ‘yan, AJ!” sutsot ni Shikko.

Huli na ang lahat. Sa isang kanto ay may paparating na mga carriers. Dalawang lalaki at isang batang babae. Kapansin-pansin na mabagal ang kanilang galaw at mukhang nahihirapan sila. Marahil ay nagsisimula nang manlambot at maging dugo ang kanilang laman, lalo na ang kanilang mga buto. Nang matiyempuhan kami ay agad silang sumugod. Tila mababangis na hayop na gumagawa sila ng ingay. Nakikipag-usap. Naghahanap ng iba.

“AJ!” narinig kong sigaw ni Shikko ngunit hindi ako lumingon sa kanya. Agad kong inalabas ang dala kong screwdriver mula sa aking pantalon at sumugod sa kanila.

Sinimulan ko ang dalawang lalaking carriers. ‘Yung isang pilit na sumunggab sa akin ay agad kong hinawakan sa leeg. Itinarak ko ang aking sandata sa kanang mata nito. Nang sumirit ang dugo ay inilayo ko ang aking mukha. Mabilis binitawan ang bangkay ng lalaki at sumugod naman sa isa. Sinipa ko ‘to sa tiyan at napatumba ito sa sahig. Tinapakan ko ang dibdib nito at agad na ibinaon ang screwdriver sa noo nito.

Humarap ako kina Shikko at nakita kong sumugod ang batang carrier kay Kat. Naalarma ako. Mabilis akong tumakbo at hinila ang bata palayo sa kasama namin. Buong lakas ko itong inihagis sa kalapit na kotse. Tumama ito at humandusay sa sahig na parang lantang halaman. Ngunit alam kong buhay pa ito kaya akmang sasaksakin ko ito.

Tumingin ito sa akin. Ang mga puting mata niya’y tila nangungusap sa akin. Napatigil ako. Hindi ako makagalaw. Sa kanyang mga mata ay nakikita ko ang isang batang walang kamuwang-muwang. Batang walang kalaban-laban. Batang biktima ng katakot-takot na insidente. Batang biktima ng masasamang tao ng lipunan. Batang hindi na maililigtas pa.

Hindi ko na nagawang patayin ang batang carrier. Mabilis itong tumakbo palayo sa amin. Nakatayo lamang ako doon at tinatanong ang sarili. Ano ang ginagawa ko sa sarili ko?

Nakaramdam ako ng kamay sa kanang balikat. Bumungad si Shikko sa akin. “Okay ka lang?” tanong niya. Napapansin niya marahil ang kakaibang inasal ko kanina.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now