2: HAVEN

2.5K 88 7
                                    

RONALD

 

Hindi pa kami nakaka-encounter ng ganitong bagay. Praktikal na nanlaki ang aking mga mata dahil sa nasasaksihan ko. Hindi pa ako kinakabahan ng ganito katindi sa buong buhay ko. Dinig na dinig ko ang mabilis na tibok ng aking sariling puso.

“Totoo ba ‘tong nakikita ko?” narinig kong tanong ni Ayen sa aking tabi. Hindi ko namalayan na umakyat din pala siya para makita ang kaganapan sa labas.

“Ayen, hindi ligtas na dito ka. Bumalik ka sa loob. Kailangan ka ni Pia ngayon,” wika ko.

Nanlaki ang mga mata ni Ayen at tumingin ito sa akin. Wala na siyang sinabi at nagsimula na siyang bumaba ng hagdanan. Sinundan ko siya ng tingin ngunit agad ko din ibinalik ang atensyon ko sa problemang nakikita ko ngayon. Kasalukuyan kong nakikita ang sasakyan nina Katie na mabilis na lumalapit sa aming kinaroroonan. Nakikita ko ito dahil isang malawak at patag na kalsada ang harap ng Salvador. Halos walang mga gusali ang nakikita. Napili namin ito upang mas mabilis na makaalis ang mga tao sa loob ng Salvador sa panahong kailangan na naming lumisan.

Maraming bilang ng mga carrier ang tumatakbo at humahabol sa kotse. Ang iba naman ay sumulpot na lang sa iba't ibang direksyon na tila alam nila kung ano ang nagaganap. Para bang may nagsabi sa kanila na may taong paparating dito Malaking palaisipan sa aking kung paano nangyari iyon. Kung susumahin, aabot sa apat na raan ang dumadating na carrier. Hindi ito maganda.

Tinignan ko ang mga kasama kong nasa loob ng Salvador, mula sa mga kasama ko sa itaas hanggang sa mga nangangamba kong mga kasama sa ibaba. Simula nang maitayo ang Salvador isang buwan na ang nakakalipas ay ako na inatasan sa pagprotekta sa lugar na ito. Dahil na rin sa ako'y isang taong naging sundalo at bihasa sa aking larangan ay isa ako sa mga namuno sa pagbabanta at paningurado na ligtas ang Salvador mula sa mga carrier. Kasama ko sina Greg at Macky sa pagbabantay. Mayroon din konseho na namumuno sa Salvador ngunit ang tanging layunin nito ay pag-usapan ang mga maaaring gawin para sa ikabubuti ng Salvador. Binubuo ito ng sampung tao na mas nakakatanda sa amin.

“Anong nangyayari?” narinig kong tanong sa likod ko. Lumingon ako at nakita ko si Ai na tumabi sa akin. Nang tignan niya ang kaganapan sa labas ay tila nagulat siya. “Sina Katie ba ang nasa loob ng kotse?” tanong niya nang may panghihina sa boses.

Simula nang mapunta ang grupo nina Ai dito ay nagsilbing mapagkakatiwalaan na kasapi ang dalaga. Marami siyang alam tungkol sa krisis na kinakaharap namin ngayon, lalo na't isa siya sa mga na-trap sa loob ng ospital at ang mga magulang niya ang nagsilbing pioneers sa paglikha ng virus na ito. Siya rin ang nagibigay suhestiyon na gawing mole si Matt para makapasok siya sa Fumetsu Corporation at makakuha ng impormasyon tungkol sa kinakaharap naming sakit ngayon. Madali ang naman daw iyon ayon kay Ai. Anak si Matt ni Dr. Tomou. Malaki ang utang na loob ng korporasyin na iyon sa doktor na pinatay ni Ai.

Ayon kay Ai, hindi pa tapos ang kanyang paghihiganti. Magsisimula pa lang ito.

“Ihanda ang mga sandata!” sigaw ko nang hindi lumilingon sa aking mga kasama. Narinig ko ang galaw nila at tunog ng mga baril na kinakasa at hinahanda. Magsisimula na ang laban ng Salvador.

Napansin ko na tumigil hindi kalayuan sa kinaroroonan namin ang kotse na sinasakyan nina Katie at Greg. Anong nangyayari? Nakita ko silang lumabas at napansin ko na apat sila. Buhat-buhat ni Greg ang tila isang babae. Si Katie naman ay may kasamang isang babae na tila ka-edad niya. Nagmamadali silang pumunta sa pintuan papasok ng Salvador. Marahil tumirik ang kanilang sinasakyan.

“Bakit mo sila pinalabas, Ronald?” narinig kong tanong ni Ai. “Delikado nang lumabas pa tayo at pinagbawalan na tayo ng konseho.”

“Nakakuha kami ng radio signal sa Sucat area, naisip ko na marahil may mga tao doon. Pinapunta ko sila ng palihim dahil ayaw ng konseho na tumanggap pa ng ibang tao sa Salvador. Masyado na daw tayong marami para magkasya,” sagot ko. “Sila marahil ang humihingi ng tulong.”

Contagio (Pandemia #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon