Chapter 1

2.1K 37 0
                                    


"I LOVE you, Xander!"

"Xander, i-date mo naman ako!"

"Sasama ako kahit saan, Xander!"

Ibinigay niya ang aral na ngiti para sa iilang fans na karaniwan nang nakikita at nanonood ng practice ng mga race car driver. Kinawayan niya ang mga ito.

Ang ilan ay nakuhang makalapit at nagpapirma ng autograph. Ang ilan ay talagang may katapangang sadya siyang inaabot at hinahagkan.

He extricated himself from the adoring fans, smiled and waved at them and walked towards his bike. Ang lahat ng sama ng loob niya ay sa mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan niya ibinuhos sa katuwaan ng mga kasamahan niya sa maintenance. Kinakantiyawan siyang maaari na siyang sumabak bilang professional race car driver. Na hindi pa man siya pro ay may mga fan na siya.

Ngiti lang ang isinagot niya sa mga ito. Kagabi ay tinawagan siya ni Tom Manning, ang solicitor ng adoptive father niya, para ipaalam na patay na si General Grayson. Limang taong mahigit magmula nang patakasin siya nito sa farm sa San Diego, California. Last night, he had mourned for the man who had treated him kindly like he was his own flesh and blood.

Kagabi rin ay nagpahayag siya ng pagnanais na bumalik at daluhan ang libing ng ama-amahan subalit mariing tumanggi si Tom Manning.

"Your father's interment will be this afternoon, Xander. Huwag mong sayangin ang ginawa ni Baron para makatakas ka," he had told him in his language. "Walang dahilan para isapanganib mo ang sarili mo sa sandaling malaman ni Hestercita na dumating ka nang palihim. May mga taong natitiyak kong itinalaga ni Hestercita para magmamasid nang lihim sa paglilibingan kay Baron..."

Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang interes at pagkasuklam ni Hestercita sa kanya. At hanggang ngayon ay bigo pa rin siyang hanapin ang tunay na mga magulang.

Malapit na siya sa paradahan ng mga sasakyan ng mga race car driver nang hindi sinasadyang matuon ang mga mata niya sa bleachers. Wala na roon ang ilang fans dahil tapos na rin naman ang practice ng mga race car driver. Pero may isang babaeng nanatiling nakaupo sa may ibabang bahagi ng bleacher. Nag-iisa ito.

Hindi na sana niya iyon papansinin. Subalit dinaig siya ng kuryosidad. Nakatitig ito sa racetrack gayong wala naman nang mga sasakyan doon. Katunayan ay papalubog na ang araw at unti- unti nang kumakalat ang dilim. Ang iilang fans ay isa-isa na ring lumalakad patungo sa labasan. Siya na lang ang huling driver na naiwan. Ang matitira na lang ay ang apat na lalaking nasa maintenance area na mamaya lang ay tutuloy na rin sa bunkhouse.

Sa katapusan ng maghapong trabaho ay mag-iinuman ang mga ito. Mapanganib para sa isang kabataang babae ang manatili sa lugar na iyon nang nag-iisa.

Sa halip na tumuloy sa bike niya ay lumakad siya patungo sa bleacher.

LOOKING at her profile, Xander decided she couldn't be a day over seventeen. Mestiza. Ang buhok nito'y kakulay ng purong tsokolate. It was so dark a brown that it was almost black. Napupuna lang ang kulay dahil natatamaan at kumikislap iyon sa panghapong araw. Uso sa mga kabataan ang nagkukulay ng buhok pero natitiyak niyang natural ang kulay ng buhok nito.

It was held in place at the back of her head with a big white clamp. May ilang hiblang kumawala mula sa pagkakaipit at humahaplit sa mukha nito.

Bagaman nakaupo ito ay hindi maikakailang mataas. Nakasuot ito ng lumang pantalong maong at luma ring kamisetang puti na halos hindi umabot sa ugpungan ng jeans. Sa mga paa'y mumurahing blue canvas shoes.

Sadyang nilakasan ni Xander ang pagtikhim upang marinig siya nito. Bahagya itong nagulat at nilingon siya. Up close, hindi lang ang side view ng mukha nito ang maganda, higit kapag nakaharap. Kakaiba. Hindi yaong karaniwang mestiza.

Kristine Series 49: Alessandro Leon  Unde poveștirile trăiesc. Descoperă acum