Part 34 - Hila

488 19 2
                                    

Nakita ni Minggay si Father Eman na nakaupo sa gilid ng kama. Sa kamay niya ang kuwintas na may pendant na susi na ngayon ay inangkin na niya. Ninanamnam ni Father Eman ang ganda nito na para bang unang beses pa lang niya iyon namasdan.

Sinuot ng pari ang kuwintas. "Ayan. Mas maganda pala 'pag ako ang may suot sa'yo." Tumayo ito at humarap sa salamin. Kaliwa't kanan siyang nagpabaling-baling para sipatin nang maigi kung bagay ba sa kanya ang kuwintas kung titingnan sa iba't-ibang anggulo.

Kasama ni Minggay sa sahig si Father Tonyo. Ang nakabukas nitong mga mata ay direktang nakatingin sa kanya. Nalaman ni Minggay na patay na nga talaga ang pari noong hindi ito kumurap ni minsan sa kanya. Pansamantalang nilunok muna ni Minggay ang nagbabantang sigaw sa kanyang lalamunan. Saka na. Mas gusto na lang muna niyang humiga dahil medyo nahihilo at sumasakit pa ang kanyang balikat.

"Anong masasabi mo Father Tonyo? Ako na ngayon ang may hawak ng susi. Ako na ngayon ang bantay. Tapos na ang paghahari-harian mo dito. Ano, ha?" Sinisipa-sipa ni Eman ang binti ni Tonyo na unti-unti nang tumitigas. Pinuno nang dumadagundong niyang halakhak ang buong kuwarto. "Wala ka pala eh."

Hinalikan ni Father Eman ang gintong pendant.

"Sa wakas! Ano kaya ang una kong hihilingin sa santo? Hmmmm... Tama! Tama ka, Father Tonyo. Hihilingin ko na ibalik niya ang pamilya ko." Kaswal na kinakausap ni Father Eman ang patay na pari na para bang babangon pa ito maya-maya para sagutin siya.

"Pero bago ako makapag-wish kailangan munang mag-alay ako ng sariwang dugo kay Serberus. Eh, kaninong dugo kaya ang ibibigay ko? Alam ko na." Dahan-dahang pinihit ni Father Eman ang ulo sa direksyon ni Minggay. Agad namang ipinikit ng dalaga ang mga mata at nagkunwaring wala pa rin siyang malay.

Naramdaman ni Minggay ang mga yabag ni Father Eman papunta sa kanya. Huminto ito malapit sa may ulunan niya at saka kinuha nito ang kanyang kamay para salatin ang kanyang pulso. Malakas ang tibok nito. "Buhay pa ang isang 'to. Tamang-tama. Tutal naman muntikan mo na rin kaming ipahamak sa mga pulis kanina."

Hinawakan ni Father Eman ang dalawang paa ni Minggay at saka hinila niya ito palabas ng kuwarto.

Patagong iminulat ni Minggay ang mga mata at nakita niya ang pawis na pawis na likod ni Father Eman. Hinubad na nito ang powder blue niyang polo at tanging ang pang-ilalim na puting sando na lang ang kanyang suot. Sa leeg ng pari, dumuduyang nakalambitin ang kuwintas na dating pagmamay-ari ni Tonyo.

Pumikit muli si Minggay at pilit na pinakiramdaman na lang ang paligid kahit wala siyang nakikita. Ilang sandali pa, inilapag ni Eman ang kanyang mga paa at narinig niya ang tunog ng isang pinipihit na doorknob.

"Dito tayo sa loob," nasasabik na sabi sa kanya. Biglang uminit ang sahig sa balat ni Minggay at tila nag-iba ang timpla ng hangin sa kung saan man sila naroroon.

Pagkaraan ng ilang minuto, umuusal na ng dasal si Father Eman.

"Oh aking mahal at kataas-taasang tagapamahala ng lagusan, ako si Eman, ang bago ninyong lingkod. Ako nawa ay iyong tanggapin sa iyong luklukan."

Muling iminulat ni Minggay ang mga mata. Una niyang nasilayan ang kisame. Sumunod ang mga lamparang nakakalat sa sahig. At ang huli, ang likod ni Father Eman na nakaluhod sa harap ng rebultong santo. Nakadipa ang kanyang mga braso na para bang iniimbitahan niyang yakapin siya ng istatwa.

Nagawi pa ang mga mata niya sa mismong rebulto ni Saint Serberus at doon lang natanto ni Minggay na nasa loob na siya ng ipinagbabawal na silid. Ang silid na pinagdalhan sa kanya ni Father Tonyo noon kung saan nag-alay din siya ng dugo.

Pansin niyang lalo yatang tumangkad si Saint Serberus. Hindi niya alam kung dahil ba sa nakahiga lang siya o nakapatong lang ito sa mas pinataas pang tuntungan. Tila rin may nag-iba sa itsura at ayos nito. Dati kasi parang nakatingala ang rebulto, pero ngayon nakatingin na ito nang diretso. At ang mga kamay nito, wala ng hawak na bibliya at rosaryo. Saan napunta ang mga 'yon?

At isa pa - naririnig ulit ni Minggay ang mga ugong ng panaghoy. Ang mga iyak ng mga tao. Para itong nasa malapit lang, pero para ring nasa malayo. Puwede ba 'yun? Hindi niya alam kung pinaglalaruan lang siya ng kanyang tenga. Narinig na rin kasi ni Minggay ang tunog na iyon noon kasama si Father Tonyo. Baka naman kasi naapektuhan lang pandinig niya noong humampas siya sa pader kanina, 'di kaya?

Tumayo si Father Eman at may kinuha sa gilid ng pedestal. Isang mangkok at... kutsilyo? Nangingintab ang talim nito sa ilaw na nanggagaling sa mga lampara.

Nanikluhod muli si Father Eman. Sa harap niya ang mangkok at ang matalim na kutsilyo. "Oh minamahal at kataas-taasang tagapamahala, bilang bago mong tagapaglingkod, aking sinasamo sa iyo na ibalik ang aking mag-ina mula sa kabilang buhay para makapiling sila. Bilang kapalit, inaalay ko sa'yo ang dugo ng iyong alipin na si Minggay."

Doon na idinilat ni Minggay ang kanyang mga mata. Nakuha na niya ang impormasyong kailangan niyang malaman. Tapos na ang pagpapanggap.

Gagawin siyang alay. Nag-flashback sa kanyang harapan ang mga mukha ni Mary Beth at Lila.

Tatayo na sana siya para tumakas nang nakita niyang umusog sa kaliwa ang istatwa. Teka, ano 'yun? Napaupo at napamulagat siya bigla. Nahuli siya ni Father Eman subalit hinayaan lang siya ng pari. Gusto nitong ipakita mismo kay Minggay ang malagim na sikretong matagal na nilang itinatago ni Father Tonyo.

Gumalaw ang pitong talampakang rebulto na parang buhay na tao. Yumuko muna ito at saka tinalon ang sahig mula sa pedestal na kanyang tuntungan. Ang lakas ng nilikha nitong kalabog.

"Masdan mo, Minggay. Si Serberus - ang bantay ng lagusan!" Natutuwang sabi ni Father Eman. Dinakot siya ng pari at dinala sa paanan ng demonyo.

Hindi makahinga si Minggay. Biglang nanikip ang kanyang dibdib sa pinaghalong kaba, takot at amoy ng asupre na biglang sumaboy sa hangin sa loob ng mainit na kuwarto.

At parang papel na napunit ang santo. Unang napilas ang kanang sapatos nito paakyat sa kanyang mga binti, sa hita, hanggang sa nahati ito sa gitna papunta sa pinakabunbunan. May paang lumabas sa gitna ng hati. Isang paa muna at sumunod ang isa pa. Parang mga paa ng pagkalaki-laking hayop. Itim na itim ito at matatalas ang mga kuko.

At kasunod na sumilip ang isang nakapanghihilakbot na ulo ng dambuhalang aso. Pero hindi na ito basta aso lang, sa isip-isip ni Minggay. Mas malaki pa yata ito sa oso na napapanood niya sa TV. Sa magkabilang gilid ng ulo nito ay may tig-isa pang ulo na nakadikit.

Nanlilisik ang mga mata ng asong may tatlong ulo. Pulang-pula rin ang mga ito na mas matingkad pa sa dugo ang kulay. Ang mga pangil nila, kayang sumugat at makapatay kahit sa pamamagitan lang ng pagdampi. Panay din ang tulo ng laway ng impakto mula sa pinakailalim na dako ng impyerno. Sa bawat patak, umuusok ang sahig dahil ang laway na iyon ay mas mabagsik pa sa asido.

Tila takam na takam na itong pawiin ang pagka-uhaw.

"Ito ang tunay na anyo ng ating patron -- Si Saint Serberus! At sa kanya ko iaalay ang iyong buhay!" Humalakhak si Father Eman at umalingawngaw iyon hanggang sa katabing simbahan.















Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now