Batangas Escapade

939 24 1
                                    

"Batangas Escapade”. Ito ang bumungad kay Veen nang buksan ang Messenger. Kagagawan ito ni Yeye na siyang nag-"add to group" sa kanya at sa lima pang katao.
Yeye: Guys! Sembreak na! Punta tayo sa’min! Sagot ko accommodation. Kayo na transpo.
Caitlyn: Omg! Yes! Sama kami ni Yves!
Yves: *like sign*
Cris: Chie, papatalo ba tayo sa magjowa na to?
Archie: Sama rin tayo! Para si Yeye lang ang single! Haha!
Yeye: Mga hayuup! Bebe Veen, sasama ka ‘di ba?
Balak ni Veen i-seen ang mga ito subalit tansya niyang magtatampo ang kaibigan.
'Bebe Veen' ang nakagawiang itawag ni Yeye sa kanya dahil malapit ang puso niya sa katulad niyang bading. Pero dinurugtong niya rin ito sa mga taong katulad ni Francis.
Yeye: Bebe Francis, ‘kaw nga pumilit kay bebe Veen!
Nakita ni Francis ang pag- "mention" sa pangalan.
Francis: Sama ka na Veen! *smiley*
Nakita naman ni Veen ang pag-"mention" ni Francis sa pangalan at bigla na lang kumabog ang puso.
Walang ligtas sa mata ni Yeye ang pagtingin ni Veen kay Francis at 'di na ito lihim sa kanilang magkakaibigan.
Si Francis ang tipo ng lalaking tahimik, mabait, seryoso at matalino. Alam niyang may gusto sa kanya si Veen gawa nga ng pang-aasar ni Yeye subalit gano'n pa man, pantay pa rin ang pakikitungo niya rito.
Si Veen lang ang dumidistansya.
Veen: Thank you Ye sa pag-imbita. Sige, sasama ako.
Dinisconnect na ni Veen ang data nang ilang saglit lang e nagchat si Yeye ng,
Yeye: Ang galing ng convincing power mo bebe Francis.
Nahihiya kasi ito at baka isipin nilang kung hindi pala dahil kay Francis, di ito sasama.
Sabado ng umaga, nagkita ang magba-barkada sa Cubao bus terminal. Napagkasunduan nilang sumakay sa de-aircon para mas komportable ang biyahe.
Ngunit hindi ata "komportable" ang tamang salita para ilarawan ang kalagayan ni Veen. Dahil nang mga oras na iyon, siya at si Francis ang magkatabi.
Iyon ang gusto ni Yeye.
At hindi nakatulong ang pang-aalaska ng lima. Tila balewala naman ito kay Francis.
Dahil maagang bumangon para sa biyahe, namumungay pa ang mga mata ni Veen. Gusto niyang maidlip kaso nahihiya siya sa katabi.
"Kung gusto mo sumandal sa'kin, okay lang." ani Francis sabay ngiti.
"Hindi ako naaantok." tugon pa rin nito kahit di kapani-paniwala.
Mga ilang oras pa ang lumipas, binigo rin siya ng mga mata; walang malay na ang sinasandalan niya'y langit sa anyo ng binata.
Kelan lang siya nagising ay nang huminto ang bus para sa maikling 'Stop Over' at nang may camera'ng kumuha sa kanilang litrato: si Veen, nakanganga; si Francis, pigil ang ngiti, nakatingin sa kabilang dako.
Pinagbantay si Veen ng mga gamit habang sila'y umihi at bumili.
Pagbalik, inabutan ni Francis si Veen ng Chippy.
"H-hindi ako nagpabili." iling nito sa lalaki, walang balak kunin.
"Libre ko 'to." ngiti naman ng isa samantalang binuksan na para sa kanya. "O!"
Lalo lang dumoble ang kanyang hiya.
Nagmasid-masid ito sa tanawin samantalang nakikinig naman si Francis sa Carpenters. Maya-maya, siya naman ngayon ang nakasandal sa balikat ni Veen.
"Mga bebe, tara na. Dito na tayo." yugyog ni Yeye sa dalawa, ang pagkuha ng litrato'y di na naman pinalagpas.
Mag-gagabi na.
Mula sa terminal, si Yeye na ang umalalay papunta sa bahay. Dalawang tricycle ang sinakyan hanggang marating ang baryo. Mula doo'y kailangan na nilang maglakad papasok.
"Guys, sabi ng mama ko kapag pupunta sa bagong lugar, humalik daw sa lupa." ani Cris. "Parang respeto ba sa mga di nakikita."
"Hay naku Cris mauna ka." ani Caitlyn habang magkakahilerang naglalakad sa madilim na kalsada.
"Magtabi-tabi na lang tayo guys, sa halip na humalik." ani Archie
"Mabuti pa nga." sang-ayon ni Yves.
Hindi nakikinig si Veen; masyado siyang subsob sa pag-iisip kung paano siya makakauwi gayong pamasahe lang papunta rito ang meron siya.
Hindi niya tuloy namalayan ang pag-atras ni Francis.
"S-sorry Veen! Di ko sinasadya." paumanhin nito sabay akay sa natumbang kasama.
Pinunasan ni Veen ang pwetan habang tinatanto ang naatrasan.
"May nabangga ka ba?" tanong ng lalaki.
"W-wala. Basura lang siguro." sabi nito. "Ba't ka ba nahinto?"
"Nakakita na naman siguro." sabat ni Archie.
"Bebe Francis may third eye ka?"
Hindi ito sinagot ni Francis.
Pagkarating sa bahay, maagang nagpahinga ang mga babae maging si Veen samantalang ang mga lalaki nama'y umiinom habang inihahanda ang mga lulutuin at dadalhin sa dagat.
Mula eskwela, napadpad ang usapan tungkol sa pag-ibig, partikular na ang kawalan nito ni Francis.
"Ba't wala ka pa ring gf, 'Cis?" Usisa ni Yves.
"Oo nga." Ani Archie. "College ka na e!? Bawal pa rin ba?"
Inilingan sila ni Francis.
"Lam niyo, kung para sa iyo ang isang tao, darating at darating din yan. Gagawa ang langit ng paraan para magkita kayo." aniya. "Da't maghintay."
Sina Veen at ang mga babae naman ang nagising nang maaga. Sila ang naglinis ng kalat ng mga kasama at ang nagluto ng agahan.
Alas nuebe pasado, tumungo na ang barkada sa pamosong karagatan at doo'y nagsaya.
Ngunit sa kanilang pito, si Veen ang di nagtagal. Maaga itong umahon nang makaramdam ng pagkahilo na siyang di ipinahalata.
Sumunod na umahon si Yeye.
"Bebe Veen, ba't ang bilis mong umahon?" tanong nito.
"Baka kasi tuluyan akong maging sirena, e!"
Hindi na si Yeye nang-usisa pa.
Sinimulan na rin nila ang pagpapabaga para sa iihawing isda at barbeque.
Habang nagluluto, sinabi niya kay Yeye ang problema niya sa pamasahe na siya namang nangakong magpapahiram.
Nagkarerahan pa sina Francis, Yves at Archie nang tawagin na sila para kumain.
Upang di isiping "killjoy", naki-sali si Veen sa paggawa ng kastilyong buhangin at nangalap rin ng mga sea shells.
Umuwi ang magbabarkada na kapansin-pansin ang pangingitim.
Dahil bukas na ang uwian, sinulit nila ang gabi sa pamamagitan ng inuman.
Kinabukasan, nagpaalam na sila sa magulang ng kaibigan at nagpasalamat sa pagpapatuloy. Hinatid ni Yeye ang mga kaklase sa terminal ng bus at nagbilin,
"Bebe Francis, tignan mo si bebe Veen ha? May lagnat yan!?"
"Ye, 'di 'to lagnat!" depensa niya. Nang bigla na lang haplusin ni Francis ang noo ng lalaki.
"Sige Ye, ako na bahala."
"Francis, wag na. Wala lang to."
Ngunit hindi siya nito pinaniwalaan.
Tinuon ni Francis ang buong atensyon sa katabi; pinainom ng gamot, pinasandal sa balikat at pinasuot ang jacket nang walang humpay na siya sa pangangatog.
Nagkahiwa-hiwalay na sila pagdating sa Cubao pero si Veen, sinamahan pa rin ni Francis hanggang sa makauwi ito sa kanila.
"Francis, thank you sa paghatid." ani Veen nang nasa tapat na ng pinto.
"Chat ka lang sa gc kung okay ka na, ha? Kitakits na lang sa pasukan."
"Sige."
Dumating ang pasukan at hindi pa enrolled si Veen. Hindi rin siya nagpaparamdam sa Messenger ni sumasagot sa tawag kaya naman napag-usapan ng magbabarkada na surpresahing dalawin ang kaibigan.
Ngunit nang magpunta sa kanila, sila ang nasurpresa.
Nilalagnat pa rin si Veen. Liban, doon iniinda niya rin ang pamamaga ng kaliwang paa.
"Bebe Veen, anong nangyari diyan!?" Umupo si Yeye sa kama.
"Impeksyon." sagot nito. Pero dumating ang ina nito't binalita ang katotohanan.
"Nakatapak raw siya ng punso sabi ng albularyo."
Iisa lang ang naiisip nila.
"Sabi sa inyo da't humalik tayo sa lupa e!" wika ni Cris.
"Nagtabi-tabi ka ba Veen no'ng naapakan mo 'yon?"
"Hindi." tugon nito. "A-akala ko kasi basura lang yon e. Atsaka, madilim ang daan no'n diba? Pano ko 'yon makikita?"
"Kasalanan ko 'to." ako ni Francis sabay upo sa kama. "Kung di ako tumigil, di mo sana -"
"Francis, ano ka ba? Di mo naman sinasadya e."
Kwinento ni Francis kung bakit siya nahinto noon.
"No'ng gabing 'yon kasi, may naramdaman akong elemento. Lalaki. Sobrang lakas kaya bigla akong napatigil."
"Lalaki nga rin ang nakita ng albularyo sa kandila." ani ng kanyang ina. "Mas makakatulong daw kung bumalik doon sa lugar na yo'n, mag-alay, nang matapos na 'to kung sakali."
Noong gabi ring iyon ay umalis ang magba-barkada kasama ang kanyang ina patungong Batangas.
Umaga na ng makarating. Di lang nga ito basta bundok ng basura kundi punso.
Agad nilapag ng ina ni Veen ang gawa nitong menudo, nagdasal at tumuloy sa bahay nila Yeye.
Nalunos ang mag-asawa sa sinapit ni Veen kung kaya nagpatawag sila nang kakilalang manggagamot.
Unang kita pa lang kay Veen, napaatras na ang albularyo. At nang kanya itong ginagamot siya'y nagwika,
"Nasundan ka ng lalaking  'to sa Maynila." Nagtinginan ang magkakaibigan.
"Bakit po siya sinundan!?" tanong ni Yeye.
"Sa maniwala kayo, sa hindi, gusto ng lalaking 'to ang kaibigan niyo...bilang asawa."
"Bilang asawa!? Ano siya, bakla!?"
"Archie!?" saway ni Cris sa nobyo.
"Ke bading man siya o hindi, gustong-gusto niya na itong isama."
Nagtinginan ang mga ito na waring di makapaniwala.
"Pero nag-alay na ho kami pagkarating dito." ani nanay ni Veen, haplos-haplos ang balikat ng anak.
"Nanay, ikinalulungkot ko. Mas gusto ng lalaking 'to ang anak ninyo kesa sa iyong menudo."
Muli silang nagtinginan nang malaman ng albularyong menudo ang inialay ng mag-ina.
"Ma, ipaputol na lang natin to. Hindi ko na talaga kaya. Ang sakit." iyak ni Veen sa ina.
"Iho, wala ring magagawa ang pagputol." ani ng albularyo. "Nasundan ka na niya. Hindi ka na niya tatantanan."
Biglang nagsalita si Francis.
"May iba pa po bang paraan para di siya makuha?"
"May isa." anang albularyo.
Iniwan nila saglit si Veen sa kama at lumabas ng kwarto.
"Hindi tatantanan ng lalaki ang kaibigan niyo hanggang ito ay nananatiling binata. Kailangan may kinakasama siya para mawala ang interes nito sa kanya. Para lubayan na siya."
"So, kailangan may magpanggap na girlfriend ni Veen para di na siya kunin!?" tanong ni Caitlyn. "Sige go, ako na lang!"
"Cait!? Nababaliw ka na ba!?" ani Yves. "Delikado!"
"Tama siya, iha. Delikado." sang-ayon ng albularyo. "Matalino ang lalaking to. Alam niyang bading ang kaibigan niyo at kung prinesenta mo ang sarili na nobya ni Veen, pati ikaw, kukunin." Napayakap si Cait kay Yves.
"So, ano, hahayaan na lang natin si bebe Veen makuha ng demonyong yan!?" singhal ni Yeye na siya namang sinaway ng mga nakatatanda.
Umiiyak ang karamihan nang mga oras na 'yon.
Tahimik rin no'n na umiiyak si Veen dahil rinig niya ang kanilang pag-uusap.
Nang maya-maya, bigla na lang may nagbukas ng pinto.
"F-Francis!?"
Lumapit ito at siya'y binuhat nang hindi man lang nagsasalita.
"Francis, sa'n mo ko dadalhin!? Ibaba mo 'ko!"
Nang makalabas,
"Bebe Francis! Ano'ng ginagawa mo!? Ibaba mo si bebe Veen!" utos ni Yeye.
"Iho, ano'ng binabalak mo?" tanong ng albularyo.
"Ang sabi niyo ho, matalino ang lalaking iyon!?"
"Oo iho! Alam niya - "
"Alam niyang ililigtas ko siya." Dumiretso siya ng labas patungo sa punso. Sinundan naman sila ng mga kaibigan na patuloy sa pagpapaalala.
"Francis, makinig ka sa kanila. Hindi mo kailangang magpanggap. Mapapahamak ka lang." ani Veen.
"Sinong nagsabing nagpapanggap ako?"
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Sinagot ni Francis ang kanyang katanungan nang nasa tapat na sila noong punso.
"Alam kong naririnig mo ako at nakikita." kausap ni Francis sa punso. "Matalino ka raw sabi nila! Kung ganon dapat alam mo na mahal ko tong lalaking pinapahirapan mo."
"Francis?"
"At kung hindi ka pa naniniwala, sige, papatunayan ko!"
"Francis. Ano'ng-"
Hinalikan ni Francis si Veen sa kanyang labi. Napanganga sila sa kanilang nakita. Ngunit sa halip na pagkadiri, ito ay pagkamangha.
Kinabukasan ng umaga, iniwan na rin si Veen ng kanyang karamdaman.
"Magaling na si bebe Veen. So, ibig sabihin ba niyan, bebe Francis, tapos na rin kayo?" malungkot na tanong ni Veen nang sila'y nag-a-almusal.
Pangiting tumingin si Francis kay Veen sabay hawak sa kanyang kamay.
"Tingin ko, hindi."

The RaritiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon