PART 1

3.2K 49 3
                                    

"Muta"

Taong 2005

Sa bayan ng Dolores na kinalakhan ko,  halos magkakilala ang mga tao. Kung hindi man sa pangalan, pamilyar sa mga mukha. Lalo  na sa aming barangay. Magkakakilala ang lahat.

Ang isa sa mga katangian ng aming mga kababaryo ay magpapaniwala sa iba't ibang elemento.  Gaya ng mga diwata, kapre, duwende at iba pang lamang-lupa lalung-lalo na ang 'aswang'. Isama mo pa ang konsepto ng barang at kulam.

Siguro, ginagawa nilang buhay ang ganitong paniniwala bilang pananakot sa mga bata. Para huwag lumabas ng bahay pagsapit ng gabi.

Bilang iyon ang nakagisnan, sadyang tumatak ito sa akin. Pero wala pa naman akong nabalitaang bata o taong kinain ang kanyang laman ng isang maligno o ng isang aswang.

Kaya ang pamilyang pinaghihinalaang aswang, kinatatakutan at iniiwasan.  Isa sa mga napapabalitang aswang 'daw' sa bayan namin ay ang pamilya ng mga Claro. Na nagkataong kabarangay namin.

Kung tutuusin isa sila sa pinakamayaman sa aming bayan. May-ari sila nang malalawak na lupain. May sakahan sila ng palay at niyog at marami din silang mga alagang hayop. Nagmamay-ari din sila ng maraming bangkang pumapalaot upang mangisda.

Mabait ang kanilang pamilya. Madalas nga silang magsponsor tuwing may okasyon  sa barangay  o sa bayan. Pero sa kabila ng kanilang mga naitutulong, nananatiling mailap karamihan sa amin dahil bantog silang aswang.

Ang lahat ay nag-ugat sa kwentong ang pinakamatandang Claro noon ay nakita di umano na nagpalit ng anyo. Naging isang malaki at maiitim daw ito na aso. Na sinundan pa ng kwentong nakita itong di pang-karaniwang aso na kinakain ang laman-loob ng isang kambing. Ayon sa mga nakakita, gamit ang itak, tinaga nila ang nasabing pinaghihinalaang aswang na nag-anyong aso.

Natamaan ang hayop sa may bandang leeg  Agad daw itong tumakbong duguan. Mula sa patak ng dugo, nasundan ng mga humahabol ang nag-aanyong asong aswang papunta sa pamamahay ng mga Claro. Kinabukasan, ang matandang Claro ay nabalitaang nasa ospital dahil nagtamo umano ito nang malaking sugat. Kaya't, pinagdugtong-dugtong nila ang kwento hanggang sa umigting ang balibalitang aswang ang pamilya nila.

Nakapanghihinayang lang na may  ganoong bahid ang pamilya nila. Sa totoo lang, pamilya sila ng mga mestizo.  Maliban sa lahing aswang, may lahi silang Kastila.

Ang mga kalalakihang Claro ay matatangkad, may matitikas at  magagandang pangangatawan. Likas din na mga gwapo. Lalo na si Felestino III o mas kilala sa tawag na Thirdy, ang bunsong apo ng kanilang pamilya.

Si Thirdy ay nasa fourth year  highschool sa isang pribadong paaralan sa aming bayan. Balitang dapat nasa kolehiyo na ito kaso nagloko kaya umulit daw.

Siya ang tipong hindi palakibo at palakaibigan. Hindi ko nga alam kung nakikita ka ba niya o hindi kung nagkakasalubong kayo kasi derecho lang siyang naglalakad o nagmomotor.
Dahil sa ganitong pinapakita niya, kilala siyang napakasungit. Hindi palangiti. At hindi rin pala-barkada. Siguro sa barangay namin, wala talaga siyang matatawag na kaibigan. Ang mga kaedaran niya'y hindi na rin lumalapit sa kanya, dahil na rin siguro sa imahe ng kanilang pamilya.

Naalala ko pa nga noon, batang-bata pa ako at isa ako sa mga nambubully sa kanya. Sorry na kung bully ako noon. At malakas ang boses na tawagin siyang, "aswang... aswang."

Sabado. Nagising ako sa lakas ng ingay na nanggagaling sa tindahan namin- may bibili malamang. Isa kami sa may tindahan sa lugar namin.

Agad akong bumangon at hinanap sila nanay at ang mga kapatid ko.  Ngunit walang sumagot. Bagamat nagtaka kung nasaan silang lahat at iniwanan ang tindahan na walang nagbabantay. Agad kong tinungo ang pintuan kung saan may lagusan sa aming sari-sari store.

"Pabili... pabili.." ang patuloy na tawag ng boses ng isang lalaki sa labas.

Inaantok pa ako kaya di ko mapigilang mainis.  "Saglit lang." Sobrang istorbo naman nito sa loob-loob ko.

"Ano ba ang bibilhin mo?" Nakapikit pa ako halos na humarap sa bibili.

"Kanina pa ako dito tawag ng tawag. Aba kung ayaw niyo ng may bumibili eh di magsara na kayo!" puno ng inis na pagkakasabi ng boses.

Tila binuhusan ako ng malamig na tubig at tuluyang nagising ang buong diwa dahil sa narinig. Di ko mapigilang sumimangot.

"Naku pasensya na po at kagigising ko lang po." Agad naman akong napatingin sa lalaking customer. Napadilat ang mata ko nang bumungad sa akin ang galit nitong mukha.

Ay anong ginagawa niya dito? Bakit nandito siya, si Thirdy ba ito? Ay malamang bibili, may tindahan kayo anang utak ko nang tuluyan itong nagising.

Kahit nagulat dahil sa di inaasahang customer. Hindi ko maiwasang pasadahan ang mukha  nitong nahaharangan ng grills. Ngayon ko lang siya nakita nang malapitan. Ganito pala siya kagwapo.  Binatang-binata na.

Siguro nasa elementary palang ako noon nang huli ko itong makita kahit kapit-bahay lang namin siya. Tsaka hindi naman ata to naglalabas ng bahay kapag walang pasok. Natatanaw ko lang  siya dati na nagmomotor. Di tulad ngayon na kaharap ko na sa malapitan.

"Alam ko, dahil may muta ka pa sa magkabilang mata!" What?!

Bakit pakiramdam kong gusto ko nalang magpalamon ng lupa ngayon dahil sa sinabi nito. Nakakahiya amputa!

Bakit muta ang napansin niya? Sobrang laki ba ng muta na yan para agad niyang mapansin? Ugh. Bigla tuloy akong nahiya't na-conscious sa hitsura. Bakit ngayon pa talaga kung kelan bago akong gising. At di man lang nanalamin muna.

Agad akong nagkubli sa mga nakasabit  na kape't milo upang  pasimpleng magtanggal ng muta. Sinama ko na ring himasin ang gilid ng bibig ko baka may natuyo pang laway. Madudouble kill pa ako nito sa hiya. 

"Ano bibilhin mo?" boung tabang ko nalang tanong.

"Sunsilk dalawang sachet".

Luh, bakit sila bumibili ng tingi? Naghihirap na ba sila? Char. 

"At limang pisong asin," dagdag nito. Teka  lang, di ba ang sabi nila, ang mga aswang ay kumokontra sa asin? Eh bakit nandito itong si Thirdy  bumibili ng limang pisong asin.  Anong pagpapanggap ito? Paki-explain.

Di ko tuloy maiwasang muling mapatingin sa kanya. Siguro nabasa niya ang takbo ng utak ko. "Naubusan kami.."

So gumagamit talaga sila ng asin? Kung ganun, eh hindi totoong kontra ang aswang sa asin? Ewan.

Tumango nalang ako habang kinukuha ang shampoo at asin. Pagkaabot niya ng bayad, napalabi ako nang makita ang buong 500 na papel.  Seryoso ba siya? Sampung piso lang naman lahat tapos magbabayad siya ng 500.

"Wala akong panukli." Matapos makitang di aabot ang nasa lalagyan ng pera. Mukhang balak lang pala nito magpabarya kaya bumili.  Sa susunod nga,  maglalagay na ako ng paskil na barya lang sa umaga para sa ganitong nagpapalit lang.

"Wala ka bang barya lang?" Umiling-iling ito. "Sunod mo nalang bayaran. Utangin mo nalang muna."

Iniabot ko sa kanya ang binili niya. "Sige." Saka ito tumalikod at umalis.

Nakahinga ako ng maluwag matapos ang lahat.

Pero bakit naalala ko pa rin ang kaninang masungit pero gwapo niyang mukha? Animoy  tumatak sa utak ko ang makinis niyang pisngi, mapupungay na mata. Kahit masungit ito at hindi ngumingiti, magandang lalaki pa rin. Bagay sa kanya ang kanyang morenong balat. At matangkad siya. Kinakailangan ko pa nga siyang tingalain kanina. Tapos  malaman ang kanyang pangangatawan.

Walang duda. Gwapo nga siya. Pero sayang. Sayang at aswang daw. Pero punyeta kung  ganito kagwapo ang isang aswang, willing akong  magpalapa. Now na. ###

[ITUTULOY]

LAHING ASWANGWhere stories live. Discover now