Fan Mode Six

8.5K 237 17
                                    

Fan Mode Six

~**~**~**~**~**~**~

“Excuse me? Fiancé? As in, mapapangasawa?” Tumawa nang malakas si Bubbles. “In your wildest wet dreams, Cassiopeia.”

“Gaga! Hindi nga sabi ako nagbibiro! Patutunayan kong totoo ang sinasabi ko sa’yo! Tara! Puntahan natin siya sa Tungsten Tower!” excited kong sabi.

Malamang sumunod sa akin si Bubbles dahil gusto niyang makita ang pagkakapahiya ko. Asa. As if naman mapapahiya ako eh kay Mama na nga nanggaling ‘yung balita eh. Kumare niya pala ang nanay ni Zero at dahil nakikiuso sila sa trend ngayon ng mga drama sa telebisyon, pinagkasundo nila kami ni Zero.

Grabe. It’s a dream come true. Sinong may sabing hanggang panaginip lang ang mapangasawa ng isang fan girl ang kanyang idol? Sus. Ipokrita at bitter lang siguro ‘yun. Walang imposible sa dalawang taong tinadhana.

Dahil malapit lang naman kami sa Tungsten Tower kung saan located ang entertainment company nina Zero, tinakbo lang namin ni Bubbles ‘yun. Bakit namin lalakarin kung puwede namang takbuhin, ‘di ba?

“Teka, Miss. ID mo po,” paninita sa akin ni Manang Guard.

“Cassiopeia Cheng,” taas-noo kong sabi.

“Po?”

“Cassiopeia Cheng,” iritadong ulit ko. Ano ba naman ‘to? Paulit-ulit? Unli?

“Miss, hindi po Casofeya Seng. ID niyo po,” mariing sabi niya. Ano raw!? Casofeya… Seng!?

“Ano ba? Ako si Cassiopeia Cheng! Hindi mo ba ako kilala?” iritadong tanong ko.

“Hindi. Sino ka ba?”

OMG! Blood pressure ko! Ngumiti ako nang matamis. “Manang, ako si Cassiopeia Cheng,” mariing sabi ko.

“Eh ano ngayon?”

“What the—”

“Miss, pamangkin siya ng…” Tumigil si Bubbles at tumingin sa akin. “Kaanu-ano mo nga pala ang may-ari ng Tungsten Tower?”

“Hipag ng hipag ng tito ko ang may-ari ng building na ‘to!” I screamed.

“Hipag ng… ano ulit ‘yun? Teka lang, Miss. Ang sabi sa akin, hindi puwedeng magpapasok ng hindi empleyado ng kumpanya,” mariing sabi ni Manang Guard.

“Hindi ako empleyado ng kumpanya! Bisita ako! Nasaan ba si Manong Guard na nakabantay rito!? Tawagin mo siya. Kilala niya ako,” confident kong sabi.

“Si Mang Conrado po ba? Wala na po siya rito. Nasitante na. May pinapasok po kasi siyang hindi empleyado ng kumpanya,” sagot ni Manang Guard.

What!?

Nagbuntong-hininga ako. “Look here, Manang.” Nagpamewang ako. “Nasa loob ang asawa, este mapapangasawa ko. Kung gusto mo, hanapin mo siya at banggitin mo ang pangalan ko. For sure eh magmamadali pa ‘yun na papasukin mo ako.”

“Pero hindi po talaga puwede, Miss. Kabilin-bilinan po ni Boss Wyatt na huwag magpapasok ng hindi empleyado ng Tungsten Tower.”

Grr. Naiirita na ako. Nasisira na ang hairdo ko. “Tara na nga, Cass,” bored na sabi ni Bubbles.

“No, kailangan kong patunayan sa’yo na hindi ako nagsisinungaling!”

“Oo na, naniniwala na ako sa’yo,” medyo iritadong sabi niya, at alam kong hindi talaga siya naniniwala sa akin.

“Teka! Tatawagan ko ang kapatid ko. Empleyado siya rito. Sandali lang,” sabi ko kay Manang Guard. Kinuha ko ang mobile phone kong worth sixty-thousand pesos at ni-dial ang number ng bakla kong kapatid.

“O, bakit? Anong problema mo?”

“Hoy, Cadmus! Nandito ako sa labas ng building niyo,” sabi ko.

“Tapos?”

“Leche, ayaw akong papasukin! Gumawa ka ng paraan?”

“Bakit naman ako gagawa ng paraan?”

“Gusto mong sunugin ko ang building na ‘to kasama ang kaluluwa mo!?” asar kong tanong.

“Gawin mo. Nandito ang minamahal mong fiancé.”

Huh? Oo nga pala! “Cadmus! Naman eh! Gumawa ka ng—hello!? Cadmus? Cadmus!” sigaw ko sa telepono.

Punyeta. Binagsakan ako ng telepono. Mamaya ka sa’kin, Bakla! Gugupitin ko ang lahat ng damit mo sa bahay!

“No luck?” nakangising tanong ni Bubbles.

“Maghintay ka. Tatawagan ko si Tito,” determinadong sab ko. Ida-dial ko na dapat ang number ng tito ko noong biglang bumukas ang glass door ng building.

Nanlaki ang mga mata ko. Lumabas ang grupong Zeus. OMG. Si Zero! Dali-dali akong lumapit sa kanya.

“Hi, Hubby!” masiglang sabi ko.

Agad napatingin sina Zerrick, Zed, at Zabe sa kanya. “Hubby?” gulat na tanong ni Zed.

“Ikaw ba ang tinutukoy niya, Zero?” tanong ni Zerrick.

Malamang! Alangang ikaw!? Ngumiti ako nang malapad. “Hubby, may ipapakilala ako sa’yo,” masiglang sabi ko.

“Zero, kinakausap ka niya. Magkakilala ba kayo?” tanong ni Zabe sa kanya.

Tumingin si Zero sa akin at umiling. “I don’t know her.”

Napakurap ako.

A-ano raw!?

“I don’t know her.”

~**~**~**~**~**~**~

Fan Girl by Dyosa Maldita (Published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon