The good Samaritan and the Prodigal son

648 19 5
                                    

"Arkel, sigurado ka ba sa desisyon mo?"
Ito ang tanong na nagpaulit-ulit sa kanyang isipan, kung saan ilang minuto rin ang itinigal bago mabigyan ng kasagutan.
"S-sigurado ako, Pa." Matutunugan ang kaunting kaba sa likod ng lalamunan subalit wala ito kung ikukumpara sa tunog ng kalayaan.
Napabuntong-hininga ang lalaki sa likuran ng lamesa. Kung hindi ito ang una ay isa naman sa pinakamalalim na narinig niya mula sa ama.
'Malaki siguro to!?' Sa isip-isip niya. Ganoon pa man, hindi niya ipinakita na nae-excite siya sa pagtanggap ng mana ni nalulungkot para sa ama.
'Nariyan pa naman si kuya.'
"Kelan ka babalik?" tanong muli ng balisang ama, matapos pilasin at pirmahan ang kapirasong papel na lubusan niyang sinasamba.
"'Di ko alam. Ewan." ang naatat niyang pagsagot, ang mga mata'y nakapako na sa tseke.
Kasabay sa pag-abot ng tseke ay ang paanyayang,
"Bukas parati ang pinto ko para sayo, Arkel."
May mailap na ngiting kumawala pagkadapo ng pera sa kanyang palad. Matapos isilid, tumayo ito at tinungo ang pinto.
Nang may marinig uli siyang tinig.
"'Nak?"
'Ugh. Bakit kaninang nakaupo pa ako, di na lang sinabi?'
"O?" lingon niya bahagya, ang daliri'y hawak na ang seradura.
"Mahal kita."
'Korni naman nitong matandang 'to!?'
"Alis na 'ko."Tiim-bagang niyang pagsagot.
"Mag-ingat -"
Hindi niya na ito pinakinggan.
Malaya na ang alibughang anak.
Si Arkel ang bunso sa dalawang magkakapatid. Simula ng mamatay ang kanilang ina, hindi na siya tulad ng dati na puno ng saya.
Alam niyang hindi naman nagkulang ang kanyang ama. Ang problema ay nasa kanya mismo dahil imbes na tumulong ay pinaghuhusayan pa ang pagpapasaway.
Katwiran niya, kung magpapakalayo-layo siya, mababawasan na problema ng kanyang ama. Ang ibig sabihin rin noon ay higit na kalayaan para sa kanya.
Marahil ay may iba siyang depinisyon ng kalayaan - kalayaang idinidikit niya sa pera.
Casino.
Simbahan ang turing niya rito. Kapag naroon siya sa lupon ng kapwa mga sugarol, halo-halong problema niya ay naglalaho.
Wala siyang pakialam kung mas madalas ang pagkatalo niya kaysa pagkapanalo. Walong 'zero' naman ang mayroon siya sa bangko.
Sa isang araw, kulang pa ang isang dosenang alak, ano pa kung tinuturing lang itong tubig. Katwiran niya, si Hesus na ang nagyaya:
'Uminom kayo't magsaya!'
At literal ang kanyang pagkaunawa.
Ngunit kung siya lang ang nagsasaya, hindi rin masaya.
Kaya naman halos linggo-linggo, iba't-ibang babae ang kanyang ikwinakwarto; walang humpay siyang pinaliligaya.
Tumagal ng isang taon ang ganitong klase ng pamumuhay bago niya natuklasang habang nadudulutan siya ng kaligayahan, may lungkot pa rin na 'di maalis-alis; na kahit gaano karami na ang pinusta o nilagok na serbesa o katawang nai-kama, may bahagi pa ring lubos na nangungulila.
Para palalain pa ang sitwasyon, iyon na ang kahuli-hulihang perang nakuha niya sa bangko bago ito tuluyang magsarado.
Iyon na ang huling laro niya sa casino, ang huling alak na natikman, ang huling babaeng binayaran bago niya makita ang sariling naglalakad sa kalsada sa dis oras ng gabi.
Nagsisisi siya kung bakit ginastos niya sa mga walang kwentang bagay ang kanyang mana. Tuloy, mula sa walo, naging apat na lang ang bilog sa kanyang pera.
At ang lahat ng iyon ay nasa loob lang ng kanyang bag na kung anong higpit niyang niyayakap. Akala niya'y wala na roong hihigpit pa. Hanggang sa may tatlong lalaking pumalibot sa kanya.
"Amin na pera mo!" pagmamando ng lalaking nakasuot ng maskara.
Ngunit siya'y nagbingi-bingian. Hindi niya ito ibinigay, sa halip pa nga ay tumakbo. Pero wala siyang natakbuhan.
Hindi lang tuloy pera ang nahiwalay nang sinubukan niyang tumakas. Humiwalay rin pati ang diwa niya sa pinakahuling kamaong lumantay sa kanyang panga.
Lumabo ang paningin. Dumilim.
'Bukas ang pinto para sayo, Arkel...' Naalala niyang sabi ng ama. 'Uuwi na 'ko, Pa...'

"Ma'am baka naman po pwede pa bukas? Kailangan ko po talaga itong trabahong 'to. Ako lang po inaasahan sa amin e." pakiusap ni Soma sa H.R.
"Ang kulit mo rin, e no? Walang lugar sa kompanyang ito ang mga late comers tulad mo. Importante ang pagiging on time so kung sa interview pa lang ganyan na ang binibigay mong attitude -"
"And what attitude is that you're giving Ms. Agustin?" Ang rinig ni Soma sa kabilang linya.
"Uhm, sir there's -"
"Let me talk to her."
Napalunok si Soma ng laway. Base sa tono ng boses niya mas mataas ito kesa sa H.R na kausap.
"Wellington Inc., H.R Dept., how may I help you?"
"Uhm, sir, sorry po sa abala." bungad ni Soma.
Humingi rin ng 'sorry' ang kausap dahil inakala niyang babae ito. Pinakinggan siya nito nang walang pagputol. At sa bandang huli ay sinabing,
"Okay, I'm giving you a second chance. Be here at 3 pm, tomorrow. Sharp."
Tuwang-tuwa si Soma nang mabigyan siya ng pangalawang pagkakataon para sa interview.
"Ano pong pangalan nila sir?"
"Just call me Sir Marts."
"Sir Marts, maraming salamat po sa second chance."
Kung maganda lang sana ang daloy ng trapiko kanina, makakahabol pa siya sa scheduled interview sa araw na 'yon.
Hindi niya nga lang maintindihan kung bakit may mga taong hindi mapakiusapan. Iyong ang akala e parati silang pinagsisinungalingan.
Ganoon din ang pagtataka niya kung bakit kailangan magsinungaling o abusuhin ang kamang-mangan ng pasahero sa mga pasikot-sikot sa kalsada itong papauwi na siya.
"Kuya, hindi ko na po alam ang kalye na 'to. Akala ko ho ba, shortcut 'to?"
"Ma-traffic kasi sa mga landmark na sinabi mo." dahilan ng drayber.
Napuna ni Soma ang metro.
"Ibaba niyo na lang ho ako sa tabi." aniya sabay labas na ng pitaka. "Wala na ho akong maipambabayad kapag patuloy 'yang lumaki."
Nang binaba si Soma sa tabi ng kalsada, sinimulan niya na ang mahaba-habang paglalakad pauwi.
Palaisipan sa kanya kung bakit walang katao-tao sa lugar na 'to gayong maaga pa naman ayon sa kanyang relo; umaasa rin kasi siyang may mapagtatanungan ng sakayan pauwi subalit wala...
Liban lang sa isang mamang mabilis na tumatakbo palapit sa kanya.
"Kuya pwedeng mag-"
"Tabi diyan!"
Napaupo siya sa semento nang tabigin siya ng lalaki.
"Magtatanong lang e!?" sigaw ni Soma subalit hindi iyon lumingon; ni hindi nga naisipang balikan ang itim na supot na kanyang nabitawan.
Habang nasa ganoong posisyon sa semento, sinilip ni Soma kung ano ang laman nito. Nang hindi makumbinsi ang sarili, naglabas siya ng isa.
"Pera! Ang daming pera!"
Pang-taxi - ito kaagad ang naisip niya nang malamang ito pala ay pera. Sunod, pulisya. Nais niyang ipagbigay-alam ito sa pulisya subalit meron siyang pagdududa.
Una, hindi siya sigurado kung yong lalaking nakabangga niya'y ang tunay na may-ari ng pera.
'Gano'n ba tumakbo ang ninakawan o ang magnanakaw?'
Isinilid niya ito sa loob ng bag at pinagpatuloy ang paglalakad. Inisip na lang niyang hulog ito ng langit para sa kanya.
Ngunit nang makarating sa isang kanto, siya'y natigilan nang mapuna ang isang babaeng uma-anggulo sa kamera samantalang may lalaking nakahandusay.
Napuyos ang kanyang damdamin at dali-daling nakipag-engkwentro,
"Excuse me, ano hong ginagawa niyo?"
"Nagse-selfie!? Bakit?" sagot nito ngayo'y nayamot dahil sa kanyang panghihimasok.
"So, pag may nakita kang nakahandusay, selfie-selfie muna?" ani Soma.
"Ano naman sayo? Pakialamero!?" tumalikod ang babae't nagpatuloy na sa paglalakad.
'Kung hindi sa lalaking ito na nakahiga sa bangketa, magseselfie kaya siya!? Sinabihan pa ako'ng pakialamero!?'
Isinantabi niya na muna iyon at lumuhod sa harapan ng lalaki.
"Kuya?" kalabit nito.
Wala siyang ideya kung saan niya nakuha ang lakas ng loob kumausap sa mga estranghero. Pakialamero nga siguro siya.
Pumwesto si Soma sa kabila nang mamasdan ang kanyang mukha.
'May hitsura siya. May mga pasa nga lang.'
"Tulong!" banat niya ng leeg, nagsisisigaw. Ngunit walang pumansin. Walang pakialamero tulad niya.
Tuloy, buong lakas niyang sinalo ang bigat ng lalaki samantalang tinatahak ang kahabaan ng lugar.
"'Di ko kabisado dito, Lord. Please, hanapan mo kami ng ospital na matutuluyan!" panalangin ni Soma.
Ilang hakbang pa at siya'y may natanaw. Hindi ospital. Pero matutuluyan.
Ito ang kauna-unahang beses na nakapasok siya sa hotel na first class.
Noong una, nag-aalinlangan pa siya gawa nga ng ito'y mamahalin subalit noong maalalang may pera nga pala siya sa bag, dumiretso na rin kalaunan.
'Gagalawin ko ba talaga ang pera? Kailangan e!'
"Good evening sir!" ang bati noong receptionist, agad nakadama ng simpatiya nang makita ang kasama.
"Kailangan ko ng kwarto para sa lalaking 'to. Please. At patulong na rin sa pagbuhat."
Mabilis tumugon ang kanilang crew at naihiga ang lalaki sa kama.
"Mawalang galang na ho, pero bakit di niyo na lang siya dalhin sa ospital?" tanong no'ng nagbuhat.
"Hindi ko alam ang lugar na 'to. Nakita ko lang siya sa bangketa, nakahandusay habang naglalakad ako. Walang mga sasakyan. Wala ring mga tao. Ito na ang pinakamalapit na nakita ko." paliwanag niya sa lalaki.
"Wag ka mag-alala. Nurse ako."
Napaniwala ang lalaki kung kaya iniwan na sila sa kwarto nang wala ng karagdagang katanungan.
'Kailangan kong umuwi. Pero hindi ko siya pwedeng iwan lang nang ganito.' sa isip-isip nito.
Kaya naman, kahit di pamilyar sa lugar, sinuyod niya ang mga kalapit na kalsada para maghanap ng botika at bumili ng mga panglunas.
Hingal na hingal si Soma nang makabalik sa kwarto pero gano'n pa man, wala siyang sinayang na oras. Agad niyang ginamot ang sugatang lalaki.
''Hindi ko alam kung sinong gagawa sayo niyan. Hindi ka naman mukhang gago.'' kausap niya rito samantalang pinupunasan ang mukha ng bimpo.
Nang matapos siyang malinisan, mapalitan ng damit ( na siya niyang ginawa nang nakapikit) at malapatan ng lunas, siya'y bumaba at nagbilin sa receptionist.
"Iiwanan ko rito ang kasama ko." aniya habang nagbibigay ng pera. "Please, alagaan niyo siya. Kung may kailangan siya, ibigay niyo. Kung sumobra man sa binayad ko ang ginastos niyo, ipaalam niyo sakin pagbalik ko bukas. Babayaran ko. Okay ba?"
"Sige po. Makaaasa po kayo."
"Salamat."
Madaling araw na ng makauwi sa bahay si Soma. Kulang siya sa tulog subalit isa lang 'yon sa dahilan kung bakit mainit ang kanyang ulo pagkagising.
"Hindi mo ba naitapon 'yon, Ma!?" tanong niya sa ina.
"Anak, hindi pa ako naglilinis ng kwarto mo. Sigurado ka bang, wala sa bag mo?"
"Wala!" di niya sinasadyang lakasan iyon.
Lumipas ang isang oras na hindi natagpuan ang kanyang resume. Sinisi niya ang sarili kung bakit hindi na lang siya gumawa ng maraming kopya. Ngayon, balik siya sa simula.
Subalit, hindi man ganoon kaganda ang resume na nagawa niya ngayon kumpara sa nauna, ang mahalaga nakahabol siya sa loob ng opisina, kapiling ang mga kapwa aplikante.
Hinihintay nilang matapos ang meeting ni Mr. Martinez, ang parehong 'Sir Marts' na kumausap sa kanya sa telepono kung saan ngayon niya lang napagtanto, na presidente pala ng kompanyang ito.
Bigla siyang kinabahan.

The RaritiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon