Day 39

10.3K 221 37
                                    

Marahang naglalakad si Ash patungo sa student's park kung saan naroon ang kaniyang mga kaibigan. Sa paglalakad niyang iyon ay binabagabag ang kaniyang isipan ng mga tanong kung bakit biglaan ang pagkakaroon ng meeting ng mga opisyal sa administration office kasama ang kaniyang kasintahan. Kinakabahan siya, sapagkat kahit na ipinapakita sa kaniya ni Burn na hindi ito apektado ay nararamdaman pa rin niya ang tunay nitong reaksyon sa biglaang pagdating at pagpapatawag dito ng mga magulang nito.

Ano kaya ang dahilan? Bakit biglaan? Ito ang paulit-ulit na tanong niya sa isip na kahit hanggang sa nakarating na siya sa kinauupuan ng kaniyang mga kaibigan ay hindi niya iyon namalayan. Kunot-noo tuloy siyang pinagmamasdan ng mga ito habang inginunguso ang isa't isa kung sino ang unang kakausap sa kaniya.

"Oo, Kim, nandito sa tabi ko. Sige, ibibigay ko..."

Tila nasagot naman ang pagtuturuan nina Aikee, Belle, at Karina kung sino ang unang kakausap sa kaibigan nilang wala sa huwisyo dahil si Lia na ang unang nagpatianod doon. Inilahad nito ang cellphone sa harapan ni Ash saka hinampas nang katamtaman ang balikat upang bumalik ito sa reyalidad.

Nanlaki ang mga mata ni Ash sa gulat. "Aray, masakit!" reklamo niya na hindi naman pinansin ng kapatid.

"Eh, bakit kasi tulala ka riyan? Anong nangyari? Saan ka galing? Kanina ka pa namin hinahanap," dire-diretsong tanong ni Lia.

Napatitig lamang siya rito.

Sa halip kasi na mainis siya sa tinurang iyon ng kapatid ay matamis na napangiti lamang siya dahil sa katotohanang na-miss niya ang ganoong asal nito. Pinandilatan tuloy siya nito ng mata saka muling inilahad ang cellphone at isinenyas na kausapin ang taong nasa kabilang linya.

Kinuha niya iyon saka idinikit sa kaniyang tainga. "K-Kim, kumusta? I miss you!" masiglang bungad niya rito.

"Heh, miss-miss ka riyan! Nakakatampo kayo ni Lia, hindi man lang kayo nagpaparamdam..." ani Kim sa tono na nagtatampo.

Napangiwi naman siya dahil doon. "Sorry na, Kim. Masyado lang maraming nangyari," tugon niya.

"'Yan na nga ang ikinatatampo ko, e! Porque wala na ako riyan, hindi niyo na ako ina-update."

Napatingin si Ash kay Lia; tingin na nanghihingi ng tulong dahil sa pagtatampo ng kapatid nila. Subalit sa halip na tulungan siya nito ay sumubo lamang ito ng isang pirasong sitserya saka ibinaling ang paningin sa ibang parte ng lugar.

Inirapan niya tuloy ito sa hangin.

"Kumusta na si Lolopa? May kahina-hinala pa bang umaaligid sa bahay at sa hospital, ha?" pag-iiba niya ng usapan.

Mabuti na lang, biglang pumasok iyon sa kaniyang isip. Minsan na kasing ibinalita ng kapatid na may napapansin itong kakaiba sa paligid, kaya naman dinoble pa ni Burn ang mga bodyguards nito upang magbantay sa loob at labas ng lugar.

Huminga nang malalim ang kausap. "So far, wala na. Pero si Lolopa..." malungkot na sagot nito.

Kinagat niya ang kaniyang labi.

Minsan, parang hindi na niya nagugustuhan pa ang pagtatanong tungkol sa kalagayan ng ama. Lalo na sa tuwing isinasagot ng kapatid na wala pa ring pagbabago at nananatiling comatose pa rin ito ay tila sinasaksak ang kaniyang dibdib sa katotohanang wala silang ibang magawa kung hindi ang magtanong lang at makibalita-walang aksyon, walang plano. Basta, umaasa na lang sa kung ano ang ikumento ng grupo. Ang nais niya sana ay siya mismo ang gumawa ng mga paraang naiisip niya, ngunit hindi niya magawa dahil naroon siya sa loob ng eskwelahan at may kinakaharap na iba pang problema.

Love Without RulesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon