Chapter 11

2.9K 118 15
                                    


"Full tank," ani Matilda sa gasoline boy. Naihatid na niya si Joan sa palengke. Iniwan muna nila ang babae roon, babalikan na lang nila kapag magpapasundo na.

Simula nang nangyari ang gulo sa minimart ay iniwasan na niya ang pagpunta sa palengke. Pero alam pa rin niya ang nangyayari doon dahil sa mga balita ni Helen. Matapos humupa ang emosyon niya'y binalewala na lang niya ang nangyari. Wala na siyang magagawa roon. Nangyari na ang nangyari. Kung siya lang, wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Ang totoo, gusto nga niyang susutin ang mga tao at ipakitang hindi na siya apektado. 

Pero hindi niya magawa dahil tiyak na maapektuhan si Forth sa mga kumakalat na tsismis. Kailangan niyang mag-ingat, hindi para sa sarili, kung hindi para sa bata. At kapag nalaman ni Micky ang gulong nangyari, malamang sasabihan din siya nito. Ipinagpapasalamat niya na may inaasikaso ang lalaki sa Maynila. Tumatawag lang ito sa kanila para mangumusta.

Napalingon si Matilda nang may kumatok sa wind shield niya. At hindi niya napigilan ang pagrehistro ng gulat sa mukha nang malingunan ang babaeng nakatayo sa labas.

"Bakit po?" magalang na tanong niya matapos maibaba ng bintana.

"Siya ba si Forth?" anito, nakatingin sa batang nakaseat belt sa backseat. Naglalaro ito ng Rubik's cube, walang pakialam sa paligid.

Alam niya kung saan papunta ang tanong na iyon ng ina ni Leandro. Nasabi na ni Helen na noong nakaraan ay dumaan ito sa stall ng kaibigan at nagtanong ng tungkol sa bata. Bumuntong-hininga si Matilda, bago bumaba sa kotse.

"Apo ko ba siya?" anito, namasa ang mga mata.

"Mrs. Advento.." hindi alam ni Matilda kung paano ba dapat sabihin ito sa ginang. Dangan nga lamang kasi't makulit ang anak nito. Hindi naniniwala sa sinasabi niya.

"Tita Annie na lang, Maty," anito, hinawakan ang mga kamay niya.

"Gusto kong makilala ang bata. Sabik na sabik na ako sa apo. Thirty-two na si Leandro, pero wala pa ring planong mag-asawa. Tumatanda na ako, pero wala pa akong apo," anito, muling sinilip si Forth sa backseat.

"Mrs... Ahm, Tita Annie, katulad po ng sinabi ko sa anak n'yo, hindi n'ya po anak si Forth," napangiwi si Matilda nang makita ang pagbalatay ng lungkot sa mukha ng ginang.

"Sabihin mo na ang totoo, Maty. Sinabi sa amin ni Leandro kung kailan kayo huling.... kung kailan siya sumubok na bumuo ng bata sa iyo. At sa bilang niya sa buwan kung kailan huling may namagitan sa inyo, sigurado siyang anak niya ang bata."

Nakagat ni Matilda ang labi, namula ang pisngi niya. Dapat bang pag-usapan nilang dalawa iyon?

Nilingon ni Matilda ang bata sa loob ng kotse, "Tingnan n'yo po siyang mabuti. Wala po siyang kahit anong feature na nakuha sa anak n'yo."

"Nakuha niya ang kutis mo, parehas kayong maputi. E, malay mo, ang tatay mo ang kamukha niya. May ganoon naman talaga. Hindi ang mga magulang ang kamukha ng bata. Minsan, ang mga lolo at lola nila."

Napapikit si Matilda. Ngayon alam na niya kung kanino nagmana si Leandro ng kakulitan.

"Dahil ba ito sa pagkausap ko sa iyo noon na layuan mo ang anak ko? Naganti ka ba sa akin, Maty? Kaya ba ipinakargo mo sa iba ang bata, at ayaw mong aminin sa amin ang totoo?"

*******

"Pwede ko bang makausap ang pamangkin mo, Conching?"

Mula sa kusina kung saan naghuhugas ng pinagkainan ng hapunan ay rinig ni Matilda ang boses ni Mrs. Advento, ang ina ni Leandro. Bigla ang pagsalakay ng kaba sa dibdib niya. Alam niyang may kumakalat na balita sa bayan na inakit niya si Leandro, at pera lang ang habol niya rito. Hindi nila iyon pinapansin ng binata, pero sa kaibururan ng puso niya ay pinangangambahan niyang baka makarating iyon sa mga magulang ni Leandro.

"Mrs. Advento, pasok po kayo. Maupo po muna kayo at tatawagin ko lang po si Maty," anang tiyahin niya.

Saglit lang ay naroon na kaagad ang tiyahin sa kusina.

"Ayan ang sinasabi ko sa kalandian mong babae ka! Pati ako ay napapahiya! Hindi ka lang malas, kahihiyan pa kita! Manang-mana ka sa ina mong malandi! Halatang galit si Mrs. Advento, hindi man lang ako nginitian!" anang tiyahin niya, hinigit nito ang ilang hibla ng buhok niya.

"Aray ko po, Tiya!"

"Masasaktan ka talaga sa akin kapag hindi mo pa tinigilan 'yang kaalembongan mo!" Dinuro siya nito. "Lumabas ka roon, maging magalang ka," itinulak siya ng tiyahin palabas.

Hindi na niya nagawang tanggalin ang mga bula ng sabon sa kanyang kamay, kahit ang hubarin ang suot na apron. Ang buhok niya ay nagulo rin ang pagkakapuyod dahil sa paghigit doon ng tiyahin. Nanliliit siya sa harapan ng ina ng kasintahan niya. Hindi niya magawang salubungin ang tingin nito.

Habang mukha itong donya sa lahat ng aspeto, siya naman ay mukhang alila, sa lahat din ng aspeto.

Matagal siyang tinitigan nito bago tumayo, "Conching, sa labas na kami mag-uusap ni Maty," hindi na nito inantay ang sagot ng tiyahin niya, lumabas na kaagad ang ginang. Hindi alam ni Matilda kung saan siya kumuha ng lakas para sumunod sa ina ni Leandro.

"Ilang taon ka na, hija?" tanong nito sa kanya nang makalabas sila, naupo sila sa bangkong gawa sa kawayan sa harapan ng bahay. Mas lalong nanliit si Matilda. Nasisigurado niyang sa mansyon ng mga Advento ay magagandang klase ng kahoy ang bangkong inuupuan ng ginang, kung hindi man ay may mga foam iyon.

"Nineteen po," nakayuko siya, hindi pa rin magawang salubungin ang tingin nito.

Iniangat ng ginang ang mukha niya, "Malaking bulas ka para sa edad mo. Maganda ka, hija. Masipag din. Walang kaso sa akin kung pagdating ng panahon ay kayo ng anak ko ang magkatuluyan. Pero sa ngayon, pwede bang hiwalayan mo muna siya? Ilang taon pa ang bubunuin niya sa Medical School at hindi makatutulong kung madidistract mo ang pag-aaral ng anak ko."

Nangilid ang luha ni Matilda. Pumikit siya para pigilan ang pagpatak noon.

"Bilang ina, nakikiusap ako, hayaan mong magkaroon ng magandang kinabuhasan ang anak ko. Kung talagang mahal mo siya, hahayaan mong matupad niya ang mga pangarap niya. Hindi ka hahadlang," binitawan na nito ang mukha niya.

Kasabay noon ay ang pagpatak ng kanyang mga luha.

"Kung talagang kayo, pagdating ng tamang panahon, magkakabalikan kayong dalawa. Pero sa ngayon, kailangang maghiwalay muna kayo. Makakaasa ba ako?"

Hindi niya magawang sumagot, tumango lang siya habang nakayuko pa rin. Nauunawaanan n'ya ang ina ni Leandro. Kahit naman siya si Mrs. Advento, malamang palayuin rin niya ang anak sa isang babaeng katulad niya.

"At umaasa rin akong hindi makararating kay Leandro ang tungkol sa pag-uusap nating ito."

Muli, tumango si Matilda. Si Mrs. Advento naman ay pumasok muli sa bahay, nakipag-usap sa tiyahin niya bago muling lumabas at sumakay sa kotse.

Nakaalis na ito, pero naiwan pa rin si Matilda sa labas, hindi niya alam kung paano patitigilin ang mga luha.

"Matilda! May labahin ka pa!" sigaw ng tiyahin mula sa loob ng bahay.

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon