Chapter 3

3.8K 164 25
                                    

"SO, TOTOO ang tsismis na umuwi ka na nga," anang isang boses na kahit hindi pa nakikita ni Matilda ang nagsalita ay kilalang-kilala niya.

Hindi mabubura ng walong-taong pagkakahiwalay nila ang pagkakatanda niya sa boses nito. Kilalang-kilala niya iyon, kahit pasigaw, normal na tono, o kahit pabulong lang ang pagsasalita nito.
Bago magmulat ng mga mata ay ipinaalala muna ni Matilda sa sarili na hindi na siya katulad ng dati. May kailangan na siyang isaalang-alang sa kanyang mga aksyon. Bumaba muna siya sa hagdan bago tiningnan si Leandro.

Ang lakas ng pintig ng puso niya kanina, dahil sa mga namunbalik na ala-ala, ay nadoble ngayong magkaharap sila. Alam niyang gwapo ito, noon pa. Hindi naman siya magpapakatanga at magpapaubaya noon dito kung hindi nito nabihag ang puso niya.

Pero mas lalong naging gwapo ang binata. Maiksi na ang gupit ng tuwid na buhok nito, na madalas na nilalaro niya habang nakaunan ito sa kanyang kandungan. Ang kulay nito ay hindi nagbago. Madalas nitong sabihin sa kanya noon na kapag nagkaanak sila ng babae ay kakulay sana niya. Kawawa naman daw kung maging kakulay nito ang anak nila. Ang singkit na mga matang madalas makapagpalimot sa kanya, ang makikipot at mapupulang labi na nagdala ng isang libo't isang laksang ligaya, ang dahilan nang madalas na pagpapaubaya niya sa binata noong kabataan niya.

Pero noon iyon, noong bata at inosente pa siya, mabilis maniwala, at mabilis magtiwala. Ngayon, hindi na siya ang Matildang iyon. Natutuo na siya. At hindi na siya papayag na madala na naman ng itsura ng binata.

At ang pinakamabigat ng dahilan sa pagbabago niya ay ang batang si Forth. At ang malaking utang na loob niya sa ama nito na tumulong sa kanya noong mga panahong hindi niya alam kung saan siya pupulutin. Dahil kay Micky, kaya napasakanya ang mga bagay na meron siya ngayon.

Umayos ka, Matilda, hindi ka na teenager... milyonarya ka na... Paalala niya sa sarili. Kailangang ipakita niya sa lalaki na hindi na siya apektado sa mga tingin nito.

"Kahit papaano, may mga tsismis naman na totoo," aniya, nagkibit-balikat.

"Narito ka ba kase inaalala mo ang mga ginawa natin sa kubo?"

Tinaasan niya ng kilay si Leandro. Pero ngumiti lang ang lalaki, lumakad palapit sa kanya.

"Nang malaman kong ipinagbibili ng mga Acuzar ang lupa nila, sinubukan ko itong bilhin. Gusto ko kasing mapasaakin ang lupang ito. May magagandang alaala ako sa lugar na ito, lalo na sa kubo. Kaso may nakausap na raw sila, nabayaran na rin ang lupa. Nahuli ako ng ilang araw sa balita."

Napalunok si Matilda. Kilala niya ang tinging iyon. Ilang beses ba siyang nadala sa mga tinging iyon ni Leandro? Ilang beses ba siyang nadala ng lalaki sa kubo dahil sa mga ngiti, haplos at halik nito?

Alam niya ang tungkol sa pagnanais ng lalaki na bilhin ang parteng ito ng lupain. Nakapagbayad na siya sa mga Acuzar ay nakatanggap pa rin siya ng tawag na kung maaaring mabawi ang parteng ito ng lupa. Tinanong niya si Helen kung sino ang bibili, at nang malaman niyang si Leandro ay lalo siyang hindi pumayag na ibenta iyon pabalik.

Huminga nang malalim si Matilda, "Gano'n talaga ang napupura ng mga taong patulog-tulog sa kandungan ng iba, este, sa pansitan pala. Nabili ko na ito. Papabakuran ko na para wala ng kung sino-sinong nakakapunta."

Kumunot ang noo ni Leandro, "Anong ibig mong sabihin?" humakbang ito palapit sa kanya. Lalong naging singkit ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kanya.

"Trespassing ka," aniya. Hindi siya umatras, tiningala niya ang binata.

"Hindi iyon. Anong natutulog sa kandungan ng iba?"

Tinaasan niya ito ng kilay at inismiran, "Aba, Leandro, ikaw ang gumawa, ako ang magkukuwento? Patawa ka, kaso hindi ka naman kalbo."

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon