Kabanata 54

2.3K 104 3
                                    


Tinulungan ni Clark at Rheden si Felicitang makaakyat sa bakod na rehas. Madali namang nakaakyat si Felicita dahil may naapakan ang kaniyang mga paa.

Nang makababa sa kabila ay hindi na siya lumingon pa sa kapatid. Alam niyang tuluyan lang siyang maiiyak muli 'pag ginawa ito.

Tumalikod na siya at naglakad, napatigil lang siya nang marinig ang habilin ni Rheden, "Mag-iingat ka, bunso."

Mag-isang tinahak ni Felicita ang damuhan. Walang makikitang tao sa paligid, pero sa isip niya ay mas mabuti na ito.

Gusto niyang sumigaw sa kawalan, magwala, at ibuhos ang kaniyang mga luha. Iyon ang sinasabi ng kaniyang pakiramdam, ngunit ang kaniyang isip ay nagsasabing magpatuloy sa paglalakad dahil anumang oras ay maaari siyang mahuli muli.

Sa ngayon siguradong napag-alaman na ng mga militarya at pulisya ang pagtakas niya. Sa oras na siya ay mahuli mababaliwala ang pinaghirapan ng kapatid niya at lalong-lalo na ang mga taong tumulong sa kanila. Gusto man niyang magsagawa ng plano para mailabas ang mga kaibigan ay wala siyang sapat na lakas at kagamitan.

Wala rin siyang mahanap na taong mapagkakatiwalaan sa ngayon. Alam niya ang tungkol sa sulat na maaaring pakana ni Caloy o Fabio. Nasasaktan siya, ngunit alam niyang ang magalit ay walang magagawa. Kailangan niyang alamin ang katotohanan at rason sa isa sa kanila. Ayaw na muna niyang manisi ng tao, dahil ang galit ay hindi na muna dapat pinagsasalita.

Ilang oras ng naglalakad si Felicita, tumatakbo siya madalas at pagnapapagod ay naglalakad. Wala siyang ibang makita sa paligid kun'di mga puno at damo. Kumakalam na rin ang kaniyang tiyan, maging ang lalamunan niya ay sumisigaw na sa pagkauhaw.

Ilang oras pa siyang naglakad hanggang sa maramdaman niya na ang pagod hindi niya na ito kayang tiisin. Dama niya na rin ang kirot mula sa sugat niya sa leeg.

Hanggang sa bumigay na ang kaniyang katawan. Napahiga si Felicita sa damuhan at unti-unti na siyang nawalan ng malay.

***

Palakad-lakad nang pabalik-balik si Marina. Tatlong araw na ang nakakalipas, ngunit wala silang balita kay Nacio at Felicita.

Pinapanood lang siya ni Fabio at Lucila.

"Sabihin mo na ang totoo sa kaniya, wala rin madudulot ang patuloy niyang pag-aalala. Nakakasama rin iyon," saad ni Fabio kay Lucila.

Napabuntong hininga si Lucila, "Marina."

Napatingin naman kaagad si Marina kay Lucila, "Ano 'yon?"

"Ang totoo niyan... nadakip din sila Nacio. Napag-alaman ko 'to no'ng papasok pa lang tayo rito. Pinag-uusapan ito ng dalawang bantay. Ayoko lang na dumagdag pa 'to sa iisipin mo," ani ni Lucila may kaba sa kaniyang boses. Alam niyang hindi magugustuhan ni Marina ang paglilihim nila sa kaniya.

Mapapansin kaagad ang pagkagulat sa mukha ni Marina na madaling napunta sa pagkainis, "Fabio alam mo rin ba?"

Tumango-tango naman si Fabio.

Ilang sandaling natigilan si Marina, bago rumehistro ang mga nalaman, "Magsama kayong dalawa," saad nito bago nagpunta sa kaniyang kama at nagtalukbong kumot.

Naging tahimik sila Fabio at Lucila, maging sila ay gulong-gulong na sa mga nangyayari. Alam din nila na maaaring sa mga susunod na araw ay wala na silang makain. Kinuha na kasi nila lahat ng pagkaing makukuha nila sa taguan at imbakan na sinabi ni Nacio.

Take Me Back in Time #Wattys2019WinnerWhere stories live. Discover now