Part 22 - Tasa Ng Tsaa

468 23 0
                                    

"Father, hindi pa po ba tapos? Masyado na po kasing marami," nag-aalangang tanong ni Minggay. Napuno na ng dugo niya ang platito at ito ay umaapaw na. Limang patak na nito ang tumulo sa sahig.

Parang hindi siya nadinig ng pari. Patuloy ito sa pagpisil nang madiin sa kanyang daliri.

"Father, tama na po. Masakit na po," iyak muli ni Minggay. Saka niya binawi ang daliri.

Doon lang tila nagising ang pari. "Ah, oo. Pasensya na. Patawad." Inabutan niya ng panyo si Minggay at sinabing doon ipahid ang daliring may sugat.

"Ano pong gagawin sa dugo ko, Father?" Panay pahid ni Minggay sa sugat na nagkulay pula na.

Ipinatong ni Father Tonyo ang platito sa may paanan ng santo. "Ilalagay lang natin 'to. Simbulo ito ng marubdob mong pananampalataya sa ating patron. And then ikaw, lumuhod ka sa harap niya at magpasalamat ka muna sa opportunity ipinagkaloob na mabisita mo siya rito at pagkatapos, sabihin mo na ang kahilingan ng iyong puso."

Parang kakaiba na ang nararamdaman ni Minggay noong mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung epekto ba ito ng maraming dugo na nawala sa kanya o marahil dahil sa nag-aapoy sa init ang silid. Tila kasi lalong lumaki at tumaas pa ang istatwa ni Saint Serberus. Pansin din niyang bahagya itong yumuko na para bang gusto nitong makita ang kanyang mukha.

Pero guni-guni lang niya siguro iyon. Dahan-dahan siyang lumuhod sa harap ng rebulto, ipinikit niya ang kanyang mga mata at nanalangin.

Ipinagdasal ni Minggay na sana magbago pa ang isip ng kanyang Mama Linda. Na sana bawiin nito ang utos sa kanyang magnakaw. Na sana tulungan siya nitong makumbinsi ang ina-inahan na dito na lang sila ng mga kapatid niya tumira sa simbahan. Umiiyak siya habang taimtim na nananalangin. Naghalo na ang kanyang mga luha at pawis at dumaloy ito pababa ng kanyang pisngi papunta sa kanyang mga labi. Wala siyang malasahan sa mga ito pero sapat na iyon para basain ang nanunuyo niyang bibig at lalamunan.

Sa gitna ng nakabibinging katahimikan, may mga boses na naririnig si Minggay. Mga boses na tila sa malayo nagmumula pero parang nasa malapit lang din. Iminulat niya ang kanyang mga mata at ang nakangiting mukha ni Father Tonyo ang una niyang nakita.

"Father, naririnig mo po ba 'yon? Parang may umuungol. Parang may naiyak. At parang marami sila," saad ni Minggay. "Sa'n kaya galing 'yun?"

"Ha? Anong... Wala naman akong naririnig na gano'n," napabaling ng tingin si Father Tonyo nang ituro ni Minggay ang isa pang pinto sa likuran nito.

"Father, parang d'yan po galing 'yung mga boses na naririnig ko. Parang may may nahingi po yata ng tulong." Humakbang si Minggay palapit sa pinto. "Ano po ba 'yang pinto na nasa likod niyong dalawa ni Saint Serberus?

Napalunok ng laway ang pari. Hindi niya inaasahan na maririnig pala ng nga ordinaryong tao tulad ni Minggay ang mga panaghoy ng mga kaluluwa na kasalukuyang sinusunog sa kabila ng pinto. "Wala naman akong naririnig ha. Saka bodega ang loob n'yan. D'yan namin tinatambak ang mga sirang kagamitan ng simbahan. D'yan din namin nilalagay 'yung mga rebulto at larawan ng mga santo na hindi na puwedeng i-display kasi wasak na or inaamag na dala ng kalumaan. Alam mo naman hindi kami puwedeng basta-basta magtapon ng mga ganoon lalo na't may mga basbas ang mga iyon. Malamang sina Nana Conrada at Lila 'yang naririnig mo. Pinagagalitan na naman siguro ni Nana si Lila kasi maaksaya sa tubig kapag naliligo."

Kahit hindi kumbinsido, tinanggap na lang ni Minggay ang paliwanag ng pari. Baka nga kina Nana Conrada at Lila galing ang mga boses na iyon. Isa pa, ayaw na niya mag-usisa masyado dahil naglalagablab na ang silid dahil sa sobrang init. Nakabuo na nga siya ng mapa sa likod dahil basa na ang kanyang suot na t-shirt.

"Father, puwede na po ba tayong bumaba? Ano po kasi... Ummm.. masyado na pong mainit dito," pakiusap ni Minggay.

"Aba oo naman. Ako nga rin naiinitan na. Kumusta naman ang pakiramdam mo. Gumaan naman ba?" Lumapit si Father Tonyo kay Minggay at saka nito inakbayan ang dalagita. Ang mga daliri ng pari, hinaplos-haplos ang balikat nito."Tandaan mo, narito lang si Saint Serberus para tulungan ka. Para tulungan tayo."

Nagulat si Minggay sa ginawang iyon ng pari. Awtomatiko siyang napaatras bigla. Nagkunwari na lang siyang hindi niya iyon napansin. "Opo, Father. Gumaan po pakiramdam ko. Ummmm... Tara na po? Baba na po tayo. Baka hinahanap na nila tayo."

"Sige. Mauna ka na at may aayusin lang ako dito. Huwag mong kakalimutang isara ang pinto paglabas," at tumalikod si Father Tonyo para ayusin ang nakatabingi palang platito sa paa ng santo. Buti na lang at walang tumapon na dugo mula rito.

Nagmamadaling lumabas si Minggay. Pagbukas ng pinto, saka lang siya nakahinga nang maluwang. Napasandal siya sa dingding sandali at hinayaang dumaloy sa kanya ang presko at malamig-lamig na hangin sa paligid. Hangin na iba sa kung ano ang nasa loob ng silid. Pakiramdam ni Minggay, natapat siya sa air conditioner.

Nang makabuwelo, nakiramdam muna siya. Kailangan niyang masigurong wala taong makakakita na kanya na galing siya sa ipinagbabawal na lugar. Iyon kasi ang kabilin-bilinan ni Father Tonyo. Wala na siyang naririnig na mga boses. Sarado din ang katapat na kuwarto ni Father Eman. Tahimik ang buong ikalawang palapag.

"One... two... three..." Bumilang pa muna siya bago niya nilakad-takbo mula sa may pinto pababa sa hagdan. Kung puwede nga lang na liparin niya iyon, baka kanina pa niya ginawa. Nasa huling baitang na siya ng hagdan nang nagtama ang mga mata nila ni Father Eman.

"Anong ginagawa mo?" Tanong ng pari sa kanya. Kagagaling lang yata sa kusina. May dala itong tasa. Hinigop muna nito ang tsaa na nasa loob habang hinihintay ang isasagot sa kanya ni Minggay.














Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now