Chapter 4

3.3K 132 4
                                    

"Hoy, luka-luka ka! Dahil sa mga pinagsasabi mo kay Aling Precing, baryo-wide trending ka na," natatawang sabi ni Helen sa kay Matilda. Nasa palengke siya at dumaan sa stall ni Helen.

"Inasahan ko na 'yan. Si Aling Precing pa ba?" naiiling na sagot ni Matilda.

"Ano pa nga ba?!"

"Pero may kasalanan ka rin, ginatungan mo pa yung matabil na matanda," ani Matilda sa kaibigan.

"Pero nakakatawa pa rin. Kung ano-ano ang kwentong kumakalat sa baranggay natin," tumatawang sabi ni Helen. "At ang magaling na matanda, pabida. Ikaw raw mismo ang nagsabing ayaw mong mag-artista. At model ka raw ng mga panty at bra. Dahil daw sa pagmomodel mo, nagkapera ka."

Hindi napigilan ni Matilda ang pagtawa. Inaasahan na niyang seseryosohin ng matanda ang sinabi niya.

"Pero eto ang matindi. Maraming hindi naniniwala. Baka raw nakabingwit ka ng may apat na M. Matandang Mayamang Madaling Mamatay. Tapos nagpaanak ka para magkapera ka."

Nagtawanan silang dalawa.

"Tatawang tiyak si Micky kapag narinig iyan. Unang-una, thirty eight pa lang siya. Oo nga't mayaman, pero malayo pa siyang mamatay. Napaka-self conscious at health buff kaya no'n," ani Matilda nang makabawi sa pagtawa.

"Teka, hindi pa tapos. May iba pa silang teyorya," ani Helen na tatawa-tawa pa rin.

"Ano pa?"

"Baka raw anak talaga ni Leandro ang bata, tapos ipinakargo mo lang sa iba," ani Helen na sinabayan ng tawa.

Pinaikot ni Matilda ang nga mata, saka siya tumawa, "Hayaan mo sila. Ang mahalaga, alam ko ang totoo. At hindi ko kailangang magpaliwanag sa kanila."

"Tama. Kahit ano namang gawin mo, iba-iba ang interpretasyon ng tao. Kung sila ang iisipin mo, walang mangyayari sa iyo. Hindi ka sasaya, hindi ka rin aasenso," ani Helen.
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan.

"Teka, bakit naligaw ka?"

"Itatanong ko lang kung may kakilala kang gumagawa ng cottage. Papalitan ko na 'yong mga lumang cottage do'n sa beach front. Para pagdating ni Forth sa isang linggo, ayos na lahat. Mahirap na, baka maaksidente pa doon ang anak ko."

"Napaayos mo na ang loob ng bahay?"

"Oo. Nakapagpadeliver na ako ng mga gamit sa kwarto namin ni Forth. Ang mga lumang gamit sa mansyon, nakaayos na rin sa storage sa likod-bahay. Dumaan ka roon, baka may magustuhan ka. Tapos ang iba, ipamigay na lang natin sa mga kamag-anak mo."

"Sige, dadaan ako doon mamaya. At ang gagawa ng cottage, may kakilala akong bibilhin mo na lang. Gawa na, ipapadeliver mo na lang doon sa beach front mo. Eto ang number, tawagan mo."

Kinuha niya ang cellphone sa kamay ni Helen, kinopya ang contact number doon.

"Got it. Pa'no, tutuloy na ako. Uunahin ko na muna ito."

"Okay. Kita na lang tayo mamaya sa bahay n'yo," nagyakap muna sila ng kaibigan bago siya umalis sa stall nito.

************

NAPAKUNOT-NOO SI LEANDRO nang makita ang nakapatas na mga lumang kawayan at kahoy malapit sa daan papunta ng beach. Nasisiguro niyang iyon ang mga lumang kubo na nasa tabing dagat dati. Bukod sa kubo ni Tatang Imo, ang mga kubong iyon din ang piping saksi sa masasayang sandali niya sa piling ni Maty.

Ipinagiba iyon ng dalaga? Wala na ba talagang halaga rito ang nakaraan nila?

Ngunit ang pagkunot ng noo niya ay unti-unting napalitan ng ngiti nang makita ang babaeng naglalakad palayo sa isa sa mga bagong cottages na nakahanay sa tabing dagat. Ngiting unti-unti ring nabura nang mapagmasdan ang kabuuan ng dalaga.

Naka-two piece swim suit ito. Ang mahabang buhok ay malayang nilalaro ng hangin. Ang papalubog na araw ay waring nagpaangat pa lalo sa angking karisma ni Maty. Napalunok siya nang dumako ang kanyang paningin sa baywang at pang-upo ng dalaga. Hindi niya malilimutan kung gaano kakinis ang kutis nito, kung gaano kakipot ang mga baywang na madalas niyang dangkalin matapos ang pagniniig nila. Nahiling niyang sana’y humarap sa gawi niya si Maty para lalo pa niyang mabistahan ng kabuuan nito.

Bumilis ang hakbang ni Leandro pasunod sa dalaga. Ngunit bago pa siya makalapit dito ay nakalusong na ito sa tubig, sinalubong ang mga alon hanggang sa unti-unting nawala ang babae sa paningin niya.

Pinagkasya ni Leandro ang sarili sa pag-upo sa buhanginan at mag-antay sa muling pag-ahon nito. Nilinga niya ang paligid, tiningala ang kalangitan. Noon ay hindi sila makapunta doon ni Matilda kapag ganitong may araw pa. Madalas na tuwing agaw-dilim na.

Nang muli siyang tumingin sa dagat ay parang may sumuntok sa sikmura niya. Nakatayo ang dalaga, nakatalikod sa kanya. Itinaas nito ang isang kamay, inayos ang buhok na marahil ay humarang sa mukha. Pero hindi talaga iyon ang nakapagpatigil sa pag-inog ng mundo ni Leandro.

Kahit nakatalikod ay para itong isang diwatang umahon sa dagat. Ang balat nito ay parang pilak, ang tubig na umaagos sa katawan ay kumikinang sa tama ng sinang nang papalubog na araw. Sa kanyang paningin ay animo'y walang kahit anong saplot ang dalaga.

Ang alaala ng isang gabi, ilang taon na ang nakalilipas ang waring nauulit sa mismong mga mata niya.

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon