Part 39 - Ugat

521 24 3
                                    

Nilakad-takbo ni Minggay ang daan papunta kay Tangkad. Hindi na siya nagtakip ng mukha gaya ng ginagawa niya noon sa tuwing mapapadaan sa lugar nila. Wala na siyang pakialam kung may makakilala sa kanya. Una, dahil nasa ospital na rin naman si Mama Linda. At pangalawa, wala na rin siyang pakialam sa kung ano ang kayang sabihin at gawin sa kanya ng ibang tao. Sa tindi nang pinagdaanan niya nitong mga nakalipas na araw, wala na siyang panahon para isipin pa ang mga isyu nila sa kanya.

O baka kaya rin naman malakas ang loob niya ay dahil sa enerhiyang dumadaloy sa kanya na nagmumula sa suot niyang kuwintas. Hindi niya eksaktong maipaliwanag kung anong klaseng enerhiya ito, pero nararamdaman niya ito sa kanyang sistema na para bang kaya niyang lumipad, bumuhat ng gusali o gumawa ng mga ilusyon. Sa madaling salita, parang wala siyang limitasyon sa mga kaya niyang gawin. Ito yata ang ibig sabihin ng salitang "fearless" na binabanggit sa kanya ni Mr. Aragon noon sa English class nila.

Pagdating, binuksan niya ang gate ng lumang bahay ng mga Vera-Real at pagtapak pa lang sa bakuran ay halos lumubog na ang mga paa niya sa dami ng mga nagkalat na lagas na bulaklak ng punong Banaba.

"Kumusta ka na, Tangkad?" Bati ni Minggay sa kaibigang puno. Nilapitan niya ito at niyakap. "Na-miss kita. Sobra." Nanginginig ang boses niya. Parang gusto niyang maiyak.

"Bakit parang matamlay ka yata. Teka, kuha lang ako tubig sa likod." Umikot si Minggay papunta sa may poso, malapit sa sampayan. Naghanap siya ng sisidlan o pang-salok sa mga basurang napadpad doon at nakakita siya ng bao ng niyog.

"Puwede na siguro 'to." Nilinis niya sandali ang bao at bumomba siya ng tubig mula sa poso para idilig kay Tangkad. Naka-sampung beses din nang pabalik-balik si Minggay para lang masigurong sapat ang dami ng tubig na naibuhos niya sa halaman. Mas malaki at mas mataas ang puno, mas maraming tubig ang kailangan lalo na't medyo mahaba ang tag-araw ngayon sa Villapureza. Patapos na kasi ang Hunyo pero isang beses pa lang yatang umulan sa lugar nila.

"Ayan. Medyo masigla ka na ulit. Puwede na siguro akong magkuwento." Umupo si Minggay sa dati niyang puwesto at sinumulan niya ang istorya kung saan sila huling nagtapos - sa aksidente ni Mama Linda.

Kinakausap ni Minggay ang punong Banaba na parang isang normal na tao. Hindi na niya maalala kung kailan at paano siya nagsimula maging ganito. Basta ang alam niya komportable siya kay Tangkad dahil handa itong makinig sa lahat ng himutok niya sa buhay at wala siyang panghuhusgang maririnig mula rito.

"Ate?" Naputol sa pagkukuwento si Minggay. Sino ba 'yun? Nainis pa siya nang kaunti dahil sa istorbo . Pero nawala ang inis niyang iyon nang makita ang bunsong si Caloy.

Tumayo siya agad-agad at niyakap nang mahigpit ang payat na katawan ng kapatid. "Bunsoy!"

Sandaling napalitan ng lungkot ang saya ni Minggay nang maramdaman niyang para siyang yumayakap sa kalansay. Humpak na ang mukha ni Caloy at halos nakaluwa na ang kanyang mga mata. Bakat din sa madumi at gutay-gutay niyang sando ang mga nakalitaw na buto sa kanyang tadyang.

Tulad ng dati, simula noong hindi na umuwi si Minggay sa kanila, araw-araw na pinupuntahan ni Caloy si Tangkad. Umaasa na makikita niya dito ang ate. Siya lang kasi sa magkakapatid ang nakaaalam ng paboritong tambayan ni Minggay dahil paminsan-minsan dinadala siya ni Minggay dito.

"Bakit naman ganyan ang itsura mo, ha? Ang nipis-nipis mo na. Bakit hindi ka kumakain?" Ang kumpyansa sa sarili na naramdaman niya kanina ay napalitan ng habag at pag-aalala. Tuyo at bitak-bitak din ang mga labi ni Caloy. Malamang kapos rin ito sa tubig.

"Sinasabi ko na nga ba. Kaya ang konti ng delihensya mo kasi panay punta mo rito!" Isa pang boses. Tinadyakan nito ang gate para makapasok. Lalaki at naka-black na t-shirt. Sa kamay niya, nakapulupot ang kulay brown na sinturon.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now