Chuchu

260 15 9
                                    


"Lord, 18 na po ako. Baka naman pwede na 'ko magka-boyfriend!? Wag ng strict!" kausap ni Rupert sa Panginoon mula doon sa pintuan ng Mt. Carmel Church. Nakasandal siya na animo'y kabababa lang sa Kalbaryo.

Noon pa mang elementary, consistent na ang panalangin ng "Makapal" sa MayKapal. Dumating na nga sa puntong inaakusahan nito si Bro ng favoritism e: na kesyo magaganda lang daw ang nagkaka-jowa; kesyo 'yong iba ligawin, siya langawin, bangawin.

Nakailang novena na siya sa Ina ng Awa sa totoo lang, ngunit hanggang ngayon wala pa atang handang maawa.

Ganunpaman, di pa rin nagbago ang kanyang pagiging maawain sa mga "mas nakakaawa" sa kanya, kahit pa sa asong kanyang nakitang pinagkakatuwaan ng limang bata noong hapon ding iyon.

"Uy mga bata, tama na!" saway ni Rupert habang bumababa sa sementadong hagdanan. "Hindi ba kayo naawa sa aso!? Pilay na nga isang paa o, pipilayan niyo pa?"

Hindi nila sineryoso ang pakiusap ni Rupert. Bagkus pa nga'y ginaya pa ang kilos at salita nang mas malala.

Samantala, patuloy pa rin sa pag-iyak ang aso. Kakulay ito ng kahoy na wala pang barnis. Nagmumuta ang mga mata. May mga naka-umbok sa balahibo niya na animo'y bahay ng mga garapata.

Hindi siya namamalo ng mga bata, sa kasamaang palad. Tanging paraang naiisip niya'y takutin ito.

"Nakikita niyo ba 'yon?"

Agad lumingon ang mga bata sa direksyon ng kamay ni Rupert.

"CCTV ang tawag diyan. Kung anong nakikita ng cctv, makikita iyon ng mga nasa barangay. Gusto niyo bang ma-baranggay?"

Nagsisi-iling ang lima na para bang anong oras ay magkakarerahan na. At noong maglabas ito ng notebook para kunin ang mga pangalan nito'y silang dalawa na lang ng aso ang naiwan.

Para kay Rupert, aso na ang nasa harap niya. Hindi na kasi ito ganoon kabata na kailangan pa ng gatas ng ina. Hindi pa rin ito ganoon kabatikan para magpagala-gala.

"Naglayas ka ba o pinalayas ka?" nakatalungko niyang kausap rito.

Tanging pag-iyak lang ang ginanti ng aso. Noon din nakapagdesisyon na si Rupert.

Kinarga niya ang aso; di gaanong kahigpit para di lumala ang pilay ngunit di rin naman ganoong kaluwag nang di ito mabitawan.

Sa paglalakad, may tumawag sa kanyang matandang may tungkod. May katabi itong mga sakong naglalaman ng mga bote.

"Akin na lang 'yang aso mo!" sabi nito. "Di bagay sa mayayaman ang ganyang klaseng aso."

Huminto si Rupert sa paglalakad at tumapat sa matanda.

"Naku 'Tay, balat lang 'to." sabi niya.

"Akin na lang." nguso niya sa hawak nito.

"Sensya na po, ha, pero gusto ko po kasi siyang kupkupin. Wag po kayong mag-alala, aalagaan ko naman po siya nang mabuti."

Nginitian na lang ito nang matanda nang hindi ito nakumbinsi.

Pagdating sa bahay, kaagad siyang nagbukas ng de lata't hinalo ito sa natitirang kaning lamig. Kanya ang sabaw, sa aso ang laman. Wala pang isang minuto, malinis na uli ang mangkok na pinagkainan. Ni isang pirasong kanin wala itong tinira. Naglagay si Rupert ng tubig sa tabo at kanya itong pinainom. Pagkatapos, naglatag ito ng sirang kumot sa ibabaw ng tatlong unan at doon ito pinagpahinga.

"Bukas punta tayo sa ospital ng mga aso." kausap nito sa alaga. Habang kinakamot ang aso'y iniisip naman nito kung magkano ang magagastos niya sa desisyon niyang iyon.

The RaritiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon