Chapter 13

2.6K 99 1
                                    

"Alam mo bang buhay na buhay ang hasang ng mga nakakating dila sa bayan," ani Helen, ang kaibigan na niya ang madalas pumunta sa bahay nila.

Hindi na siya halos nagawi sa bayan. Hangga't maaari ay iniiwasan niya. Lalo na nang makatanggap siya ng tawag kay Micky. Ibinilin nito na hanggang mamaari ay wag silang lumabas ng bahay. Hindi rin daw muna ito makakapunta sa kanila. Kailangang tutukan daw nito ang inaasikaso sa Maynila. At mapapadalang na rin daw muna ang pagtawag ng lalaki.

Nag-aalala siya para kay Micky, pero sabi naman nito ay kaya nito ang sarili. At mas makabubuting wala sila sa Maynila, lalo raw itong mag-aalala kung naroon sila. Ang tanging pakiusap ni Micky ay magtigil sila sa bahay at iwasan ang paglabas. Nauunawaan naman niya ang lalaki. At para sa kapanatagan nito, sinusunod niya ang bilin ni Micky.

Nagpakuha rin ito ng security guards na magbabantay sa main gate nila. Dadalawa silang babae ni Joan doon. Mahirap na raw na wala silang security na kasama. Apat na guards ang laging nakabantay sa bahay nila.

Si Helen naman ay dinadalasan ang pagpunta sa kanila. Isinasama nito ang mga anak para may kalaro si Forth. Ngayon ay nasa labas si Forth, kasama ang dalawang anak ni Helen.

"Naku, mabuti na nga ring hindi ka na naglalalabas. Kung ano-anong kwento lang ang naiimbento ng mga tao," nagluluto sila ng seafood carbonara, meryenda ng mga bata.

"Ano na naman ang latest na balita?" Nagtitimpla siya ng juice, si Helen naman ay hinahalo na ang sauce sa pasta.

"E, di ayon, baka raw masundan na si Forth. Nakita ka raw na sinadya mo pa sa pharmacy si Leandro, tapos magkayakap daw kayong pumasok sa kwarto at nagkulong kayo roon maghapon. Wala raw umabala sa inyo at agaw-dilim ka na raw umalis."

Napailing si Matilda, "Ang mga tao talaga, walang magawa."

"Nagtaka ka pa?" napapailing din si Helen.

Ang pagtunog ng cellphone ang umabala sa kwentuhan nila ni Helen. Naiwan iyon sa sala kaya lumabas siya para tingnan kung sino ang natawag. Napangiti siya nang makita ang caller.

"Hi, Micky!" ani Matilda.

"Kumusta ka na? Si Forth, kumusta?"

"Ayos lang ako, pati ang anak mo. Kakausapin mo ba s'ya?"

"Yes, babe," anito.

"Nasa labas siya, naglalaro, tatawagin ko lang. Hold your line, honeybels," aniya. Narinig pa niya ang tumataginting na halakhak ni Michael sa kabilang linya, napangiti naman si Matilda. Ngiting agad na nabura dahil sa lalaking nalingunan niya sa pintuan ng bahay, nakahawak sa kamay ni Forth.

Si Leandro.

"Baby, Daddy's on the line."

"Yehey! Daddy!" anang bata, nagtatakbo ito palapit sa kanya, kinuha ang cellphone sa kanyang kamay, "Daddy, I miss you already!"

Nakatitig si Leandro sa kanya, inaarok ang kanyang emosyon, pero kita rin niya ang emosyon sa mata ng lalaki. Panghihinayang at lungkot.
Kumurap si Leandro. At ng emosyong naroon ay napalitan ng kapilyuhan. Tinaasan niya lang ito ng kilay.

Mula nang malaman nito ang pinagsasabi ng kapatid ay halos araw-araw na itong nasa bahay niya. Nangungulit pa rin, at pilit siyang pinapaamin. Pero kung hindi siya matinag nito tungkol kay Forth, puso naman niya ang lalong nameligro.

Sabi nito, hangga't hindi siya kasal kay Micky, hindi ito mawawalan ng pag-asang aamin siya. Naniniwala ito, pati ang buong pamilya, na kaya hindi sila nagpapakasal ni Micky ay dahil hindi niya mahal ang lalaki.

Napagod na lang siya sa kauulit na hindi siya mabuntis ni Leandro, at si Micky talaga ang ama ni Forth. Pero buo ang paniniwala ng pamilya Advento na naghihiganti siya dahil sa pagpapahiya sa kanya ni Lovely.

Ang tanging nalaman ni Leandro noon ay ang tungkol sa pagpapalayas sa kanya ng tiyahin. Hindi nito nalaman nga tungkol sa pagsugod sa kanya ni Lovely sa palengke. Nagalit si Leandro nang maalam iyon. Kung paanong hindi nakarating sa kaalaman ni Leandro ang eskandalong iyon ay hindi niya alam, at wala na rin siyang planong alamin kung sakalin. Wala namang maitutulong iyon sa dilemma niya ngayon.

Si Lovely naman ay ilang ulit na humingi ng tawad sa kanya. Pero hindi naman siya galit kay Mrs. Advento, maging kay Lovely. Nabuhay siyang hindi maalam magtanim ng galit at magpasalamat sa lahat ng dumarating na biyaya sa buhay niya.

Ibinaling niya ang tingin sa bata na masayang nakikipag-usap sa ama nito. Pero hindi niya matagalan ang matiim na pagtitig ni Leandro.

"Maty, bakit hindi mo ipinaalam sa akin ang ginawa ni Lovely? At paano ka napunta sa US? Ano ang ginawa mo roon? Pagkatapos ng unang sulat mo kay Helen, hindi ka na raw ulit sumagot. Ilan taon akong nag-antay ng balita tungkol sa iyo."

Nagsulatan pa rin sila ni Helen noong nasa US siya, pero sa tiyahin nito sa Infanta napatak ang sulat para hindi malaman ni Kuya Richard. Pinakiusapan niya ang kaibigan na wala na dapat makaalam nang nangyayari sa kanya dahil kailangan niyang protektahan si Forth at si Micky.

"Para saan pa ang pag-uusap na ito? Para magsisihan? Maghanapan ng pagkakamali ng isa't isa? Alam mo, Leandro, nangyari na ang mga nangyari. Kalimutan na lang natin ang lahat."

"Hindi ganoon kadali iyon, Maty."

"Madali lang iyon, Leandro. May kanya-kanya na tayong buhay. Kasama ko na ngayon si Forth, at may responsibilidad ako kay Micky."

Tumiim ang bagang ni Leandro, "Iyan pa ang isang hindi ko maintindihan, Maty. Sino ba talaga si Micky sa buhay mo? Paulit-ulit mong sinasabi na si Micky ang ama ng bata. Pero kung siya talaga, bakit nasa iyo ang bata? Bakit hindi kayo kasal?"

"Kung ano man ang set-up namin, amin na iyon. Labas ka na roon, Leandro. Wala ka nang pakialam," tinalukuran niya ang binata, pero sumunod ang lalaki sa kanya sa kusina.

"Kung ayaw mong sabihin sa akin kung sino si Micky sa buhay mo, sige, hahayaan kita. Pero karapatan kong malaman kung ano ang nangyari. Bakit bigla kang nawala?" hinagip ni Leandro ang braso niya, pilit siyang iniharap.

"Lalabas muna ako, sisilipin ko lang ang mga bata," mataktika silang iniwanan ni Helen sa kusina.

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Where stories live. Discover now