Chapter 22

3.1K 107 4
                                    


"Grabe ka! Trending ka na! At kung town wide lang noon, province wide na ngayon," tumatawa si Helen habang sinasabi iyon.

"He! Tigilan mo ako!" ani Matilda, hindi inintindi ang kaibigan, mas pinagtuunan niya ng pansin ang mangga sa harapan.

"Aba, lahat excited sa kasal mo! Akalain mo ba namang may pakain sa town plaza. Free for all. Dahil doon, pati tuloy karatig-bayan natin, nagpahaging na magsisipuntahan din," dumampot si Helen ng mangga, pero bigla ring ibinaba, hindi maipinta ang mukha.

"Masarap, di ba?" aniya, dumampot ulit ng isang slice at isinubo, pumikit pa siya.

"Ang asim kaya!" pumalatak ito, "naglilihi ka nga."

"Sinigirado ko talagang maglilihi ‘yan, Helen," ani Leandro, niyapos siya nito mula sa likuran, dumampi ang labi nito sa kanyang pisngi.

"Wag kang makayapos-yapos diyan. Galit ako sa'yo," aniya. Pero hindi naman niya tinanggal ang pagkakayapos nito, sumandal pa nga siya sa dibdib ng binata.

"Bakit naman?" sa puno ng tainga naman siya nito hinalikan.

"Ay naku. Alam ko na! Sige na, aalis na ako," ani Helen bago tuluyang lumabas ng kusina.

"Naiinis ako. Hindi na ako pupunta sa bayan," aniya. Muling kumuha ng mangga, isinubo kay Leandro.

"Ang asim naman nito," pero hindi naman nito iniluwa ang mangga. "Bakit naman hindi ka na pupunta?" tanong nito matapos malunok iyon.

"E, kada punta ko, may taong nalapit sa akin. O kaya, binabati ako," matapos sumubo ng mangga ay si Leandro naman ay binigyan niya.

"Ang asim, Maty."

Nilingon niya ito, nakataas ang kilay, "Ayaw mo?"

"Gusto," ngumanga ito, pinigil ang pagrehistro ng asim sa mukha. "Ayaw mo noon, may bumabati lagi sa’yo?"

"Okay lang na batiin ako. Ang ayaw ko, yung feeling close kung makaasta. At kasalanan mo lahat iyon, Leandro! Tama ba kasing sa gitna ng palengke ka magtatalon at magsisigaw! Lahat tuloy sila, akala mo alam na ang buong kwento natin. At feeling nila, lahat ng bagay tungkol sa atin, karapatan nilang malaman! Pati gender ng anak ko, itinatanong na!"

Ipinihit siya ni Leandro paharap, tiningnan siya sa mga mata, "Proud kasi akong malaman nila na sa wakas, akin ka nang talaga," hinalikan siya nito sa noo, "at Maty, wag mong sarilinin. Hindi mo lang s'ya anak, anak nating dalawa," anito bago siya hinalikan sa labi.

**********

"TIYA CONCHING, kumusta po?"

Kasama si Leandro ay binisita niya ito sa Infanta, sa bahay nila Berna. Halata ang pagkaasiwa sa mukha ng tiyahin.

"Ayos naman," alangan ang ngiti nito sa labi. Maging si Berna ay hindi rin magawang salubungin ang tingin niya.

"Pasensya na po kung hindi ko kaagad kayo nabisita. Hangga't maaari po kasi ay iniiwasan ko ang maglalabas noon dahil kay Forth."

Nasa Maynila ngayon si Forth. Matalino talaga ang bata. Naunawaan nito nang ipinaliwanag nila na hindi talaga siya ang tunay na ina nito. Pero ipinagpapasalamat din niya na hindi pinutol ng pamilya ni Micky ang custody niya sa bata. Siya ang kikilalanin nitong ina, at mananatiling ganoon ang set-up nila kahit na magkaroon na siya ng bagong pamilya. Kung excited ang lahat sa ipinagbubuntis niya, mas excited si Forth. Sana raw ay little brother ang nasa tiyan niya para daw may kalaro na ito.

"Masaya ako't napabuti ka, Maty. Gusto ko rin sanang humingi ng tawad sa nagawa ko noon."

"Wala po iyon, Tiya. May mga bagay lang po talaga tayong nagagawa kasi ang akala natin noon, iyon ang tama. Pero wag n'yo na pong alalahanin iyon. Hindi naman po ako nagtanim ng galit sa kahit kanino sa inyo. Nagpapasalamat pa rin po ako sa pagkumkop n'yo sa akin dati."

"Masasabi mo pa kaya iyan, Maty, kapag nalaman mo na ako ang may gawa kaya hindi ka nasundo ni Leandro sa terminal noon?"

Nagkatinginan silang dalawa ni Leandro. Napabaling siyang muli sa tiyahin, "Ano po ang ibig n'yong sabihin, Tiya?"

"Narinig ko ang usapan n'yo ni Kuya na pupunta ka sa Maynila, kay Leandro, sinabi ko kay Nanay," ani Berna. "Sorry, Maty. Maiingit kase ako sa iyo noon. Matagal ko nang crush si Leandro, pero hindi naman n'ya ako pinapansin. Samantalang ikaw, saglit lang, makuha mo na kaagad ang atensyon niya. Kaya sabi ko, hahadlangan kita," bakas sa mukha nito ang pagsisisi.

"Pumunta ako kay Mrs. Advento. Naisip kong baka madamay kami sa galit niya kapag nalamang imbes na lumayo kay Leandro, lumuwas ka pa sa Maynila. Nang malaman ni Mrs. Advento na lumuwas kang mag-isa, imbes na magalit ay nag-alala siya. Gusto niyang tawagan si Leandro at ipasundo ka. Ang sabi ko'y wag na lang naming ipaalam kay Leandro na pupunta ka. Kako'y makakaabala lang sa pag-aaral ng anak niya. Sinabi ko na pinasunod ko naman kaagad doon si Richard para isama ka pabalik sa Real."

"Pero ang totoo, hindi ko pinaalis ang kuya mo. Wala akong pinagsabihan sa ginawa ko, tanging kami lang ni Berna ang may alam noon. Sabi ko'y tuturuan kita ng leksyon, nasisigurado kong kung walang susundo sa iyo ay babalik ka kaagad sa Real. Pero nang tatlong araw ng walang narinig na balita sa iyo si Richard ay lumuwas siya. Hinanap ka. Sabi ng mga tao sa terminal, dalawang gabi kang nanatili roon, at nanakawan ka raw, tapos bigla kang nawala."

"Natakot ako noon, Maty. Sising-sisi ako. Lalo akong nagsisi nang makalipas ang limang buwan ay may kumalat na balita na nakita ka raw sa isang night club sa Maynila. Nagalit si Helen at ipinakita ang sulat mo. Ipinangalandakan sa mga taong nagkakalat ng tsismis na nasa Amerika ka na."

"Sorry, Maty," ani Berna.

"Patawarin mo sana kami, Matilda," anang tiyahin niya, nagpunas ito ng luha gamit ang manggas ng daster na suot.

"Tiya, hindi n'yo po kailangang humingi ng tawad. Hindi naman po ako galit."

"Hindi ka galit?" Gulat na tanong ng tiyahin niya.

"Hindi po. Wala po akong sama ng loob sa inyo. Pero aaminin ko pong may mga sandaling nagalit din ako noon. Pero kapag humupa naman po ang galit ko, nagpapasalamat pa rin po ako sa pagkupkop n'yo sa akin."

"Salamat sa malawak na pang-unawa, Maty."

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon