Part 27 - Kumot

509 24 3
                                    

Nakabalik si Minggay sa Casa Del Los Benditos bandang alas sais 'y medya na ng gabi. Gusto pa niya sanang puntahan ang mga kapatid sa plaza kung saan namamalimos ang mga ito ngayon para kumustahin, pero nalaman niyang binabantayan pala sila ng Kuya Iking nila. Nakita niyang nagyo-yosi ito sa may basketball court, malapit sa kung saan nakapuwesto sina Edgar at ang iba pa.

Hindi pa rin mawala sa isip ni Minggay ang nakita niyang pananakit sa ga-tingting nilang bunso na si Caloy. Sobrang laki ng katawan ng kanilang tiyo para pumatol sa walang kalaban-labang bata. Sa sobrang galit nga ni Minggay, hindi niya napigilang magsisisigaw sa kalsada habang naglalakad siya kanina pauwi. Minumura niya si Iking mula ulo hanggang paa, bahala na kung sinong makarinig o makakilala sa kanya. Ang payong na dala-dala, pinaghahampas niya sa railing ng tulay na nagdudugtong sa Villapureza at Villadolid hanggang sa ito ay magkagutay-gutay. Sa isip-isip ni Minggay, mukha ng Kuya Iking niya ang railing at ang payong ang martilyong dudurog sa mukhang iyon.

"Mamatay ka na! Mamatay ka na sana! Wala ka ng ginawa kundi saktan kaming lahat simula nu'ng mga bata pa lang kami," lupasay ni Minggay habang hinahampas nito ang railing. Tumigil lang siya noong tinaboy ng isang lalaking taga-roon. Akala siguro kasi isa siyang baliw na pagala-gala.

"Oh! Buti naka-abot ka. Ba't naman ganyan naman itsura mo? Saan ka ba nag-suot?" Si Nana Conrada ang nagbukas ng gate ng Casa at nagpapasok sa kanya. Napansin ng matanda na hulas na hulas ang mukha ni Minggay. Sa kamay, bitbit pa nito ang sira-sirang payong. "Anong bang nangyari sa'yong bata ka?"

"Wala po, Nana. Sige po magpapalit lang po muna ako ng damit. Lalabas din po ako pagkatapos," matamlay na sagot ni Minggay at nagtuloy-tuloy ito sa kanyang kuwarto.

Pagkakita ng kama, agad siyang humilata rito. Parang ayaw na niyang bumangon. Nanlalambot siya kahit wala namang sakit.

At lumipas pa ang limang minuto ng isa pang round ng iyak at panggagalaiti, bumangon na ulit siya para maligo. Paspasan ang ginawa niya. Nagsabon lang siya ng buong katawan, kaunting kuskos, wala ng shampoo-shampoo, mabilis na banlaw at nagpunas na siya ng tuwalya. Nakabihis na siya nang katukin siya ni Nana Conrada para sa hapunan.

"Minggay, tara na't kakain na. Nandoon na 'yung mga pari. Nakakahiyang paghintayin mo pa sila."

Nagsusuklay ng buhok si Minggay. "Opo Nana. Bababa na po."

Naupo si Minggay sa pabilog na mesa sa kanan ni Father Eman. Hindi talaga doon ang puwesto niya, pero hindi na kasi siya kumportableng tabihan pa si Father Tonyo. May kakaiba kasi siyang kutob dito na ayaw niyang isipin at bigyan ng malisya.

"Kumusta? Wala ka rito buong araw ha. Sabi ni Nana binisita mo raw kaibigan mo," bati sa kanya ni Father Tonyo pagka-upo niya sa hapag. Kita sa mukha nito ang pagtataka kung bakit hindi tumabi si Minggay sa kanyang kaliwa.

"Opo Father," tipid niyang sagot.

Magulo ang kokote ni Minggay. Ano kaya kung ipagtapat na niya ang lahat sa kanila? Paano kung makiusap siya sa mga pari na doon muna patirahin sa Casa ang mga kapatid niya. Pero hindi. Baka magalit lang sila, lalo na si Father Eman. Mainit pa naman lagi ulo nito sa tulad niyang mga ampon. Ni hindi nga nito matagalan ang pakikisalamuha sa kanila ni Lila tapos magdadagdag pa ng panibagong apat na palamunin.

"Huy! Bakit yata parang ginabi ka na?" Nagulat si Minggay. Sa dami ng tumatakbo sa kanyang isipan, hindi na niya namalayan na may tinatanong pala sa kanya si Father Tonyo.

"Ah... Eh... Sinamahan ko pa po kasi sa bayan mamili ng pasalubong 'yung kaibigan ko. Babalik na po kasi siya sa Maynila bukas ng umaga," imbento ni Minggay.

"Sayang naman. Sana sinama mo na rito para makilala namin ni Father Eman. Hindi ba, Father?" Natutuwang tinapik ni Father Tonyo ang kasamahang pari pero parang hindi siya nito naramdaman. Nagpatuloy lang ito sa pagsubo.

"S-sige po. Ah, Father tawagin ko lang po si Lila sa kuwarto niya," tumayo si Minggay nang mapansing bakante ang upuan kung saan madalas pumupuwesto ang kaibigan.

"Ay... Ay... sandali lang. Maupo ka d'yan. Wala na si Lila. Sinundo na siya ng ate niya rito kaninang hapon nu'ng wala ka," paliwanag ni Father Tonyo. Nahuli ni Minggay na saglit na nagkatinginan ang pari at si Nana Conrada na kasalukuyang inilalapag ang pitsel ng tubig sa lamesa. Si Father Eman, patuloy pa rin sa pag-nguya at tila wala itong pakialam sa kanilang pag-uusap.

"Ha? Sinundo po?" Hindi makapaniwala si Minggay sa narinig.

Nagsalok ng kanin si Father sa kanyang plato at kumuha rin siya ng nagmamantikang adobo sa mangkok. "Oo. Dumating kasi ate niya galing Maynila. Eh ayun, kinukuha na si Lila. Sino ba naman kami para pigilan si Lila na sumama. Ate niya 'yon, kadugo niya. Saka hindi naman namin siya legal pang inaampon. Wala kaming papeles at dokumento. Parang ikaw lang din. Malaya kayong maka-aalis kung kailan niyo gusto."

"Pero parang... Ang bilis naman po yata. Ewan. Wala po kasing binabanggit sa akin si Lila na susunduin pala siya ng ate niya rito," umupo ulit si Minggay, pero parang nawalan na siya nang ganang kumain.

"Biglaan talaga. Kahit nga si Lila nagulat eh," natatawang sabi ni Father Tonyo. "Pero masaya ako for her. Sa wakas magkakasama na rin silang magkapatid."

"Pero Father, parang ano kasi..." Ayaw talaga maniwala ni Minggay na aalis ang kaibigan nang hindi man lang ito nagpapaalam sa kanya. Sa pagligo nga lang, lagi pa itong nagsasabi kung gaano siya katagal sa loob ng kasilyas. Ano pa kaya itong tuluyan na pala siyang lilisan.

Biglang sumabat si Father Eman. Tumigil muna ito sa pagkain. "Puwede ba? Kumain ka na lang d'yan nang tahimik. Ipinaliwanag na sa'yo ni Father Tonyo na wala na si Lila. Umalis na. Nag-alsa balutan na. Sumama na sa ate niya. Ano bang hindi mo doon maintindihan?"

Napahiya si Minggay. Nanliit siya sa titig at laki ng boses ni Father Eman. Napayuko siya sa kanyang plato.

"Ah... Sige na, kumain na tayo. Ang sarap pa naman ng adobo ni Nana. Mainit-init pa. Heto, tikman mo," alok ni Father Tonyo. Pinutol niya ang tensyon sa hangin bago pa ito mamuo bilang bagyo. Siya na mismo ang kumuha at naglagay ng ulam sa plato ni Minggay.

At doon, tinapos nila ang hapunan na wala sa kanila ang nagsasalita.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Bago matulog, dinaanan ni Minggay ang kuwarto ni Lila. Hindi ito naka-lock kaya kusa na siyang pumasok. Ininspekyon niya ang aparador nito at nalungkot siya nang makitang wala na itong laman. Ganoon din ang kanyang tukador. Ang mga unan, maayos na nakasalansang sa kama na para bang ni minsan walang humiga rito. Ang kubre-kama, kumot at mga punda, inalis na ni Nana Conrada para labhan.

Mabigat ang loob ni Minggay paglabas. Pakiramdam niya tuloy mag-isa na lang siya sa Casa. Kaya naman niyang solong linisin ang buong bahay at ang simbahan. Ang sa kanya lang siguro ay wala na siyang kaibigang makaka-kuwentuhan at karamay sa tawanan. Hindi pa nga lumilipas ang isang buong araw at miss na miss na niya agad ang bruha.

Nagpatuloy na si Minggay sa kaniyang silid para magpahinga. Gusto niyang daanin na lang sa tulog ang kanyang mga nararamdaman. Umaasa na wala na ang mga ito pagising niya kinabukasan. Pero nasalubong niya si Nana Conrada na nagmamadaling bumaba sa hagdan. May bitbit itong puting kumot na ginawang pambalot ng kung anumang bagay ang nasa loob nito.

Tinawag ni Minggay ang matanda. "Nana?"

Inalpasan lang siya ni Nana Conrada. Hindi yata siya narinig o sadyang hindi lang pinansin at dumiretso ito sa likod ng bahay.

Sa sobrang pagmamadali, ni hindi nito namalayan na may nalaglag na palang bagay galing sa kumot. Tumalbog-talbog pa ito sa hagdan bago huminto sa mismong paanan ni Minggay.

Isang headband na kulay pink na may munting laso sa gilid. Pagmamay-ari iyon ni Lila.

At tulad ng panyo ni Mary Beth, may bakas rin ito ng dugo.













Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now