Traveling Violation

6.9K 85 1
                                    

Hindi kinaya ni Drew ang pagseselos. Hindi niya kayang makitang may bagong ka-close na naman si Camille. Kaya pinili na lang niya ang umalis ng Coffee Cat. Hindi siya napansin ni Camille na umalis.

Sa daan, walang tigil ang pang-aasar sa kanya ng barkada. Todo sunod lang sila kay Drew na hindi alam kung saan pupunta.

“Dude pwede bang hinay-hinay lang sa paglalakad?” request ni Arkin. “Di ka naman makakamove on sa ganyan…”

“Oo nga…tsaka ano ba kasi talaga nangyari?” curious si Dion “Ang labo nyo ni Mac e no? Away-bati?”

Tuloy lang sa paglalakad si Drew. Nakasimangot. Kinukumbinse ang sarili…

Drew wag mo na masyado isipin si Camille…ang isipin mo na lang ang anak mo!

Pero hindi niya magawang hindi isipin ang reaksyon ni Camille. Kung ano talaga ang tumatakbo sa isip nito?

Nagpasya kaya si Camille na hindi na sabihin ang nalaman niya? Pero kapalit non ay maging malapit sa iba? Para konsensyahin ako? Para gantihan ako sa paglilihim ko sa kanya? Ayaw niya na kaya talaga sakin? Kinalimutan na niya ang feelings niya sa akin dahil sinaktan ko siya?

Hindi alam ni Drew kung paano niya sasagutin ang mga sariling tanong. Hindi nya rin magawang magkwento sa barkada kung ano talagang nangyari.

Hanggang sa may napansin si Arkin.

“Drew di ba si Yuri yon?” sabay turo kay Yuri na tulak-tulak ang stroller patawid sa kabilang kalsada.

Biglang narealize ni Drew na kapatid nga nya ang tinuturo ni Arkin. At  napansin niya agad na si Baby Albert ang nasa stroller! Agad niyang pinuntahan si Yuri sa sobrang takot na baka mapahamak ang dalawa.

“Yuriiii!” patakbong nilapitan ni Drew si Yuri. Tinabi sa daan ang kapatid. Dinig niyang iyak lang nang iyak si Baby Albert.

“Anong ginagawa mo dito? Bakit ikaw lang?” worried si Drew kung bakit nasa labas ng bahay ang kapatid at anak niya.  “Sino kasama mo?”

Biglang dumating ang tiyuhin at tiyahin ni Drew na sina Ceasar at Elise.

“Yuri andito ka lang pala…” worried din ang mag-asawa. “Kanina ka pa namin hinahanap…”

Confused si Drew. Ano bang nangyari?

Paliwanag ng mag-asawa, pinaalaga sa kanila si Yuri at Albert dahil may kanya-kanyang  pinuntahan sina Raquel at Gilbert. Pinasyal nila ang mga bata sa park. Nang mag-CR si Elise, may nakausap naman si Cesar. Hanggang sa narealize nilang nawawala na sina Yuri at Albert.

“Naku, delikado pa naman ngayon…daming kidnaper!” sabat ni Arkin. Siniko naman siya ni Dion para tumahimik.

Halatang kinabahan talaga si Drew. Kaya kinarga ang anak niya na patuloy sa pag-iyak.

“Pasensya ka na talaga, Drew. Hindi naman namin intensyon na pabayaan ang kapatid mo…pati yang baby mo…” sobrang apologetic si Cesar.

“Baby ni Drew? May baby ka na dude?” gulat sina Arkin at Dion sa narinig. Sabay tingin kay Drew na karga si Albert.

“Opss, sorry hindi pa ba nila alam?” napakagat labi si Cesar. Sabay kurot ni Elise. “Daldal mo talaga!”

Si Drew, hindi alam kung paano sasabihin sa barkada. Wala na siyang choice. Kaya…

“Oo. Baby ko to...anak namin ni Vanessa…” Pag-amin ni Drew.

Nganga sina Arkin at Dion! Seryoso ba si Drew?

***

Nauna nang umuwi sina Cesar at Elise kasama si Yuri. Pero si Drew naiwang karga si Baby Albert kasama pa din niya sina Arkin at Dion. Naikwento nya na ang lahat sa barkada. Hindi makapaniwala ang dalawa.

 “Anong feeling ng may anak na dude?” curious si Arkin.

“Iba-iba e. Hirap i-describe.” sagot ni Drew habang nakatingin lang sa baby niya.

“Pero hindi ka ba nahihirapan?” tanong ni Dion.

“Syempre nahihirapan!” sagot agad ni Drew. Todo hele kay Baby Albert.

“Hindi halata ha!” pansin ni Arkin “Parang cool ka lang e.”

“Hindi no!” bulyaw ni Drew. Pinagsabihan ang barkada. “Hindi cool ang maging ama sa edad kong to. Mahirap maging isang ama lalo na kung hindi ka handa…”

Dagdagan ni Drew, “Kaya kayong dalawa, wag nyo kong gayahin ha. May panahon para sa lahat. Wag na wag kayong magmamadali gaya ko.”

“Naks, tatay na tatay ka na kung magsalita ha!” hagikgik si Arkin.

“Seryoso ako…makinig kaya kayo sakin!”

“Opo daddy!” sagot nila Dion at Arkin.

Pinakiusapan din ni Drew ang barkada na bawal munang sabihin o kwento ang lahat sa iba. Nangako naman ang dalawa sabay labas ng cellphone si Arkin.

“O video muna tayo, pang remembrance…”

“Kasasabi ko lang na dapat walang makakaalam e. Tapos ibi-video mo pa!” asar si Drew.

“Private video lang naman. Di ko ipopost promise!” paninigurado ni Arkin.

“O basta wag mong ipopost sa net!” paalala ni Drew.

“Promise nga!”

Sa huli, pumayag na din si Drew. Kinunan ni Arkin si Drew at Baby Albert.

Tuwang-tuwa sina Arkin at Dion kay Baby Albert. Parang ngayon lang nakakita ng baby.

“Uy! Gawin mo kaming Ninong  ha…” volunteer ni Dion.

“Sige punta kayo sa Pasko!” sabi ni Drew. Dahil hindi natuloy ang dating binyag nung araw na umalis si Vanessa papuntang Amerika. Kaya napagpasyahan nang pamilya Medina na sa Pasko na lang ituloy ang naudlot na binyagan.

Kitang excited sina Dion at Arkin.

***

Nang umuwi si Drew, wala pa din ang mga magulang niya. Siya na ang nag-alaga kina Yuri at Baby Albert.

Mabilis niyang napatulog sina Yuri at Baby Albert. Nakaramdam na din siya ng pagod. Pero may homework pa siyang kailangang tapusin.

Sa isip niya…

Ang hirap talaga pagsabayin ang pagiging isang estudyante at pagiging isang ama.

Nang buksan niya ang computer para mag-research, may naresib siyang message sa fb from a random schoolmate.

“Drew, totoo ba to?” clinic ni Drew ang link.

Laking gulat niya sa nakapost sa Hopians Tambayan. Ang video kung saan karga niya ang baby niya. Kung saan nandon sina Arkin at Dion. Kung saan pinagmamalaki niya na baby niya si Baby Albert!

Bagong post pa lang ang video pero naka-378 likes. 130 comments. 42 shares na ito!

Gulat na gulat si Drew! Ang sikreto niya nabulgar na sa lahat!

Patay!

BAGITOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon