Chapter 14

2.5K 93 0
                                    

"Talagang hindi mo tinigilan ang kalandian mong bata ka, ano! Malas ka na nga sa buhay namin, malandi ka pa! Hindi mo na ako binigyan ng kahihiyan!" hawak-hawak ng Tiya Conching ang buhok ni Matilda.

"Tiya, tama na po," umiiyak si Matilda. Nasasaktan siya, pero hindi siya nalaban sa tiyahin.

"Tama na! Anong tama na? Bakit, tumigil ka na ba noong kinausap ka ni Mrs. Advento? Hindi, 'di ba? Itinukoy mo pa rin ang kalandian mong bata ka! Anong mukha ang ihaharap ko sa mga Advento ngayon? Baka sabihin nila, kinukunsinti pa kita!"

Kahit nasa loob sila ng bahay ay may ilang taong nasa labas ng bakuran nila, nakasilip sa loob ng bahay.

Hawak pa rin ng tiyahin ang buhok niya, sa kabilang kamay nito ay ang bag na naglalaman ng mga damit niya.

"Punong-puno na ako sa iyong babae ka. Malas ka na nga, wala ka pang pakinabang! Laging hindi maganda ang kita ng prutas, kasi inuuna mo pa ang kalandian! Lumayas ka na rito! Sige, layas! Nadadamay kami sa kamalansang dala-dala mo!"

Humahangos na pumasok si Kuya Richard sa loob ng bakuran, nilingon ang mga taong nakatambay roon, "Anong tinitingin-tingin n'yo diyan?"

Saka pa lang nagsialisan ang mga iyon.

"Nay, ano ba! Hindi na kayo naawa kay Maty!" Tinulungan siya ng kuya niyang damputin ang mga damit niyang nakakalat sa lupa.

"Dapat lang sa kanya iyan, Kuya. Malandi siya!" ani Silvia.

"At napakaambisyosa pa," segunda naman ni Berna.

"Palagay ko'y malas nga talaga ang batang iyan. Simula ng dumating iyan dito ay laging natatalo ang mga manok ko. Napakadalang ko nang manalo," sabat naman ng Tiyo Armando.

"Tumigil nga kayo!" tinulungan siya ni Kuya Richard sa paglalagay ng damit sa bag niya. Matapos iyon ay inalalayan siya nito sa pagtayo.

Pinahid niya ang mga luha, si Richard naman ay inabot sa kanya ang pamuyod niya na nalalaglag din sa lupa. Inayos na lang niya ang buhok gamit ang kamay, bago iyon ipinuyod.

"Gawa ba ito ng Nanay?" hinawakan ni Richard ang braso niyang namumula dahil sa mahigpit na pagkakahawak ng tiyahin niya kanina.

Hindi umimik si Matilda, umiyak lang ulit siya. Kung aalis siya rito, saan siya pupunta? Sa mga kapatid ng ina, tanging si Tiya Conching lang ang may maayos na pamumuhay. Ang iba ay mga mangingisda, isang kahig isang tuka rin.

"Pati ba itong galos sa pisngi mo, gawa rin ng Nanay?" nagtangis ang ngipin ni Richard.

Lalo lang lumakas ang paghikbi niya.

Isang linggo na ang nakaraan nang sugurin siya ni Lovely sa palengke. Akala niya ay nakaligtas na siya, pero nalaman pa rin ng tiya niya ang nangyari. Nagalit ito dahil nalamang hindi pa pala siya nakipaghiwalay kay Leandro.

At ngayon, pinalayas na siya nito.

"Pasensya ka na, Maty, wala ako kanina rito. Pero umuwi kaagad ako nang mabanggit sa akin ni Berting ang nangyayari dito."

Hindi niya magawang sumagot. Nananakit ang lalamlunan niya. Niyapos na lang niya ang bag.

"Sigurado akong hindi matutuwa si Leandro kapag nalaman ang nagyari dito."

"Wag mo nang sabihin sa kanya, Kuya. Baka maabala ang pag-aaral niya. Ayos lang ako," pinahid niya ang mga luha. Ang makaabala sa pag-aaral ng binata ang pinakahuling gusto niyang mangyari. Kaya nga kahit pinilit siya nitong magpakasal sila bago ito umalis ay tumanggi siya.

Sinabi niyang aantayin na lang niya ang pagbalik nito. Kapag nakapagtapos na ito, saka na lang sila magpapakasal. Ayaw ni Leandro noong una, pero matigas ang pagtanggi niya, kaya napilitan ang binatang sundin ang gusto niya.

Nagbilin lang ito na lagi siyang tatawag. Pipilitin din daw nitong makauwi tuwing may pagkakataon.

"Kapag nalaman n'ya ang nagyari, tiyak ako, uuwi 'yon kaagad dito."

"Hindi pwede, Kuya. Ipangako mong hindi mo sasabihin sa kanya," baka lalong magalit sa kanya ang pamilya ni Leandro kapag nalaman na nakarating sa binata ang nangyari dito.

"Pero hindi ka na pwede dito, Maty. Kung hindi ka alis, nasisigurado kong mauulit ng pananakit sa iyo ng Nanay," inakay siya ni Richard palabas ng tarangkahan.

"May pangako ako kay Leandro. Naisip na niyang pwedeng mangyari ito, kaya napag-usapan namin na kung magkakaproblema rito, papaluwasin kita sa Maynila. Nag-iwan siya ng pera, nasa akin din ang cellphone, telephone number at address sa dorm niya. Lumuwas ka roon."

"Pero, Kuya..."

"Kung hindi ka aalis, hindi ko maipapangakong maililihim ko kay Leandro ang nangyari rito, Maty. Nag-aalala ako para sa iyo, at kapag tumawag siya, sasabihin ko rin sa kanya ang totoo, at nasisigurado kong magagalit iyon sa kapatid niya. At kahit nasa gitna ng pag-aaral, susugod 'yon dito para sunduin ka. Kung ako sa iyo, ikaw na ang magsabi sa kanya. At para hindi ka makaabala, lumuwas ka na lang doon sa kanya."

"Hindi ko alam kung tama ang gagawin natin, Kuya."

"Hindi ko rin alam kung tama ito, Maty. Pero ang sigurado ko, iyon ang pinakambuting gawin natin sa ngayon. Wala ka nang mapupuntahang iba. At hindi naman papayag si Leandro na mapahamak ka."

"Sigurado ka ba Kuya na tatanggapin n'ya ako roon? Sabi sa akin ni Lovely, may girlfriend siya doon, Cheenie daw."

"Wag mong intindihin 'yon. Nakipaghiwalay na si Leandro sa babaeng iyon bago pa man siya bumalik dito."

Nag-aalangan pa rin siya sa kung ano ang gagawin.

"Itatawag ko na kay Leandro na pupunta ka ngayon doon," kinuha ni Richard ang cellphone sa bulsa.

"Wag, Kuya. Baka nasa gitna siya ng klase, maaabala siya. Baka magpilit pa iyong sunduin na lang ako dito. Ako na lang mag-isa ang luluwas. Kapag nasa Maynila na ako, magpapasundo na lang ako sa kanya sa terminal ng bus. Mabuti na roon, malapit na ako, hindi na siya masyado maaabala."

"Sabagay, tama ka."

Tumango siya. Pumara ng tricycle si Richard, "Halika na, pumunta na tayo sa highway, mag-antay na tayo ng bus papunta sa Maynila."

Nang matanawan nila ang paparating na bus ay niyapos siya ni Richard, kanina pa siya nito nabigyan ng pera, pati ang contact numbers at address ni Leandro ay nasa kanya na.

"Mag-iingat ka, Maty. Nakasulat din diyan ang cellphone number ko. Makitext ka na lang o makitawag doon. Ipaalam mo kaagad sa akin kapag nagkita na kayo ni Leandro."

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora