Chapter 9

3K 153 14
                                    

"Bruha ka! Ginulo mo na naman ang balahibo ng mga tagabaryo!" ani Helen na nagpipigil ng tawa.

"Wala akong ginagawa sa mga kanayon natin. Nananahimik ako sa palasyo ko," aniya, nakataas ang kilay.

"Alam mo naman ang mga tao," nagkibit-balikat si Helen, "Nagulo ang mundo nila dahil may nakakita kay Micky nang ihatid n'ya si Forth. Hindi naman daw pala matandang lalaki ang nakabuntis sa iyo. At nakajackpot ka raw kasi mukhang yayamanin. Talaga raw palang sinuwerte ka lang sa nakabuntis sa iyo."

"O, hindi pa sila masaya na sinuwerte ako?" napailing si Matilda.

"Aba, eh di mayroong hindi! May nagsasabing kaya raw siguro dalaga ka pa, kasi nagpabuntis ka lang talaga, tapos nung malaman nung lalaki ang pinagmulan mo, hindi ka na pinakasalan, sinustentuhan ka na lang."

Napanganga si Matilda. Hindi niya napigilan ang pagtawa, maging si Helen ay tawa rin nang tawa.

"Oh, God! Ano na naman kayang version ng kwento ang maiisip nila sa susunod?" napailing na lang si Matilda. Nalingunan niya ang anak na pinaghahawakan ang mga orange na tinda ni Helen, "Baby, don't play with those."

"Sorry, Mommy," anang bata, lumapit ito at kumapit sa kamay niya, "Let's go, Mommy. Bili na tayong cereals."

Naubos na ang binili niyang cereals kaya napilitan siyang lumabas. Hangga't maaari, ayaw sana niyang isama si Forth. Kaso dahil isang linggo pa lang ang bata rito, hindi pa nito kapalagayang loob si Joan kaya hindi niya maiwan ang bata.

"Helen, dadaan ako dito mamaya. Ipagbalot mo na ako ng prutas. Bayaran mo mamaya pagbalik namin."

Ramdam ni Matilda ang mga mapanuring tingin na nakasunod sa kanila ni Forth. Hawak ang kamay ng anak ay dumiretso sila hanggang makapasok sa pinakalaking minimart sa gilid ng public market.

*************

"HI FORTH," ani Leandro.
Labing limang minuto pa lang yata silang nasa loob ng minimart, ay heto na kaagad ang may-ari noon. Kung may pagpipilian siya ay hindi sana niya roon gustong mamili. Kaso, para sa convenience niya at ni Forth, doon sila pumunta. Baka kung ano pa ang makuhang sakit ni Forth kung sa maputik na public market sila mamimili. Tiyak na makakagalitan siya ni Micky.

Ang alam niya'y clinic hours ni Leandro. Tinanong na niya iyon kay Helen. Pero heto at kaharap niya ang lalaki. At ramdam na ramdam ni Matilda ang mga sumusunod na tingin sa kanila.

"Hello," ganting sagot ng bata bago muling naging busy sa pamimili ng cookies. Kung ano ang mapili ay inilalagay sa cart na tulak-tulak niya.

"Forth, baby, that's enough. Nabili na natin ang cereals mo, pwede na tayong magcheck-out."

"Okay, Mommy," anang bata, nagpauna pang lumakad pabalik sa counter.

Si Leandro naman ay nakaagapay sa kanya. Wari'y ramdam ng mga taong nakapaligid ang tensyon sa pagitan nila. Umiiwas ang mga ito sa dinaraanan nila, pero pasimple namang nakasunod ang tingin.

Napailing si Matilda. Kung lumikha ng kakaibang tsismis ang sinabi niya kay Aling Precing at ang pagdating ni Micky, sigurado siyang mas malaking tsismis ngayon ang mangyayari. Lalo na't mas maraming tao ang nakakitang magkasama sila ni Leandro. Muling mabubuhay ang mga tsismis tungkol sa kanila bago siya umalis sa probinsiya dati.

Hindi maiiwasan na maging interesado ang mga tao tungkol kay Leandro at sa pamilya nito. Ang mga Advento ang pinakamayamang angkan sa bayan nila. Lalo na ngayong nagtayo pa ang mga ito ng ospital. Nagtayo rin si Leandro ng travel agency na nag-aarrange ng tour sa karatig-probinsiya nila, ang Polilio Island. Iyon ang pinamamahalaan ng pinsan niyang si Kuya Richard.

"Matilda, umamin ka na. Anak ko ang bata, hindi ba?"

Napatigil siya sa paglalakad, tinaasan ng kilay si Leandro.

"Hinaan mo nga ang boses mo," pabulong na sita niya sa lalaki. May ilang nakarinig sa sinabi nito, na napatigil sa paglalakad at lumingon sa kanila. "At sinabi ko na sa iyong hindi mo anak si Forth."

"Bakit ba ayaw mong aminin na sa akin si Forth?" anito, hindi man lang hininaan ang boses. Nakuha na nila ang atensyon ng karamihan sa mga mamimili. Malapit na sa cashier si Matilda, malapit sa entrance at exit area, kaya maging ang mga naroon ay napatingin na sa kanila.

Humalukipkip si Matilda, pinanliitan niya ng mata ang makulit na lalaki. Gusto nitong corner-in siya at paaminin sa harapan nang maraming tao. Makulit din talaga ang lalaking ito. Hindi makaunawa ng simpleng "hindi."

"Hindi ka makapagsalita. Bakit? Dahil anak ko si Forth, hindi ba?"

"Hindi nga! Bakit ba ang kulit mo?!"

"Dahil sigurado akong ako ang ama niya!"

Kung kanina ay tahimik na tahimik ang mga miron nila, ngayon ay may malalakas na singhap na narinig si Matilda. Maging ang tunog ng bar code scanner ay tumigil na rin. Waring tumigil ang pag-inog ng mundo, lahat ng tao sa loob ng minimart ay sa kanila nakatingin.

Umismid si Matilda, tinaasan ng kilay si Leandro, "Paano ka nakasigurado, aber?"

Inilapit ng binata ang mukha sa kanya, "Binilang ko ang mga buwan at taon, Matilda. Tandang-tanda ko pa nang huli kitang nadala sa kubo ni Tatang Imo. Alam ko pa ang oras, ang araw at ang petsa, pati kung ilang beses kitang pinaligaya."

Mas malakas na mga singhap ang narinig ni Matilda. Napalinga siya sa paligid, ang iba ay nakanganga pa, ang ilang cashier ay nakaangat ang items na hawak, nakatingin sa kanila. Tanging si Forth ang paikot-ikot sa loob ng minimart, ang ibang tao roon ay waring naestatwa.

Nilingon niya si Leandro at pinandilatan, ngumiti lang ang binata nang nakakaloko. Waring ipinararating na alam na ng buong bayan ang kanilang sirketo.

"Anak ko s'ya, di ba?"

"Mommy? Daddy ko rin po siya? Dalawa po ang Daddy ko?" tanong ni Forth na nakatayo na ngayon sa pagitan nila ni Leandro.

Isang tumataginting na "Hindi!" ang sagot niya, pero si Leandro ay umupo sa harapan ng bata, itinapat ang mukha dito at saka sumagot ng tumataginting din na "Oo, ako ang totoong Daddy mo."

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Where stories live. Discover now