Uriel & Luigi

8.8K 512 24
                                    

Sa kahariang si Eros, ang diyos ng mga puso ang namumuno, ay mayroong isang ordinaryong kupido ang nagtataglay ng di-ordinaryong katamaran na sa maniwala’t sa hindi ay naroroon pa rin hanggang ngayon sa kanyang silid at nagpapahinga – ang kanyang naging bisyo. Siya ay si Luigi, bunso sa tatlong magkakapatid na Remos at Inigo, anak ng nabalong si Edana.

Kung bakit sa tatlo ay si Luigi lang ang naiiba ay sa kadahilanang sina Remos at Inigo ay kapwa masigasig sa kanilang mga larangan, maasahan at tampok lalo na sa mga kababaihan. Mas nahuhumaling kasi ang mga kababaihan sa kanilang lugar sa mga lalaking kupidong nagtataglay ng mga katangiang iyon na sya namang wala kay Luigi. Ngunit sapol ng kawalan ni Luigi ng mga katangiang nabanggit, sya nama’y nasumpungan ng higit na hitsura sa mga magkakapatid. At kung sya lamang ay magiging masigasig katulad ng dalawa’y malamang ay mas magiging tampok pa sya kaysa sa mga ito.

Taon-taon ay ipinagdiriwang ang kapistahan ni Eros. Tuwing ito ay ginugunita ay halos walang matirang kupido sa loob ng kanilang pamamahay, nakikitipon at nakikiisa sa kasiyahan. Napupuno ang bawat sulok ng lugar ng mga mapaglilibangan. Isa na rito ay ang dula tungkol sa pagkikita ni Eros at ng kanyang asawang si Psyche. Noong huling dula ay malugod na pinaunlakan ni Eros ang palabas sampu ng kanyang pamilya. Natuwa sila dito at matapos ay nagbigay ng iba pang mga pangyayaring tila hindi pa nalalaman ng karamihan na syang maaring idagdag sa dulang ipapalabas kinalaunan.

May mga negosyante rin ang gumawa ng lugar upang masubukan at maibenta ang kanilang mga paninda tulad ng mga pagkaing hulma sa mukha ni Eros, at sa katabing tindahan ay mga manika namang kawangis ng mag-asawa. Masaya ang pagdiriwang. Napupuno ng mga musika sa saliw ng pag-ibig, iisang kulay lang ang bukod tanging lumilitaw ng literal – pula na kakulay ng rosas ang syang makikita mong nakapalibot nang dugtong-dugtong mula sa hilaga, silangan, timog at kanlurang hangganan ng kaharian.

Ngunit higit sa lahat, ang pinakakinaabangan sa pagdiriwang na ito ay ang paligsahan ng mga lalaking kupido na pinangungunahan mismo ni Eros. Mangyari pa’t ang patimpalak na nabanggit ay inaasahan lahat sa mga kalalakihan, inakyat ni Edana si Luigi sa kanyang silid at pinaliguan ng sermon.

“Luigi bumangon ka na! Sumunod ka sa mga kapatid mo papunta dun sa palasyo! Magsisimula na ang patimpalak!”

Naalibadbaran si Luigi sa boses ng ina, napakamot ng ulo at pagkatapos ay umiba ng posisyon sa paghiga. “Masakit ang –”

“Ang alin na naman!?” biglang singit ng ina. “Noong mga nakaraang paligsahan masakit ang ulo mo, sunod tyan, pagkatapos ngipin! Ano na naman ngayon?” Sinagot ito ni Luigi.

“Masakit ang paa ko. At, hindi na rin ako bata para sumali pa sa mga paligsahan na yan!” Pagdadahilan nya. Milagro na lang kung maniwala ang kanyang ina. Ngunit hindi. Inalis nya sa sabitan ang pana’t sisdlan ng palaso ng anak at inihagis ito sa kanya.

“Hindi ka na nga bata pero isip bata ka pa rin! Luigi ano ba naman!? Ilang beses ka ng hindi lumalahok!? At hindi lang ito basta paligsahan, nakasaad ito sa mga utos ni Eros, isang paraan upang ang mga kalalakihan ay mahulma sa kanyang pagkakatulad.” Hindi natinag si Luigi. Gumalaw lang sya nang hablutin ng ina ang kumot at unan nya.

Wala na syang nagawa kundi ang bumangon. Ginusot-gusot nya ang kanyang mga mata at pahikab na dumungaw sa bintana.

The RaritiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon