Part 17 - Magazine

532 21 2
                                    

Nagbabasa ng librong pambata si Caloy sa isang lamesa. Banaag ang saya sa mga mata nito at manghang-mangha rin siya sa mga nakaguhit na mga duwende sa Snow White and The Seven Dwarfs habang bitbit ng mga ito ang mga piko at pala papunta sa minahan. Samantalang, hindi rin maalis ang atensyon ni Minggay sa larawan ni Father Greg sa may entrada. Anong ginagawa ng larawan ng isang pari sa aklatan? Panay ang sulyap niya rito

Hanggang sa hindi na niya natiis at pinuntahan na niya ang librarian para mag-usisa. "Miss, 'di ba po si Father Greg 'yan?"

Nakatingin si Minggay sa malaking larawan. Ibinaba ng librarian ang kahon ng mga index card. "Kilala mo siya?"

"Ummmm... opo. Kaibigan siya ng... Ummmm.. mama ko," pagsisinungaling ni Minggay. Hindi niya puwedeng sabihin na kilala niya ito dahil nakikita niya ang larawan nito sa simbahan kung saan siya nakatira ngayon. Baka mapaghinalaan pa siya nang kung ano-ano. "Bakit po may larawan ni Father Greg dito sa library?"

"Siya kasi ang nagpatayo nito galing sa mga donasyon ng mga parokyano. Actually, katulong niya 'yung dating dating librarian dito - si Miss Agatha."

"Nasa'n na po si Miss Agatha?"

Isinalansang muna ng librarian ang kahon ng nga index card sa tukador at saka binalikan si Minggay. "Alam mo, hanggang wala ngayon pang nakakaalam kung nasaan na siya. May nakapagsabi na baka dinukot daw. Pero meron din nakapagsabi na ang huling kasama raw niya ay si Father Greg. Inembistigahan na ng mga pulis noon si Father Greg at wala naman silang nakita na kahit ano. Basta ang sabi lang ni Father, huli niyang nakita si Miss Agatha noong ihatid niya ito sa sakayan ng mga tricycle pauwi sa kanila. Nakakalungkot. Ang bait pa naman nu'n."

"Ah, gano'n po ba?"

Tumaas ang kilay ng librarian. "Teka, taga saan ka nga ulit?"

"Ah... Eh... Balik na po ako du'n sa table. Wala po kasing kasama 'yung kapatid ko," at nagmadali na siyang bumalik sa lamesa kung nasaan si Caloy. Ramdam niya ang mainit na tingin sa kanya ng librarian.

Mabagal na lumakad ang kuwarenta minutos at nakaka-limang libro na si Caloy. Nasa kuwento na siya ni Peter Pan at Captain Hook. Samantalang siya, inip na inip na sa sobrang tahimik ng lugar. Dagdag pa rito ang nakakailang na larawan ni Father Greg na para bang binabantayan siya ng mga mata nito.

Kaya para libangin ang sarili, kumuha na rin siya ng babasahin. Nag-ikot ikot siya sa mga istante ng libro. Wala siyang hilig sa mga nobela at encyclopedia kaya tumungo siya sa pinakalikod pa ng aklatan. Nagkislapan ang mga mata niya nang makita ang patong-patong na mga magazine covers ng mga paborito niyang artista magmula kay Claudine Baretto, Rico Yan, Bobby Andrews, Jolina Magdangal, Patrick Garcia at marami pang iba.

"Naku, mukhang gagabihin yata kami rito," kinikilig na sabi ni Minggay. Hawak niya sa mga kamay ang magazine na may pabalat na larawan ni Judy Ann Santos at Wowie de Guzman na magkahawak kamay. Mamatay-matay siya sa saya dahil matagal na niyang gustong magkaroon ng ganitong kopya. Kaya lang hindi nga siya makabili dahil salat siya sa pera.

Bawal mag-ingay sa library kaya imbes na tumili, naglululundag na lang siya. Sa ka-tatalon, may nahulog na tila kapirasong papel na nakaipit mula sa magazine. Dinampot niya iyon at nakita na larawan pala ito ni Father Greg. Nakaupo ito at napapagitnaan siya ni Father Tonyo sa kanan at ni Father Eman sa kaliwa na pareho namang nakatayo. Background nila ang malaking pinto sa harap ng Casa Del Los Benditos. Ang babata pa nila tignan sa larawan. Si Father Tonyo na hindi pa nararating ang rurok ng pagiging guwapo samantalang kabilagtaran naman ito ni Father Eman na kakikitaan ng mga bakas ng batang Richard Gomez.

"Mga artistahin pala talaga kasama ko sa Casa," naaaliw na sabi ni Minggay.

"Ah, ano 'yun? Anong kailangan mo d'yan?" Tanong ng librarian na sensitibo pala sa ingay at narinig ang binubulong ni Minggay.

"Ah wala naman po, Miss," sabay itinago niya ang larawan sa kanyang bulsa para ipakita kina Father at Lila kinalaunan.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Mga alas dos na ng hapon nang ihatid ni Minggay si Caloy sa bahay nila. Sinubaybayan niya ang pagpuslit nito papasok mula sa pinagtataguang poste. Buti na lang tulog si Mama Linda. Nagsi-siesta. Nakita pa niyang inabutan ni Caloy ang mga kapatid ng tinapay bago niya ito iwan.

Nagbilin din si Minggay sa kaibigang puno ng Banaba bago siya umuwi sa Casa. "Uy, Tangkad. Ikaw na bahala sa mga kapatid ko ha. Lalo na kay Caloy. Salamat!"

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Pagkarating sa Casa, dumiretso na siya sa kanyang silid. Hindi na siya kumain ng tanghalian dahil nalipasan na siya ng gutom kakatingin sa mga magazine ng mga artista sa library kanina.

Humiga siya sa kama at huminga nang malalim. Sobrang init sa labas at ang sarap sa pakiramdam na komportable na ulit siya sa loob ng kanyang kuwarto. Pero may bahagi pa rin niya na hindi kontento dahil hindi niya kasama ang pamilya sa ginhawang nararanasan niya ngayon.

"Darating din ang araw na magkakasama-sama tayo," pinangako ni Minggay sa sarili.

Sa pagulong niya sa hinihigaan, naramdaman niya sa bulsa ang larawan na kinuha niya nang walang paalam sa library. Inilabas niya iyon at pinagmasdang maigi. Tinitignan ang bawat detalye nito -- ang mga halaman, suot ng mga pari, ang kulay ng langit, ang kulay ng Casa na dati pala ay kulay puti at ngayon ay kulay light brown na parang kapeng hinaluan ng creamer, ang sapatos na kulay pula.

Teka.

Napabangon si Minggay. Napatitig siya sa sapatos na iyon na nakalitaw sa may pinto.

"Ito yung suot na sapatos nung tao na pumapasok sa kuwarto namin ni Lila ha." Napatakip siya ng bibig dahil sa kuryente ng kilabot na umakyat mula sa kanyang mga binti papunta sa kanyang batok.

Sapatos lang ang nakalitaw. Wala ang nalalabing bahagi ng katawan. Para bang sadyang ipinakita lang sa litrato ang sapatos, pero ang mismong may suot nito ay nakatago sa likod ng pinto.

Mula sa sapatos na nakalitaw sa may sahig, umakyat ng tingin ni Minggay sa may pinto at may nakita siyang kakaiba.

"Kamay ba 'yun?" tanong niya sa sarili.

May isang kamay ang nakalapat sa pinto. Noong una, hindi pa sigurado si Minggay kung kamay nga iyon dahil hindi ordinaryo ang laki nito. Ang mga kuko, mahahaba at maiitim na parang kakagaling lang sa pagbubungkal ng lupa. At ang mga ugat, galit na galit at parang lalabas na sa mismong balat. Ang nagmamay-ari ng kamay, nakatago sa likod ng pinto.

Minasdang maigi ulit ni Minggay ang litrato. Maaliwalas ang kapaligiran, maaraw at abot tenga ang ngiti ng tatlong pari na walang kamuwang-muwang na tila may tao pala sa likuran nila na nakalimutan nilang isama.

At gumalaw ang mga daliri ng kamay sa litrato. Isa-isang tinapik ng mga daliri na may mahahaba at maruruming kuko ang pinto at saka ito biglang nagtago sa likod nito. Gano'n din ang sapatos na pula. Pagkatapos, biglang sumara ang pinto sa larawan na para bang may humila dito.

"Ayyy!" Napatili si Minggay sa gulat. Nabitawan niya ang litrato at bumagsak ito sa sahig. Hindi siya makapaniwala sa nakita.

Gumagalaw ang mga nasa litrato? Paanong...

Hindi. Baka naman kasi namamalik-mata lang siya dala ng gutom. Pero bakit gano'n? Parang totoo. Bakit parang buhay na buhay.

Marahan at nanginginig na dinampot ni Minggay ang nakataob na litrato sa sahig at saka niya iyon ibinaliktad paharap sa kanya.

Pero ibang imahe na ang nakita niya rito.

Sa sentro ng larawan, nakita niya ang lalaking nakatayo at nakabihis ng sutana na pagkaputi-puti. Sa mga paa niya, nakasuot ang pulang pares ng sapatos. Hindi nakalitaw ang mukha ng lalaki dahil sinadya yatang hindi isinama iyon ng litratistang kumuha. Nagmukha tuloy itong paring pugot ang ulo.

May hawak itong itim na bibliya sa kanang kamay at sa kaliwa naman, nakabitin ang mahabang rosaryo.

At sa tabi ng lalaki, nakagapos sa bangko ang wala ng buhay na katawan ni Mary Beth. Wakwak ang dibdib nito pababa hanggang sa may sikmura at ang dugo niya ay nakasaboy sa pajamang huli nilang nakitang suot-suot niya. Ang mga mata ni Mary Beth bahagya pang nakadilat.

Napasigaw si Minggay nang pagkalakas-lakas. Sigaw na parang wala ng bukas.



















Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now