Day 29

13.7K 232 15
                                    

Sa mundong ginagawalan ko, isang sakit lang ang kumakalat na alam kong dahilan kung bakit nagiging masama ang isang tao-iyon ay walang iba kundi ang sakit na inggit. Ayon sa aking obserbasyon, lahat tayo ay mayroon nito at nasa tao na lamang iyon kung paano niya ito co-control-in sa pang-araw-araw niyang gawain. Halos lahat kasi ng bagay ay puwede natin kainggitan, kaya kung hindi mo ito kayang control-in ay maaari ka nitong sirain. Nagsisimula ito sa maliit na selos hanggang sa na-iinggit ka na pala and worst, kinukuha mo na ang kung ano'ng mayroon ang iba. Isn't it scary? Yeah it is!

At isa ito sa napapansin ko ngayon sa magkapatid na Blevins. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ganoon na lamang ka-desperado si Raegun na kunin ang lahat sa kaniyang kapatid na si Raeburn, gayong pareho lang naman sila ng yaman? Iisa lang ang kanilang mga magulang, iisa ang dugo na nananalaytay sa kanilang mga ugat at higit sa lahat ay hindi lang sila basta magkapatid kundi magka-kambal! Kaya paanong umabot sa ganitong sitwasyon si Raegun? Bakit pakiramdam ko ay labis-labis ang inggit nito sa kaniyang kapatid?

Napahinga ako ng malalim.

Ipinilig ko na rin ang aking ulo upang iwaksi ang kung anu-anong konklusyon na pumapasok sa isip ko tungkol sa magkambal na iyon. Bakit nga ba pinaglalaanan ko ng oras iyon para isipin, gayong ako ang may malaking problema sa mga oras na ito at kailangan ng agarang solusyon? Tsk!

Pansamantala ko munang itinigil ang paglalagay ng gamit sa aking maleta nang makita ko ang litrato ni Lolopa sa screen ng aking cellphone. Marahan ko iyong kinuha sa ibabaw ng kama at magiliw na sinagot ang kaniyang tawag sa gitna ng malungkot na tugon nito.

"Sigurado ka na ba talagang ngayon ang alis mo riyan? Puwede mo naman ipagpabukas, Hija," muli niyang pagpupumilit.

Nakausap ko na kasi siya kanina tungkol sa bagay na ito at aniya'y bakit daw hindi ko na lamang ipagpabukas ang pag-alis upang makasama ko pa ang mga kapatid ko? Naiintindihan ko naman ang ipinupunto doon ni Lolopa, subalit sa palagay ko ay mas mahihirapan akong umalis kung bukas ko pa iyon gagawin. Kaya't kung kaya ko naman gawin ngayon ay gagawin ko na upang hindi na kami mahirapan pa.

"Hindi na Lolopa. Baka hindi ko kayanin," sagot ko nang may ngiti sa labi, ngunit mararamdaman ang lungkot sa aking tinig.

Dinig ko naman ang paghugot nito ng isang malalim na paghinga sa kabilang linya. "Kung iyan ang gusto mo," aniya na animo'y sumuko sa lahat ng diskusyon namin kanina. "Nakahanda na ba ang mga gamit mo? By eleven-thirty ay nariyan na ako."

"Opo, Lolopa. Hinahanda ko na," sabi ko habang kinukuha ang ilang damit na natira sa aking closet. "Mag-ingat ka po sa pagpunta dito, ha?" sinserong pagpapa-alala ko.

"Oo, nak, mag-iingat ako. Salamat," sagot niya bago ibinaba ang kaniyang telepono.

Ilang segundo pa muna akong tumitig sa log ng aking cellphone bago ko napagpasyahang ihagis ito sa ibabaw ng kama at saka dumiretso sa loob ng banyo upang kunin ang mga gamit panligo. Hindi na ako magtataka kung bakit hindi ako tinatanong ni Lolopa sa lahat ng nangyayari sa akin ngayon, malamang sa malamang kasi ay sinabi na ni Mrs. Ward ang tungkol dito bago pa niya ako ipina-tawag sa kaniyang opisina kaninang umaga.

Isa ito sa magandang katangian ni Lolopa, hindi ka niya pipiliting magsalita hangga't hindi ikaw mismo ang kusang magku-kwento sa kaniya ng mga bagay-bagay na nangyayari sa buhay mo. Naalala ko tuloy noon sa tuwing kami ay mag-a-away-away magkakapatid, lalapit lang siya sa amin at magtatanong kung ano ang nangyari habang kami naman ay nananahimik sa isang tabi. Hindi ka nito pagagalitan, bagkus ay hihintayin ka lamang nito hanggang sa ikaw na mismo ang kusang magsabi at saka lang siya magbibitaw ng isang matalinghagang salita. Pinalaki niya kami sa ganoon niyang katangian, kaya naman sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kay Lolopa dahil lumaki kami ng ganito katapat sa sarili at sa isa't isa.

Love Without RulesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon