Chapter 12

2.7K 129 22
                                    


"MATY, TOTOO BANG KINAUSAP KA NI MAMA NOON? Pinalayo ka niya sa akin?" ani Leandro.

Marami talagang mata ang mga Advento. Noong nakaraan sa gasolinahan siya nacorner, ngayon naman sa botika kung saan siya nabili ng vitamins ni Forth. Nakalimutan niyang iutos iyon kay Joan kanina. Nagluluto ang babae kaya siya na ang sumaglit sa bayan. Pero mukhang napagkaisahan siya ng mga tauhan sa botika dahil sinadya yatang patagalin ang pagbibigay ng vitamins sa kanya.

Ang kasunod niyang namalayan ay may humagip sa baywang niya, inakay siya papasok sa loob ng opisina ng botika. Pero bago sila nakapasok roon, may ilang tao siyang nalingunan na nakasunod ng tingin sa kanila ni Leandro.

Alam ni Matilda na magkakaroon na naman ng panibagong pag-uusapan ang mga taong masyadong interesado sa buhay ng may buhay. Ang malas lang niya, kung sino po ang "favorite talk of town", doon pa siya napakonekta.

"Dati pa iyon, Leandro, matagal na panahon na. Bakit kailangan pa nating balikan?" nakaupo siya sa visitor's chair pero ang binata ay palakad-lakad sa harapan niya.

"Sinabi sa akin ni Mama na baka gumaganti ka lang kaya itinatago mo sa amin ang totoo," anito, humarap sa kaniya. Naupo itong paluhod, hinawakan ang mga kamay niya.

Pumikit nang mariin si Matilda. Hindi na niya alam kung paano ipapaintindi sa lalaki ang paulit-ulit na sinasabi niya.

"Hindi ako galit sa Mama mo. Maniwala ka Leandro, nauunawaan ko siya. Pero nasabi ko na sa iyo ang totoo. Umpisa pa lang, sinabi ko na sa iyo."

"Sabi ni Mama, itinanggi mo rin daw sa kanya na anak ko ang bata," anito.

"Dahil iyon naman talaga ang totoo, Leandro."

Tumayo siya, napapagod na siya sa paulit-ulit na usapan nila ng lalaki. At nahihiya siya kay Micky. Ano ang mukhang ihaharap niya sa lalaki kapag nalaman nito na inaangkin ni Leandro ang paternity ng bata?

Alam niyang tatawanan lang ito ni Micky, pero nakakahiya pa rin sa lalaki. Pagkatapos ng lahat ng ginawa ng lalaki sa kanya, ang pinakamahirap na iganti rito ay ang guluhin ang buhay nito at ni Forth. Hindi iyon ang nararapat na kapalit sa lahat ng tulong na ginawa ng lalaki sa kanya.

"Leandro, kailangan ko nang umalis. Baka hinahanap na ako ni Forth."

"Ihahatid na kita."

"Hindi na kailangan, kaya kong umuwi mag-isa. Nasa labas ang kotse ko," tumalikod na kaagad si Matilda. Pero bago pa siya makalabas ay nahawakan siya ni Leandro sa braso.

"Kung ayaw mong aminin na ako ang ama ni Forth, sige, hahayaan kita. Pero hindi ibig sabihin noon na hahayaan kong lumayo ka rin sa akin, Maty. Akin ka noon, at hangga't hindi kayo naikakasal ni Micky, gagawin ko ang lahat para maging akin ka ulit ngayon."

Nagulat siya sa bilis ng pangyayari. Kanina si Forth lang ang hinahabol nito. Pero ngayon, idineklara ng lalaki na pati siya ay hindi nito pakakawalan.

"Marami ng nangyari sa buhay natin, Leandro. Marami ng nabago. Hindi mo ba naisip na baka pati ang batang puso ko noon, nag-iba na rin ang tibok ngayon?"

"Sigurado akong hindi, Maty. Alam ko. Kaya nga malakas ang loob kong sabihing hindi ako titigil hangga't hindi ka nagiging akin muli."

Hinapit siya ni Leandro sa baywang, "Ako ang mauna, Maty, wala na akong pakialam sa gitna, pero sisiguraduhin kong ako pa rin ang huli," anito bago siya hinalikan.

Nagambala sila ng katok sa pinto. Dali-daling humiwalay si Matilda kay Leandro. Tumayo siya sa likuran ng visitor's chair. Kailangan niyang maglagay ng distansya sa pagitan nila ng lalaki.

Bumukas ang pinto at pumasok doon si Lovely, ang nakababatang kapatid ni Leandro.

"Sorry, I hope I'm not interrupting something," nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Leandro.

"Anong kailangan mo, Lovely?" ani Leandro, naupo ito sa swivel chair. Si Lovely naman ay naupo sa visitor's chair na katapat ng tinatayuan niya.

"I just want to be honest and say sorry," tumingin sa kanya si Lovely, halata ng paghingi ng kapatawaran sa mukha.

"Sorry about what?" ani Leandro.

"Kuya, palagay ko, hindi ang sinabi ni Mama ang dahilan ng paglilihim ni Maty sa atin," anito, halata ang pag-aalinlangan sa mukha.

"Anong ibig mong sabihin, Lovely?"

Napakapit nang mahigpit si Matilda sa sandalan ng bangko. Ang engkwentro nila ni Lovely ang isa sa pinakamasakit na ala-ala niya sa probinsiyang ito.

"Kasama ako ni Mama noong nag-usap sila, hindi lang ako bumaba sa kotse. After nilang mag-usap ni Mama, di ba, iniwasan ka niya? Nabanggit mo sa akin noon iyon."

Tumango si Leandro, nakakunot pa rin ang noo, bumaling sa kanya, "Konektado ba iyon sa nangyari sa tabing dagat? Kaya ka ba nakikipaghiwalay sa akin ay dahil sa ginawa ni Mama?"

Huminga nang malalim si Matilda bago tumango.

Tumiin ang bagang ni Leandro, bago muling nagsalita, "Pero napahinuhod kita at nagkaayos tayo bago ako bumalik sa Maynila," nakatitig sa kanya, pinag-aaralan ang emosyong nasa mukha ni Matilda.

"After noon, noong nasa Manila ka na, ako naman ang kumausap sa kanya. At kung ano-anong masasakit na salita ang nasabi ko," ani Lovely.

"Katulad ng ano?" napalingon si Leandro sa kapatid, halo-halong emosyon ang nasa mukha.

Kinagat ni Lovely ang labi bago tumingin kay Matilda, “Sinugod ko siya sa stall sa palengke. Sinabihan ko siya na malandi. Na mana siya sa disgrasyadang nanay niya. Na pinagparausan mo lang siya habang naiinip ka rito sa probinsya, tapos noong dumating sina Ate Cheenie kasama ang mga kaibigan mo, kinalimutan mo na siya. Tapos sumabay ka na paluwas ng Maynila kasi ayaw mo na siyang makita. Pinagsawaan mo na siya, kaya sabi ko, wag na siyang umasa. Wala sa plano mong pumatol sa probinsiyanang malandi, walang pinag-aralan at palengkera.”

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon