Chapter 19

2.7K 117 6
                                    


"BILISAN MONG MAGBALAT," TAKAM NA TAKAM NA SI MATILDA sa binabalatang mangga ni Helen. Gusto na niya iyong kainin.

Binisita ulit siya ng kaibigan. Hindi pa rin siya naglalalabas ng bahay. Wala nang nagtatangka sa kaligtasan ni Forth, pero iniiwasan pa rin niyang magkasalubong na naman sila ni Leandro. Kahit sa kubo ay hindi na siya ulit bumalik. Ipinagpasalamat naman niyang hindi rin siya kinukulit ni Leandro. Kahit sa kaibuturan ng puso niya ay naroon ang panghihinayang at pagdaramdam sa biglang pagkawala ng interes nito sa kanya.

Dahil ba nakuha na siya nitong muli?

Biglang gustong maiyak ni Maty. Pinigil niya ang sarili. Masyado siyang nagiging emosyunal. Dapat, imbes na malungkot, matuwa pa siya. Umaayos na ulit ang buhay niya, nabalik na sa normal.

"Ito, wagas maka-demand. Akala mo alila ako, e. Hoy, Ale, bisita po ako rito!" ani Helen, pinandilatan pa siya nito.

"Daming sinasabi, bilis na!" ani Matilda, kaysa pagtuunan ng pansin ang biglang panlalamig ng binata, uunahin na lang niya ang mangga sa harap niya. Naglalaway na siyang talaga. Nang matapyas ni Helen ang isang pisngi ay kinuha agad ni Matilda.

"Para kang hayok sa mangga! Hindi ka nakakakain, 'te?" tatawa-tawa si Helen.

"E, sa napaibig ako sa mangga, bakit ba?" aniya, naubos agad ang manggang kinuha, muli siyang kumuha sa platito, isinubo iyong muli.

"Hoy, babae, kapag may nakakita sa iyo kung paano mangain ng mangga, iisiping naglilihi ka! Hindi pa madilaw itong manggang kalabaw! Hilaw pa, bruha! Kung umasta, parang maglilihi talaga!" napapailing na lang sa kanya ang kaibigan. Nahilis na nito ang mangga at ngayon ay nagbabalat ng panibago.

"Paano ako maglilihi, e....." natigilan si Matilda, dinakma niya ang cellphone ni Helen na nakapatong sa tabi niya. "Passcode mo! Dali!"

"Problema mo? Kanina sa mangga ka obsess, ngayon sa cellphone ko," kinuha nito ang cellphone sa kanya, ibinalik noong na-unlock na.

Dali-daling tiningnan ni Matilda ang calendar app at napatulala.

"Hoy!" Pumitik si Helen sa harapan ng mukha niya, "Ano bang nangyayari? Naguguluhan ako sa iyo."

Ipinatong niya ang cellphone ni Helen sa lamesa, nagtakip siya ng mukha, "Shit! Shit! Shit! Shit!"

"Hoy, Matilda! Ano bang nangyayari!"

"Masasakal ko si Leandro! Sinabi ko ng hindi pwede!"

"Ano bang hindi pwede? At anong kinalaman ni Doc dito?" ibinaba ni Helen ang kutsilyo at manggang hawak, halata sa mukha nito ang matinding kuryosidad.

"Shit!" Hindi alam ni Matilda kung matutuwa o matatakot.

Huminga siya nang malalim. Kailangang siguraduhin muna niya kung tama ang hinala niya. Nilingon niya si Helen na naguguluhan pa rin sa ikinikilos niya.

"Saan may pinakamalapit na OB-Gyne dito sa Real?"

Napanganga si Helen. Makalipas ang ilang saglit ay bumunghalit ito ng tawa, "Naglilihi ka nga?"

Binato niya ng hiniwang mangga si Helen, "Namomoroblema ako rito, tinatawanan mo pa ako!"

"E, kasi naman!" ani Helen, hindi pa rin mapigilan ang pagtawa. "Wala pa rin talagang kupas si Leandro, ano? Mabilis talagang kumilos. Mula noon, hanggang ngayon," muling tumawa si Helen.

Binato niya ulit ito, "Kaibigan ba talaga kita?"

Tinawanan siya nitong lalo, "Oo, kase kung hindi mo ako totoong kaibigan, inalo-alo na kita. Binigyan ng payo at kung ano-anong words of wisdom. Pero dahil best friend mo ako, tatawanan muna kita sa kalokohan mo. Pagkatapos kong tumawa, tutungan na kita," humalakhak na naman si Helen.

"Nakakainis ka!" aniya, pero maging siya ay napatawa rin dahil sa sinabi nito.

"Okay, okay, serious na," pero mukhang hindi naman seryoso dahil nagtatawa pa rin ito.

"May seryoso bang gan'yan! Tinatawanan mo pa rin ako!"

"Hindi kita tinatawanan. Masaya lang ako. Masayang-masaya," tumayo ang kaibigan. "Busy naman ang mga bagets sa panonood, at saka nariyan naman si Joan. Sumaglit muna tayo sa bayan."

Nagbibiyahe na siya nang biglang naisip ni Matilda ang posibilidad na makarating kay Leandro ang pagpapacheck-up niya.

"Sa Infanta na lang kaya tayo pumunta?"

Nakakunot-noo si Helen nang lumingon sa kanya, "Bakit?"

"Paano kung may makakita sa atin? Alam mo naman ang mga tao sa bayan, may makita lang na kakaiba, ang bilis gumawa ng kwento."

Tumango si Helen, "Sige. Magpacheck-up tayo kung saan ka komportable."

*******************

"HELEN, PAANO KUNG BUNTIS NGA AKO?" nasa clinic na sila, inaantay na lang na tawagin ng doktora.

"Aba, e di, tiyak pananagutan ni Leandro 'yan! At saka bakit ngayon mo lang inisip 'yan? Sana noong ginagawa n'yo. Kaso sigurado ako, wala sa isip mo 'yan. Malamang, ligayang-ligaya ka pa," muli na namang tumawa ang babae.

Pinalo niya ito sa braso, "Nakakainis ka talaga!"

"Bakit ako? Ako ba ang nakabuntis sa'yo?" Sinusubukan nitong pigilan ang pagtawa, pero hindi naman nito magawa.

"E, ang loko-lokong iyon, sinadyang buntisin ako!"

"Hoy, Ale, wag mo lang dun sa tao isisi ang lahat. Aminin mong ginusto mo rin 'yan."

Natigilan siya. Inirapan ang kaibigan. Nanghahaba ang nguso niya. Hindi siya maka-react, kasi totoo naman. Tumawa na naman si Helen.

"Helen, 'wag mo na akong tawanan! Ano ang gagawin ko kapag buntis ako?"

"Mamaya mo na problemahin 'yan. Kapag confirm na positive na, saka natin pag-isipan."

Ninenerbiyos si Maty, nanlalamig ang kamay niya. Lalong nadoble ang kaba nang tawagin siya ng nurse. Siya na raw ang kasunod na papasok sa examination room.

"Congratulations! Positive! Buntis ka," nakangiting sabi ng doktora. Ihinarap sa kanya ng screen ng ultrasound machine. May kung anong itinuro doon.

"Maty, okay ka lang ba?" ani Helen. Pinapasok din niya ito sa loob. Sinabi niya sa doktora na kailangan niya ng kasama roon.

Tumango lang siya. Pinaghalo-halong emosyon ang nasa puso ni Matilda. Saya at takot. Pero pinakamalaki ay ang panggamba. Bakit ngayon pa biglang nanlamig sa kanya si Leandro? Sabi nito, gusto nitong magka-anak sa kanya. Pero bakit bigla na lang itong nawala? Paano na sila ng anak nila?

Biglang gusto niyang umiyak na naman.

"Dapat sabihin mo ito sa kanya," ani Helen.

"Ito ang heartbeat ng baby," may itinuro ang doktora sa screen, gumagalaw-galaw iyon.

Biglang pumatak ang luha ni Matilda. May init na biglang nanahan sa puso niya. Kung si Forth ay minahal niya nang unang makita, ang anak ay minahal na kaagad niya, kahit itim at puti pa lang sa ultrasound screen ang nakikita.

Biglang gusto niyang nasa tabi niya si Leandro. Gusto rin niyang makita nito ang pagtibok ng puso ng anak nila. Kaso, bigla namang nanlamig sa kanya ang binata.

"Leandro Advento, mapapatay kita!" nakatitig siya sa screen, tinitingnan ang gumagalaw na repleksyon doon.

Napatingin ang OB-Gyne sa kanya, bago napatawa. Si Helen ay tumawa rin, pero pinapahiran naman ang mga luha niya.

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon